Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ika-127 Gradwasyon ng Gilead

Mga Misyonerong Isinugo “sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”

Mga Misyonerong Isinugo “sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”

INUTUSAN ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging mga saksi “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Taimtim na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na iyan.

Sa katunayan, sa nakalipas na 65 taon, ang mga misyonero ay sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead para manguna sa gawaing pangangaral sa mahigit na 200 lupain. Noong Sabado, Setyembre 12, 2009, pagkatapos ng limang-buwang pagsasanay, ang 56 na makaranasang ministro ay nagtapos sa paaralan para sa mga misyonero sa Patterson, New York, E.U.A.

Ang Kapangyarihan ng Isip

Ipinahayag ni Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng programa sa gradwasyon, ang temang “Gamitin ang Iyong Isip sa Matalinong Paraan.” Binabalaan niya ang mga nagtapos tungkol sa apat na bagay na hindi nila dapat isipin. Ang mga ito ay: (1) Huwag isiping nagbibigay ng namamalaging proteksiyon ang materyal na kayamanan; (2) iwasang mag-isip ng imoral na mga gawain; at (3) iwasan ang sobrang pag-aalala, anupat iniisip kung ano ang maaaring mangyaring masama kinabukasan. (Kawikaan 18:11; Mateo 5:28; 6:34) Hinggil sa ikatlong punto, sinabi ng ispiker na ang isang taong sobrang nag-aalala ay nababalisa sa mga bagay na nangyari kahapon at mangyayari pa lang bukas, anupat nagkakapatung-patong ang kaniyang alalahanin. “Napakabigat na pasanin iyon,” ang sabi ni Brother Lett. Ano naman ang ikaapat na punto? Ang klase ay binabalaan na huwag isiping mas maganda ang kanilang buhay bago ang kanilang pagmimisyonero. Dahil kapag ganito ang kanilang inisip, hindi nila madarama ang kagalakan sa kanilang bagong atas.

Pagkatapos, hinimok naman ni Brother Lett ang klase na gamitin ang kanilang isip sa apat na positibong paraan. Sinabi niya: (1) Pag-isipan ang mga sitwasyon na maaaring maging mapanganib sa espirituwal o pisikal, at iwasan ito; (2) pag-isipan ang mga eksenang nababasa mo sa Bibliya, at isiping naroroon ka; (3) isiping ang bawat taong makakausap mo sa iyong bagong atas ay isang potensiyal na mananamba ni Jehova; at (4) isipin kung paano mo mailalagay ang iyong sarili sa kalagayan ng iyong pinangangaralan.​—Kawikaan 22:3.

Mahalaga na Sanayin ang Iba

Ipinahayag ni David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paksa na salig sa 2 Timoteo 2:2, ‘Ang mga Bagay na Ito ay Ipinagkatiwala sa mga Taong Tapat.’ Nang tagubilinan ni apostol Pablo si Timoteo na magsanay ng mga taong tapat, gusto ni Pablo na hindi lamang basta turuan ni Timoteo ang mga lalaking ito ng mga katotohanan kundi himukin din silang sanayin ang iba. Binanggit ng ispiker sa klase na may malaking pangangailangan sa mga lalaki para manguna sa kongregasyon at sa pangangaral. Kailan at paano sila sasanayin? Pinatibay ni Brother Splane ang klase na sanayin ang mga ito sa simula pa lamang ng pagtuturo sa kanila ng Bibliya.

Paano sasanayin ng mga misyonero ang mga estudyante sa Bibliya na maging mabuting halimbawa sa iba? Binanggit ng ispiker ang ilang paraan. Kailangang sanayin sila ng mga misyonero na maghandang mabuti sa kanilang personal na pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos, kapag nagsimula na silang dumalo sa mga pulong sa kongregasyon, kailangang matuto sila kung paano paghahandaan ang mga materyal na salig sa Bibliya na tatalakayin sa mga pulong. “Kung hindi kayang personal na pag-aralan ng isang tao ang Bibliya, hindi rin niya kakayaning magturo sa iba,” ang sabi ni Brother Splane. Sinabi rin niya na matutulungan ng mga misyonero ang mga baguhan na maging nasa oras, suportahan sa pinansiyal na paraan ang gawaing pangangaral, at maging masunurin sa mga nangunguna. Sinabi pa niya na ang pinakamabuting paraan upang ituro ang mga ito ay sa pamamagitan ng mabuting halimbawa.

Ang Pribilehiyo na Maging mga Saksi

Ipinahayag ni Guy Pierce, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paksang salig sa pananalita ni Jesus sa Gawa 1:8, “Kayo ay Magiging mga Saksi Ko.” Ipinaalaala niya sa klase na naiwala ng bansang Israel ang pribilehiyong maging mga saksi ni Jehova noong unang siglo C.E. At ang pribilehiyong iyon ay ibinigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga ng Kaharian. (Mateo 21:43) Ang bansang iyon ay ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Sinipi ng ispiker ang sinabi ni apostol Pedro na ‘ipahahayag nang malawakan’ ng “banal na bansa” ng mga pinahirang Kristiyano ang mga kagalingan ni Jehova. (1 Pedro 2:6-9) Kaya ang ibig sabihin ni Jesus, ang mga Kristiyano ay hindi lamang magiging saksi niya kundi mga saksi rin ni Jehova. Tutal, si Jesus mismo ay tinawag na “Tapat na Saksi.” (Apocalipsis 1:5; 3:14) Siya ang pangunahing Saksi ni Jehova at isang huwaran na dapat nating tularan.​—1 Pedro 2:21.

Binanggit ng ispiker na ang pananalita ni Jesus sa Gawa 1:8 ay may mas malaking katuparan sa ngayon. Paano? Natupad ang isang napakahalagang pangyayari sa hula na binanggit sa Apocalipsis 11:15! Naitatag na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Kaya ang gawaing pagpapatotoo ay isinasagawa “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Idiniin ni Brother Pierce na ang mga misyonero ay dapat magpatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, hindi tungkol sa kanilang sarili o sa kanilang dating paraan ng pamumuhay, kultura, at bansa. Pinasigla niya ang klase na turuan ang “pinakamaraming tao hangga’t may panahon pa.”

Iba Pang Tampok na Bahagi ng Programa

Ipinahayag ni Alex Reinmueller, isa na tumutulong sa Publishing Committee, ang paksang “Bibigyan Kayo ni Jehova ng Lakas ng Loob.” Sinabi niya na kung aasa ang mga misyonero sa kapangyarihan ni Jehova, tutulungan Niya sila na makita kung saan sila malakas, tanggapin ang kanilang mga kahinaan, harapin ang kanilang takot, at ibigay sa Diyos ang kanilang pinakamabuti.

Nagbigay din ng pahayag para sa mga estudyante ang dalawa sa mga instruktor ng Theocratic Schools Department na sina Sam Roberson at William Samuelson. Ipinahayag ni Brother Roberson ang paksa na mula sa Isaias 41:10, “Ako ay Sumasaiyo.” Sinabi niyang magkakaroon ng maraming dahilan ang mga misyonero para magalak. Magkakaroon din sila ng mga problema. Pero mapagtatagumpayan nila iyon kung tutularan nila si Haring David na humingi ng tulong sa kaniyang maibiging Ama sa panalangin. (Awit 34:4, 6, 17, 19) Idiniin naman ng pahayag ni Brother Samuelson ang pangangailangang patuloy na pasulungin ang kakayahang mag-isip. Kapag nagawa ito ng mga misyonero, mapalalampas nila ang mga negatibong komento sa kanila at sa gayo’y hindi sila madaling maghihinanakit.​—Kawikaan 2:10, 11.

Ininterbyu ni Jim Mantz, na tumutulong sa Writing Committee, ang isang miyembro ng Komite ng Sangay mula sa Republika ng Georgia at Honduras, at isang miyembro ng Komite ng Bansa sa Republika ng Tajikistan. Pinayuhan ng makaranasang mga kapatid na ito ang mga misyonero na “daigin ng mabuti ang masama” para kaibiganin ang posibleng maging mga mananalansang. (Roma 12:21) Buháy na buháy namang tinalakay ng isa pang instruktor, si Mark Noumair, ang mga karanasan ng mga estudyante sa pangangaral habang sinasanay sila sa Gilead. Ang tema ng bahaging ito ay “May Maitutulong ba Ako?”

Tinapos ng chairman ang programa sa pamamagitan ng pagsipi sa liriko ng bagong awit na “Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay.” Ang 6,509 na dumalo ay umuwi na mas determinadong magpatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”

[Chart/Mapa sa pahina 31]

ESTADISTIKA NG KLASE

8 bansa ang may kinatawan

56 na estudyante

28 ang may asawa

33.6 katamtamang edad

18.3 katamtamang taon sa katotohanan

13.6 katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang klase ay inatasan sa 22 bansa gaya ng makikita sa ibaba

MGA ATAS SA MISYONERO

ALBANIA

BOLIVIA

BURUNDI

CAMBODIA

CHILE

CONGO, DEM. REP.

COSTA RICA

CÔTE D’IVOIRE

CURAÇAO

GUYANA

HAITI

JAMAICA

MOLDOVA

MOZAMBIQUE

NEPAL

NICARAGUA

PANAMA

PARAGUAY

PERU

SERBIA

TANZANIA

UGANDA

[Larawan sa pahina 31]

Ang Ika-127 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Marshall, T.; Prudent, L.; Mashburn, A.; Rosenström, S.; Testa, A.; Takeyama, M.; Sisk, M.

(2) Grooms, K.; Miura, S.; Camacho, M.; Rozas, S.; Burch, M.; Meza, I.; Young, G.; Geraghty, S.

(3) Bonilla, C.; Knaller, D.; Parrales, R.; Hotti, S.; Takada, A.; Tournade, M.; Sopel, C.

(4) Miura, Y.; Parrales, K.; Prudent, K.; Colburn, S.; Willis, L.; Vääränen, A.; Sisk, B.; Takada, R.

(5) Grooms, J.; Vääränen, M.; Geraghty, B.; Stackhouse, R.; Wilson, A.; Bonell, E.; Camacho, D.; Meza, R.; Bonell, M.

(6) Takeyama, S.; Testa, G.; Colburn, T.; Mashburn, C.; Willis, W.; Tournade, L.; Burch, J.; Stackhouse, J.

(7) Wilson, J.; Young, J.; Marshall, E.; Rozas, M.; Knaller, J.; Hotti, N.; Rosenström, A.; Sopel, J.; Bonilla, O.