Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Saan dumaan si apostol Pablo sa kaniyang unang paglalakbay sa Roma?

Sinasabi sa Gawa 28:13-16 na ang barkong sinakyan ni Pablo patungong Italya ay dumaong sa Puteoli (Pozzuoli na ngayon), sa Lawa ng Naples. Pagkatapos, dumaan siya sa Via Appia, ang pangunahing lansangan ng lunsod, patungong Roma.

Kinuha ang pangalang Via Appia kay Appius Claudius Caecus, isang estadistang Romano. Sinimulan niyang itayo ang lansangang ito noong 312 B.C.E. Mga lima hanggang anim na metro ang lapad nito na tinambakan ng malalaking bato mula sa bulkan. Nang maglaon, umabot ito nang 583 kilometro patimog-silangan mula sa Roma. Ito ang nagdurugtong sa Roma at sa daungan ng Brundisium (Brindisi na ngayon), ang daan patungong Silangan. Humihinto ang mga manlalakbay kada 24 na kilometro o higit pa para bumili ng mga suplay, para matulog, o para magpalit ng mga sasakyan o kabayo.

Malamang na naglakad si Pablo sa Via Appia sa layong 212 kilometro. Binagtas niya ang Pontine Marshes, isang latian na inireklamo ng isang manunulat na Romano dahil sa mga lamok at mabahong amoy. Sa hilaga ng latiang ito ay ang Pamilihan ng Apio​—mga 65 kilometro mula sa Roma​—at ang Tatlong Taberna, isang pahingahan na mga 50 kilometro mula sa lunsod. Sa dalawang lugar na ito naghihintay kay Pablo ang mga Kristiyano sa Roma. Nang makita sila ni Pablo, siya ay “nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.”​—Gawa 28:15.

Anong sulatan ang tinutukoy sa Lucas 1:63?

Iniulat ng Ebanghelyo ni Lucas na tinanong si Zacarias ng mga kaibigan niya kung ano ang ipapangalan niya sa kaniyang bagong-silang na anak. Si Zacarias ay “humingi ng sulatan at sumulat: ‘Juan ang pangalan nito.’” (Lucas 1:63) Ayon sa akda ng isang iskolar, ang salitang Griego na isinaling “sulatan” ay tumutukoy sa “maliit na sulatang karaniwan nang yari sa kahoy na pinahiran ng wax sa ibabaw.” Pinagdurugtong ng bisagra ang mga kahoy na pinahiran ng wax na galing sa bubuyog. Ang ibabaw nito ang sinusulatan. Maaari namang burahin ang isinulat para magamit muli.

Ganito ang sinasabi ng aklat na Reading and Writing in the Time of Jesus: “Ipinakikita ng mga ipinintang larawan mula sa Pompeii, mga eskultura mula sa iba’t ibang dako ng Imperyo ng Roma, at ng aktuwal na mga nahukay sa maraming lugar mula sa Ehipto hanggang sa Hadrian’s Wall [Hilagang Britanya] na laganap ang paggamit ng mga sulatan.” Iba’t ibang indibiduwal ang maaaring gumamit ng gayong sulatan tulad ng mga mangangalakal, opisyal ng pamahalaan, at marahil ay maging ng ilang Kristiyano noong unang siglo.

[Larawan sa pahina 11]

Via Appia

[Larawan sa pahina 11]

Sulatang may wax ng mag-aaral, ikalawang siglo C.E.

[Credit Line]

By permission of the British Library