Maging Malapít sa Diyos
Gusto Niya Tayong Magtagumpay
GUSTUNG-GUSTO ng mapagmahal na mga magulang na makitang matagumpay ang kanilang mga anak, na magkaroon sila ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Gusto rin ni Jehova, ang ating makalangit na Ama, na magtagumpay ang kaniyang mga anak dito sa lupa. Para ipakita ang kaniyang pagmamalasakit, sinasabi niya sa atin kung paano magtatagumpay. Halimbawa, isaalang-alang ang sinabi ni Jehova kay Josue na nasa Josue 1:6-9.
Pag-isipan ang larawan sa kanan. Pagkamatay ni Moises, si Josue ang naging bagong lider ng milyun-milyong Israelita. Naghahanda na silang pumasok sa lupain na ipinangako ng Diyos sa kanilang mga ninuno. Nagbigay ng payo ang Diyos kay Josue. Kung susundin niya ito, magiging matagumpay siya. Pero ang payong ito ay hindi lamang para kay Josue. Kung ikakapit natin ito, magtatagumpay rin tayo.—Roma 15:4.
Tatlong beses sinabi ni Jehova kay Josue na magpakalakas-loob at magpakatibay. (Talata 6, 7, 9) Tiyak na kakailanganin ito ni Josue upang matagumpay niyang maakay ang bansa sa Lupang Pangako. Paano siya magkakaroon ng tibay at lakas ng loob?
Kailangang sumangguni ni Josue sa kinasihang mga akda. ‘Ingatan mong gawin ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo,’ ang sabi ni Jehova. (Talata 7) Malamang na mayroon si Josue ng iilang aklat ng Bibliya na naisulat na noon. * Pero hindi ibig sabihin na kapag may Salita ng Diyos ang isa, magtatagumpay na siya. Upang makinabang dito, kailangang gawin ni Josue ang dalawang bagay.
Una, kailangang maging laman ng puso ni Josue ang salita ng Diyos. Sinabi ni Jehova: “Babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi.” (Talata 8) Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: “Inuutusan ng Diyos si Josue na alalahanin ang Kaniyang Kautusan sa pamamagitan ng ‘pagbigkas dito nang pabulong.’” Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos araw-araw ay tutulong kay Josue na maharap ang mga darating na hamon sa kaniyang buhay.
Ikalawa, kailangang ikapit ni Josue ang mga natututuhan niya mula sa Salita ng Diyos. Sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Maingat mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad.’ (Talata 8) Ang tagumpay ni Josue ay depende sa paggawa niya ng kalooban ng Diyos. Tiyak na gayon nga! Laging nagtatagumpay ang kalooban ng Diyos.—Isaias 55:10, 11.
Sinunod ni Josue ang payo ni Jehova. Dahil dito, naging kasiya-siya ang kaniyang buhay bilang isang tapat na mananamba ni Jehova.—Josue 23:14; 24:15.
Gusto mo bang maging kasiya-siya ang iyong buhay tulad ni Josue? Gusto ni Jehova na magtagumpay ka. Pero hindi sapat ang basta pagkakaroon ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Isang matagal nang tapat na Kristiyano ang nagmungkahi: “Basahin mo ang Bibliya at isapuso ito.” Kung lagi mong babasahin ang Salita ng Diyos at ikakapit ang mga natututuhan mo, magiging “matagumpay ang iyong lakad,” gaya ni Josue.
[Talababa]
^ par. 4 Kabilang sa mga kinasihang akda na malamang na mayroon si Josue ay ang limang aklat ni Moises (Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio), ang aklat ng Job, at isa o dalawang awit.