Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus
Tungkol sa Tunay na Pagsamba
Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang lahat ng pagsamba?
▪ Nahabag si Jesus sa mga taong nalinlang ng huwad na relihiyon. Nagbabala siya tungkol sa “mga bulaang propeta . . . na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo.” (Mateo 7:15) Napansin mo ba na ginagamit ng ilang tao ang relihiyon para gumawa ng masasamang bagay?
Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Samakatuwid, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsamba na salungat sa katotohanan ng Bibliya. Kaya ikinapit ni Jesus ang sinabi ng Diyos sa ilang mapagpaimbabaw na relihiyosong tao: “Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila ang mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.”—Mateo 15:9.
Mayroon bang isang tunay na relihiyon?
▪ Nang makausap ni Jesus ang isang babae sa Samaria na nalinlang ng huwad na relihiyon, sinabi niya rito: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala . . . Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:22, 23) Maliwanag, maaaring masumpungan ang tunay na pagsamba.
Sinabi ni Jesus: “Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” Kaya alam ni Jesus na ang itinuturo niya ay ang tanging tunay na relihiyon. (Juan 8:28) Sinabi pa niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Yamang ang mga tunay na mananamba ay nagkakaisa sa pagsamba sa Ama, tiyak na nagkakaisa sila sa iisang tunay na relihiyon.
Paano mo makikilala ang mga tunay na mananamba?
▪ Ang isang Kristiyano ay ang isa na sumusunod at tumutulad kay Jesu-Kristo. Isaalang-alang natin ang apat na paraan kung paano makikilala ang mga tagasunod ni Jesus.
1. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Ipinakilala ko . . . ang iyong pangalan.” (Juan 17:26) Ganiyan pa rin ang ginagawa ng mga tunay na Kristiyano ngayon.
2. Ipinangaral ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ni Jehova at isinugo niya ang kaniyang mga alagad sa bahay-bahay para gawin din iyon. Sinabi niya: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” Nang maglaon, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 10:7, 11; 28:19) Patuloy itong ginagawa ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon kaya madali mo silang makikilala.
3. Si Jesus ay hindi nakisangkot sa pulitika. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Dapat na kilalang-kilala sa pagiging neutral sa pulitika ang mga tunay na mananamba.
4. Dahil sa pag-ibig, nagsakripisyo si Jesus para sa iba. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Iniibig ng mga tunay na Kristiyano ang isa’t isa kaya hindi sila nakikibahagi sa mga digmaan.
Paano ka makikinabang sa tunay na pagsamba?
▪ Para maging tunay ang iyong pagsamba, kailangan mo munang makilala nang lubusan si Jehova. Ang kaalaman sa Diyos ay tutulong sa iyo na itaguyod ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay at ibigin ang Diyos nang buong puso. Nangako si Jehova ng buhay na walang hanggan sa mga umiibig sa kaniya. Kaya sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.”—Juan 17:3.
Para sa higit na impormasyon, tingnan ang kabanata 15 ng aklat na ito, Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 16]
“Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo.”—Mateo 7:15