Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Katapusan ba ang Mundo?

May Katapusan ba ang Mundo?

May Katapusan ba ang Mundo?

“LAGING laman ng mga pelikula ang tungkol sa katapusan ng mundo.” Iyan ang sabi ng kolumnistang si John Scalzi. Bakit kaya pinipilahan ng mga tao ang gayong mga pelikula? “Dahil ito ang ikinakatakot natin,” ang sabi ni Scalzi. Sang-ayon ka ba? May dahilan ba tayo para matakot sa kung paano at kailan magwawakas ang mundo at ang lahat ng nabubuhay rito?

Halos araw-araw, nababalitaan natin kung paano sinasalanta ng mga kalamidad ang buong daigdig. Paulit-ulit na ipinalalabas sa TV at Internet ang video ng mga ito. Kapag lagi natin itong nakikita, mauunawaan natin kung bakit nagiging parang totoong-totoo sa atin ang katapusan ng mundo.

Lalo pang nakatakot sa mga tao ang teoriya ng mga siyentipiko sa kung paano maaaring magwakas ang mundo. Inihula pa nga ng ilan kung kailan ang expiration date ng lupa. Noong Marso 2008, iniulat ng Monthly Notices of the Royal Astronomical Society na dalawang astronomo ang humula na pagkalipas ng humigit-kumulang 7.59 bilyong taon, magugunaw ang ating planeta dahil sa sobrang init ng araw.

Talaga bang magwawakas ang lupa?

May Expiration Date ba ang Ating Planeta?

Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.” (Eclesiastes 1:4) Matibay na “itinatag [ng Diyos na Jehova] ang lupa sa mga tatag na dako nito” at nilayon niya itong manatili “hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Totoo ba ang sinasabing ito ng kinasihang salita ng Diyos? Bakit dapat kang maniwala na hindi magwawakas ang ating mundo, gayong iba naman ang sinasabi ng mga siyentipiko?

Kuning halimbawa ang mga produktong nasa istante ng tindahan. Ang ilan ay may nakalagay na expiration date. Sino ang naglagay ng petsang ito? Ayon lang ba iyon sa tantiya ng manedyer ng tindahan? Siyempre hindi! Ang gumawa ng produkto ang naglagay ng petsa. Naniniwala tayo rito dahil mas alam niya ang kaniyang produkto. Lalo na nga tayong dapat magtiwala sa Maylikha ng ating planeta! Malinaw na sinasabi sa kaniyang Salita na “itinatag [niyang] matibay ang lupa” upang manatili magpakailanman. Wala itong expiration date!​Awit 119:90.

Pero posible bang lubusang masira ng iresponsableng mga tao ang planeta natin? Hindi! Si Jehova ay di-gaya ng mga taong gumagawa ng produkto. “Kaya [niyang] gawin ang lahat ng bagay.” (Job 42:2) Dahil dito, masasabi niya: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . ay tiyak na magtatagumpay.” (Isaias 55:11) Makatitiyak tayo na tutuparin ng “ating Maylikha” ang layunin niya para sa lupa. (Awit 95:6) Ano ba ang layuning iyan? Paano ito tutuparin ng Diyos?

Tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang Kaniyang Layunin

Bukod pa sa katiyakan na hindi kailanman magwawakas ang lupa, sinasabi rin sa atin ng Bibliya na ‘inanyuan ng Diyos ang lupa upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Bagaman libu-libong taon nang tumitira ang mga tao sa lupa, hindi pa iyan ang masasabing katuparan ng layunin ng Diyos.

Si Jehova ay isang “maligayang Diyos” at “maibigin sa katarungan.” (1 Timoteo 1:11; Awit 37:28) Layunin niya na ang lahat ng tao ay mamuhay nang maligaya at may katarungan. Upang matupad ang layunin niya, inihula ng Diyos ang pagtatatag ng isang Kaharian sa langit na mamamahala sa buong lupa. (Daniel 2:44) Nang nasa lupa si Jesus, lagi niyang ipinakikipag-usap ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Hinimok niya ang kaniyang mga alagad na ipanalangin ito dahil alam niya ang lahat ng pagpapala para sa lupa na idudulot ng Kahariang ito. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Anu-ano ang mga ito?

Magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan dahil ipinangako ng Diyos na wawakasan niya ang lahat ng digmaan.​—Awit 46:9.

Magkakaroon ng sapat na pagkain para sa lahat.​—Awit 72:16.

Wala nang magiging problema sa kalusugan dahil “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”​—Isaias 33:24.

Wala nang tatangis dahil “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”​—Apocalipsis 21:4.

Ipinangangako ng Diyos na ang kaniyang bayan ay magtatayo ng kanilang sariling tahanan, mabubuhay nang tiwasay, at ‘magagalak magpakailanman.’​—Isaias 65:17-24.

Tiyak na nasasabik kang tamasahin ang mga ito. Si Jehova ay may matinding pagnanais na tuparin ang lahat ng kaniyang ipinangako. (Isaias 9:6, 7) Pero baka maisip mo: ‘Libu-libong taon na ang lumipas mula nang isulat sa Bibliya ang mga pangako ng Diyos, bakit hindi pa ito natutupad?’

Nagtitiis ang Diyos Para Maligtas Tayo

Makaaasa ka na “si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako.” Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang Diyos ay nagtitiis dahil mahal niya tayo. Kaya hinihimok tayong “ituring . . . ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” (2 Pedro 3:9, 15) Pero bakit kailangang magtiis ng Diyos para maligtas tayo?

Alam ng Diyos na bago niya mabigyan ang matuwid na mga tao ng isang tiwasay na tirahan at masaganang buhay, kailangan niya munang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Pero dahil mahal ni Jehova ang mga tao, “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa.” Sabihin pa, naging matiisin ang ating Ama sa langit “upang babalaan ang balakyot sa kaniyang balakyot na lakad.” Dahil diyan, nilayon ni Jehova na maipangaral sa buong lupa ang mensahe tungkol sa kaniyang Kaharian. * (Ezekiel 3:17, 18) Lahat ng tumutugon sa babala ng Diyos at namumuhay ayon sa Kaniyang matutuwid na simulain ay maliligtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.

Bumaling sa Diyos at Maligtas

Oo, may ‘mabuting balita’ ang Bibliya para sa atin. (Mateo 24:14) Tinitiyak sa atin ng salita ng Diyos na ang ating lupa ay hindi magwawakas! Bukod diyan, ayon sa mga hula ng Bibliya, makapagtitiwala tayo na “kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” Hindi na magtatagal, ang mga matuwid sa paningin ng Diyos ang siyang “magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11, 29; Mateo 5:5; Apocalipsis 21:3, 4) Hanggang sa panahong iyon, patuloy pa ring magtitiis at magsusumamo ang Diyos: “Bumaling kayo sa akin at maligtas, lahat kayong nasa mga dulo ng lupa.” (Isaias 45:22) Paano ka tutugon?

Bakit hindi ka bumaling sa Diyos? Hinihimok tayo ng Awit 37:34: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.” Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang matuto pa nang higit hinggil sa walang-hanggang layunin ng Diyos para sa lupa at kung paano mo masasaksihan ang katuparan nito.

[Talababa]

^ par. 21 Sa pagsunod sa utos ni Jesus sa Mateo 28:19, 20, mahigit pitong milyong Saksi ni Jehova sa 236 na lupain ang gumugugol ng mga isa at kalahating bilyong oras taun-taon sa pagtuturo sa mga tao ng napakagandang layunin ng Diyos para sa lupa.

[Picture Credit Line sa pahina 22]

NASA photo