Si Haring David at ang Musika
Si Haring David at ang Musika
KAPAG binabanggit ang musika sa panahon ng Bibliya, maiisip mo agad si David, isang kahanga-hangang lalaking nabuhay mga 3,000 taon na ang nakalilipas. Sa katunayan, karamihan ng alam natin tungkol sa musika ay mula sa ulat ng Bibliya may kinalaman sa mga gawain ni David—mula sa pagiging batang pastol hanggang sa siya’y maging hari at mahusay na organisador.
Marami tayong matututuhan tungkol sa musika noong panahon ng Bibliya mula kay David. Halimbawa, anong uri ng mga instrumento ang tinutugtog, at anong mga awit ang kinakanta? Ano ang naging papel ng musika sa buhay ni David at sa bansang Israel?
Ang Musika Noong Sinaunang Israel
Kapag binibigkas mo ang mga liriko ng isang awit, karaniwan nang naaalaala mo ang himig nito. Ang mga liriko ng maraming awit ay mababasa sa Bibliya pero nakalulungkot, ang mga himig nito ay hindi na alam. Yamang matulain ang mga liriko ng aklat ng Mga Awit, tiyak na napakaganda rin ng himig na sumasaliw rito.
Kaunti lamang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga instrumentong pangmusika. (Tingnan ang kahong “Mga Instrumentong Pangmusika Noong Panahon ng Bibliya.”) Hindi rin alam kung anong uri ng alpa ang ginamit ni David. Gayunman, kapansin-pansin na nakaimbento ng maraming instrumentong pangmusika ang mga Israelita, gaya ng pambihira at mamahaling mga alpa na yari sa kahoy.—2 Cronica 9:11; Amos 6:5.
Pero isang bagay ang tiyak, mahalaga ang musika sa buhay ng mga Hebreo, lalo na sa kanilang pagsamba sa Diyos. Nagpapatugtog ng
musika kapag may koronasyon, relihiyosong seremonya, at digmaan. Pinasasaya rin ng musika ang palasyo, ang mga kasalan at pagtitipon ng pamilya, at ang mga kapistahan ng pag-aani ng ubas at mga binutil. Nakalulungkot, ang musika ay iniuugnay rin sa mga bahay-aliwan. Gayundin, kapag may namatay, inaaliw ng musika ang mga naulila sa kanilang pagdadalamhati.May iba pang papel ang musika sa Israel. Nakatutulong din ito para marelaks ang isip. Tumulong naman ito sa mga propeta na maging bukás ang isip sa espirituwal na mga bagay. Halimbawa, tumanggap si Eliseo ng tagubilin mula sa Diyos nang marinig niya ang panugtog na de-kuwerdas. (2 Hari 3:15) Ginagamit din ang musika upang ipatalastas ang pantanging mga pangyayari. Dalawang pilak na trumpeta ang pinatutunog bilang hudyat ng mga bagong buwan at kapistahan. Kapag araw ng Jubileo, ang tunog ng tambuli ay nagpapahayag ng kalayaan ng mga alipin at pagsasauli ng lupa at mga bahay sa mga may-ari nito. Tiyak na napakasaya ng mga dukha kapag naririnig nila ang musikang naghahayag ng pagsasauli ng kanilang kalayaan o mga pag-aari!—Levitico 25:9; Bilang 10:10.
May ilang Israelita na magaling tumugtog o umawit. Sa katunayan, ayon sa inukit sa bato ng mga Asiryano, ang hininging tributo ni Haring Senakerib kay Haring Hezekias ay mga lalaki at babaing manunugtog. Ang mga ito ay sinasabing mahuhusay na tagapagtanghal. Ngunit si David ay natatangi sa kanilang lahat.
Isang Kahanga-hangang Manunugtog
Kahanga-hanga si David dahil hindi lamang siya manunugtog kundi makata rin. Mahigit sa kalahati ng mga awit ay sinasabing kinatha niya. Isa siyang pastol noong bata pa siya, kaya buong-buo sa isip niya ang mga tanawin sa Betlehem kung saan siya nagpapastol. Tuwang-tuwa siya kapag naririnig niya ang lagaslas ng tubig sa batis at ang “meeè” ng mga tupa sa kaniyang tawag. Palibhasa’y naantig sa kagandahan ng mga “musika” na ito, kinuha niya ang kaniyang alpa at umawit ng papuri sa Diyos. Tiyak na napakasarap pakinggan ng musikang kinatha ni David sa Awit 23!
Napakahusay tumugtog ng alpa ni David noong kabataan niya anupat inirekomenda siya kay Haring Saul. Kinuha siya ng hari bilang manunugtog. Kapag si Saul ay napipighati at nababagabag, pumupunta si David sa kaniya upang tumugtog ng alpa na nagpapakalma sa hari. Sa gayon, napapayapa ang isip ni Saul.—1 Samuel 16:16.
Mahilig si David sa musika at ito ay nagdulot sa kaniya ng kaligayahan, kung minsan naman ay problema. Isang araw pagbalik nina David at Saul mula sa matagumpay na pakikipaglaban sa mga Filisteo, nakarinig ang hari 1 Samuel 18:7-9.
ng awit ng tagumpay at pagsasaya. Umaawit ang mga babae: “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” Dahil dito, nainggit at nagalit si Saul anupat “lagi nang tumitingin kay David nang may paghihinala magmula nang araw na iyon.”—Inspirasyon ni David ang Musika
Nakahihigit sa maraming paraan ang mga awit na kinatha ni David sa tulong ng espiritu ng Diyos. Kabilang sa kaniyang mga awit ay tungkol sa pagninilay-nilay at pagpapastol. Ang mga ito ay mga kapahayagan ng papuri, pag-uulat ng kasaysayan, kagalakan sa pag-aani ng ubas, karangyaan ng inagurasyon ng palasyo, alaala, pag-asa, pagsusumamo, at paghiling. (Tingnan ang Awit 32, 23, 145, 8, 30, 38, 72, 51, 86 at ang mga superskripsiyon nito.) Pagkamatay ni Saul at ng anak niyang si Jonatan, kumatha si David ng panambitan na tinawag na “Ang Busog.” Nagsisimula ito sa pananalitang: “Ang kagandahan, O Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako.” Malungkot ito. Alam ni David kung paano ipahayag ang iba’t ibang damdamin, kapuwa sa salita at sa musika ng kaniyang alpa.—2 Samuel 1:17-19.
Masayahin si David, kaya mahilig siya sa masasayang musika na nakakaindayog. Nang dalhin niya ang kaban ng tipan sa Sion, naglululukso siya at nagsasasayaw upang ipagdiwang ito. Ipinahihiwatig sa ulat ng Bibliya na ang musika noon ay lubhang nakapagpapasaya. Naiisip mo ba ang eksena? Ikinagalit ito ng asawa niyang si Mical. Pero hindi siya pinansin ni David. Mahal niya si Jehova at ang musika na nagbigay sa kaniya ng kaligayahan na siyang dahilan kung bakit siya napalukso sa 2 Samuel 6:14, 16, 21.
harap ng kaniyang Diyos.—Higit pa riyan, nakilala rin si David sa paggawa ng bagong mga instrumento sa musika. (2 Cronica 7:6) Kaya talagang masasabing si David ay natatangi pagdating sa musika yamang kaya niyang gumawa ng instrumentong pangmusika, mahusay siyang makata, kompositor, at tagapagtanghal. Pero higit pa riyan ang ginawa ni David.
Ang Pag-awit at Musika sa Templo
Isa sa mga pamana ni David ay ang pag-oorganisa ng pag-awit at musika sa bahay ni Jehova. Inatasan niya sina Asap, Heman, at Jedutun (malamang na tinatawag ding Etan) na pangunahan ang 4,000 mang-aawit at manunugtog. Isinama sila ni David sa 288 dalubhasa sa musika upang sanayin at pangasiwaan ang iba pa sa grupo. Nagtatanghal ang 4,000 mang-aawit at manunugtog sa templo para sa tatlong taunang malalaking kapistahan. Isipin na lamang kung gaano kahanga-hanga ang korong ito!—1 Cronica 23:5; 25:1, 6, 7.
Mga lalaki lamang ang umaawit sa templo. Ang mga salitang “sa Mga Dalaga” na nasa superskripsiyon ng Awit 46 ay tumutukoy sa matitinis na boses o instrumento. Sabay-sabay silang umaawit gaya ng nakaulat sa 2 Cronica 5:13: “Ang mga mang-aawit ay magkaisa.” Ang mga awit ay maaari ding tumukoy sa mga melodya, gaya ng Awit 3 at ng marami pang ibang awit ni David. Kung minsan, mayroon itong koro gaya ng nasa Awit 42:5, 11 at 43:5. Paborito ring paraan ng pag-awit ang antiphony kung saan nagsasagutan ang koro at/o mga soloista. Ganito ang istilo sa Awit 24 na tiyak na kinatha nang dalhin ni David ang kaban ng tipan sa Sion.—2 Samuel 6:11-17.
Hindi lamang ang mga naglilingkod sa templo ang umaawit. Umawit ang bayan nang umahon sila sa Jerusalem para sa taunang mga kapistahan. Ito malamang ang ibig sabihin ng “Awit ng mga Pagsampa.” (Awit 120 hanggang 134) Halimbawa, sa Awit 133, pinuri ni David ang pagkakapatiran ng mga Israelita nang sandaling iyon. Nagsimula siya sa pananalitang ito: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” Isip-isipin na lamang ang musikang sumasaliw sa awit na ito!
Ang Musika at ang Pagsamba kay Jehova
Ang ikasampung bahagi ng Bibliya ay mga awit. Hinihimok ng aklat ng Mga Awit ang lahat ng tao na pumuri. (Awit 150) Ang musika ay nakatutulong upang makalimutan ng isa ang mga alalahanin sa buhay at ang pag-awit ay maaaring makaaliw sa nasaktang puso. Gayunman, iminumungkahi rin ng Bibliya na umawit ng mga salmo ang mga nagagalak.—Santiago 5:13.
Maipahahayag ng isa ang kaniyang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pag-awit. Noong gabi bago mamatay si Jesus, umawit siya at ang kaniyang mga apostol pagkatapos nilang maghapunan. (Mateo 26:30) Tiyak na napakaganda ng boses ng Anak ni David—siya na nakarinig sa maluwalhating awitan sa langit! Malamang na inawit nila ang Hallel, na nasa Awit 113 hanggang 118. Kung gayon, kasama ng mga apostol, na walang nalalaman sa lahat ng mangyayari, malamang na umawit si Jesus nang malakas: “Ako ay umiibig, sapagkat dinirinig ni Jehova ang aking tinig, ang aking mga pamamanhik. . . . Kinulong ako ng mga lubid ng kamatayan at nasumpungan ako ng mga nakapipighating kalagayan ng Sheol. . . . ‘Ah, Jehova, paglaanan mo ng pagtakas ang aking kaluluwa!’”—Awit 116:1-4.
Hindi tao ang nagpasimula ng musika. Inilalarawan sa Bibliya ang musika at awitan sa langit, kung saan ang mga espiritung nilalang ay tumutugtog ng makasagisag na mga alpa at umaawit ng papuri sa palibot ng trono ni Jehova. (Apocalipsis 5:9; 14:3; 15:2, 3) Ang Diyos na Jehova ang nagbigay ng musika sa mga tao. Inilagay niya ito sa kanilang puso kaya hindi nila mapigilang ipahayag ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng pagtugtog o pag-awit. Higit sa lahat, para sa taong may pananampalataya, ang musika ay isang regalo ng Diyos.—Santiago 1:17.
[Blurb sa pahina 27]
“Sa araw ng inyong pagsasaya at sa inyong mga kapanahunan ng pista . . . hihipan ninyo ang mga trumpeta.”—BILANG 10:10
[Blurb sa pahina 28]
“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako.”—AWIT 23:1, 2
[Blurb sa pahina 29]
“May . . . apat na libong tagapagbigay ng papuri kay Jehova sa pamamagitan ng mga panugtog na sinabi ni David na ‘aking ginawa upang magbigay ng papuri.’”—1 CRONICA 23:4, 5
[Blurb sa pahina 29]
Ipinahayag ni David ang iba’t ibang damdamin kapuwa sa salita at sa musika
[Blurb sa pahina 30]
“Purihin ninyo si Jah! Purihin ninyo siya ng tamburin at ng paikut-ikot na sayaw. Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah.”—AWIT 150:1, 4, 6
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28]
Mga Instrumentong Pangmusika Noong Panahon ng Bibliya
Kabilang sa mga instrumentong de-kuwerdas ang laud, alpa, at mga panugtog na may sampung kuwerdas. (Awit 92:3) Nakatono ang mga ito sa Alamot at Seminit, na marahil ay tumutukoy sa mataas at mababang oktaba. (1 Cronica 15:20, 21) Kasama naman sa mga instrumentong hinihipan ay ang pipa, plawta, tambuli, at mga trumpeta, na ‘pinatutunog nang malakas.’ (2 Cronica 7:6; 1 Samuel 10:5; Awit 150:3, 4) Nang ialay ang templo, ang tunog ng mga trumpeta at ang mga mang-aawit ay ‘nagkaisa sa pagpaparinig ng isang tunog.’ (2 Cronica 5:12, 13) Waring ipinahihiwatig nito na nasa tono sila at walang sintunado. Ang instrumentong pinupukpok naman ay mga tamburin at sistro, isang uri ng panugtog na inaalog, at “lahat ng uri ng mga panugtog na yari sa tablang enebro.” Mayroon ding mga simbalo—maliliit na “may malamyos na tunog” at malalaki na tinatawag na “mga tumataguntong na simbalo.”—2 Samuel 6:5; Awit 150:5.
[Mga larawan]
Itaas: Makikita sa Arko ni Tito sa Roma, Italya, ang mga trumpetang kinuha sa templo sa Jerusalem noong 70 C.E. Mga barya noong mga 130 C.E. na may larawan ng mga instrumentong pangmusika ng mga Judio
[Credit Line]
Mga barya: © 2007 by David Hendin. All rights reserved.