Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

BAKIT pinagupitan ng isang Rastafarian * ang kaniyang buhok na nakatirintas, at paano niya napagtagumpayan ang kaniyang pagtatangi sa mga puti? Paano nabago ng isang kabataang marahas at kolektor ng pera ng mga nagbebenta ng droga ang kaniyang paraan ng pamumuhay? Pansinin kung ano ang sinabi nila.

“Napagtagumpayan Ko Pa Nga ang Pagtatangi.”​—HAFENI NGHAMA

EDAD: 34

BANSANG PINAGMULAN: ZAMBIA

DATING RASTAFARIAN

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa isang kampo ng mga nagsilikas sa Zambia. Tumakas ang nanay ko mula sa Namibia noong panahon ng gera at sumapi sa South West Africa People’s Organization (SWAPO). Nilalabanan ng organisasyong ito ang rehimen ng Timog Aprika na namamahala sa Namibia nang panahong iyon.

Tumira ako sa iba’t ibang kampo ng mga lumikas hanggang sa mag-15 anyos ako. Ang mga kabataan sa mga kampo ng SWAPO ay inihahanda para itaguyod ang adhikain ng samahan ukol sa kalayaan. Dinoktrinahan kami tungkol sa pulitika at tinuruang mapoot sa mga puti.

Nang ako’y 11 anyos, gusto kong maging Kristiyano at mapabilang sa isang simbahan ng pinagsama-samang Romano Katoliko, Luterano, Anglikano, at iba pang relihiyon sa loob ng kampo. Hindi ako pinayagan ng pastor. Mula noon, naging ateista ako. Pero noong ako’y 15 anyos na, nahilig ako sa musikang reggae. Sumanib rin ako sa kilusang Rastafarian dahil gusto kong bigyang-katarungan ang pang-aaping naranasan ng mga Aprikanong itim. Tinirintas ko nang pagkaliliit ang buhok ko, humitit ng marijuana, hindi na rin ako kumain ng karne, at itinaguyod ko ang kalayaan para sa mga itim. Pero patuloy akong namuhay nang imoral at nanood ng mararahas na pelikula. Garapal din akong magsalita.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 1995, mga 20 anyos ako noon, nagsimula akong magseryoso sa buhay. Pinag-aaralan ko ang lahat ng makita kong aklat tungkol sa Rastafarian. Ang ilan dito ay sumipi sa Bibliya, pero hindi ko maintindihan ang paliwanag ng mga ito. Kaya binasa ko mismo ang Bibliya.

Nang maglaon, isang kaibigang Rastafarian ang nagbigay sa akin ng salig-Bibliyang aklat na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Pinag-aralan ko ito gamit ang Bibliya. Pagkatapos, may nakilala akong mga Saksi ni Jehova at nakipag-aral ako ng Bibliya sa kanila.

Nagsikap ako nang husto para maihinto ang aking paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak. (2 Corinto 7:1) Inayos ko ang aking hitsura, ipinagupit ang aking buhok, at itinigil ang panonood ng pornograpya at mararahas na pelikula. Hindi na rin ako garapal magsalita. (Efeso 5:3, 4) Nang maglaon, napagtagumpayan ko pa nga ang pagtatangi laban sa mga puti. (Gawa 10:34, 35) Kailangan ko ring itigil ang pakikinig ng mga musikang nagtataguyod ng pagtatangi ng lahi at ang pakikisama sa dati kong mga kaibigan na maaaring makaimpluwensiya sa akin na bumalik sa dati kong buhay.

Pagkatapos kong magawa ang mga ito, hinanap ko ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at sinabi kong gusto kong mapabilang sa kanilang relihiyon. Hindi natuwa ang pamilya ko nang ipasiya kong magpabautismo bilang Saksi ni Jehova. Sinabi ng nanay ko na pumili na lamang ako ng ibang relihiyong “Kristiyano,” huwag lamang ang mga Saksi ni Jehova. Lagi akong tinutuya ng isa kong kamag-anak, na isang prominenteng opisyal ng pamahalaan, sa desisyon kong maging Saksi.

Gayunman, ang natutuhan ko tungkol sa pakikitungo ni Jesus sa mga tao at ang pagkakapit ng kaniyang payo ay nakatulong sa akin na mabata ang pagsalansang at panunuya. Nang ihambing ko ang itinuturo ng mga Saksi sa sinasabi ng Bibliya, nakumbinsi akong ito na ang tunay na relihiyon. Halimbawa, sinusunod nila ang utos ng Bibliya na mangaral sa iba. (Mateo 28:19, 20; Gawa 15:14) Hindi rin sila nakikisangkot sa pulitika.​—Awit 146:3, 4; Juan 15:17, 18.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Malaki ang naitulong sa akin ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, nakatipid ako nang daan-daang dolyar bawat buwan dahil inihinto ko ang paggamit ng marijuana. Hindi na ako nakararanas ng halusinasyon, at bumuti ang aking mental at pisikal na kalusugan.

May direksiyon at layunin na ngayon ang buhay ko na pinangarap ko mula pa pagkabata. At higit sa lahat, nagkaroon ako ng malapít na kaugnayan sa Diyos.​—Santiago 4:8.

“Natutuhan Kong Kontrolin ang Aking Galit.”​—MARTINO PEDRETTI

EDAD: 43

BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING NAGBEBENTA NG DROGA

ANG AKING NAKARAAN: Habang nagkakaedad ako, palipat-lipat ng tirahan ang aming pamilya. Tumira ako sa maliliit na bayan, isang malaking lunsod, at pansamantala, sa isang liblib na lugar na may misyon na suportado ng mga Protestante. Marami akong masayang alaala noong panahong iyon kasama ang aking mga pinsan at tiyo​—pangingisda, pangangaso, paggawa ng mga boomerang, at pag-ukit ng iba pang bagay.

Boksingero ang tatay ko kaya bata pa lang ako ay tinuruan na niya akong lumaban. Naging marahas ako. Noong tin-edyer na ako, nagbababad ako sa mga bar para uminom ng alak. Kaming magkakabarkada ay naghahanap ng away. Sinasalakay namin ang 20 o higit pang tao gamit ang mga patalim at baseball bat.

Kumikita ako sa pagbebenta ng droga at sa mga bagay na ipinuslit ng mga nagtatrabaho sa piyer. Tinatakot namin ang mga tao gamit ang baril para magbayad sila ng kanilang utang sa mga drug dealer. Pangarap kong maging bayarang mamamatay-tao. Ang aking prinsipyo sa buhay, Pumatay o mapatay.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Narinig ko ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova noong kabataan pa ako. Pagkalipas ng ilang taon, natatandaan kong tinanong ko ang aking nanay kung alam niya kung saan ko sila makikita. Pagkaraan ng dalawang araw, kumatok sa pinto ang isang Saksi na nagngangalang Dixon. Pagkatapos naming mag-usap, inanyayahan niya akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Dumalo ako, at mula noon mahigit nang 20 taon akong dumadalo ng mga pulong. Lahat ng tanong ko ay nasasagot ng mga Saksi gamit ang Bibliya.

Natutuwa akong matutuhan na interesado si Jehova sa lahat ng tao, kahit na sa masasama. (2 Pedro 3:9) Nalaman ko na siya ay isang maibiging Ama na nagmamalasakit sa akin, at hindi niya ako kailanman iiwan. Gumaan din ang pakiramdam ko nang malaman kong patatawarin niya ang aking mga kasalanan kung magbabago ako. Malaki ang epekto sa akin ng teksto sa Bibliya na nasa Efeso 4:22-24. Hinimok ako ng tekstong iyon na ‘alisin ang lumang personalidad’ at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.”

Matagal bago ko nabago ang aking buhay. Halos isang linggo kong natitiis na huwag tumikim ng droga pero pagdating ng dulong sanlinggo, kapag kasama ko ang aking barkada, balik-droga na naman ako. Naisip ko na kailangan kong layuan ang aking barkada para mabago ko ang aking buhay. Kaya lumipat ako sa ibang lugar. Inalok ako ng ilan sa aking kabarkada na ihahatid nila ako sa aking lilipatan, at pumayag naman ako. Habang nasa biyahe, humitit sila ng marijuana at inalok ako. Pero sinabi ko sa kanila na nagbagong-buhay na ako. Kaya humiwalay na lang ako sa kanila at mag-isang nagpatuloy sa pagbibiyahe. Pagkatapos, nabalitaan ko na lang na nang humiwalay ako sa kanila, nangholdap sila ng bangko gamit ang baril.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nang malayo na ako sa aking barkada, naging mas madali sa akin na magbagong-buhay. Noong 1989, nabautismuhan ako bilang Saksi. Pagkatapos, naging lingkod din ni Jehova ang aking kapatid na babae, ina, at ama.

Labimpitong taon na akong kasal at may tatlong mababait na anak. Natutuhan kong kontrolin ang aking galit, kahit na hamunin pa ako. Natutuhan ko ring mahalin ang mga tao mula sa lahat ng ‘tribo, lahi, at wika.’ (Apocalipsis 7:9) Naging totoo sa akin ang mga salita ni Jesus. Sinabi niya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

[Talababa]

^ par. 2 Ang mga Rastafarian ay isang sekta sa Jamaica na ang buhok ng mga miyembro ay kadalasang nakatirintas at itinuturing na diyos si Haile Selassie ng Etiopia.

[Blurb sa pahina 19]

Kailangan ko ring itigil ang pakikinig ng mga musikang nagtataguyod ng pagtatangi ng lahi

[Blurb sa pahina 20]

Kaming magkakabarkada ay naghahanap ng away. Sinasalakay namin ang 20 o higit pang tao gamit ang mga patalim at baseball bat