Dapat Ka Bang Maging Tapat sa Lahat ng Panahon?
Dapat Ka Bang Maging Tapat sa Lahat ng Panahon?
LAHAT ay tapat kung minsan; marahil, ang marami ay madalas pa nga. Pero gaano talaga karaming tao ang kilala mong nagsisikap maging tapat sa lahat ng panahon?
Sa ngayon, marami na ang hindi tapat sa iba’t ibang aspekto ng kanilang buhay. Pero alam naman ng lahat kung ano ang pangmalas ng Diyos sa katapatan. Halimbawa, marami ang pamilyar sa ikawalo sa Sampung Utos: “Huwag kang magnanakaw.” (Exodo 20:15) Gayunman, marami ang nag-iisip na maaari silang magnakaw o maging di-tapat depende sa kalagayan. Tingnan natin ang tatlo sa karaniwang dahilan ng mga tao kung bakit sila nagnanakaw.
Nagiging Tama ba ang Pagnanakaw Dahil sa Kahirapan?
Sinabi minsan ng isang estadistang Romano: “Ang kahirapan ang pangunahing sanhi ng krimen.” Maaaring isipin ng isa na puwede siyang magnakaw dahil sa hirap ng buhay. Baka kunsintihin pa nga siya ng mga makakakita sa kaniya. Ano kaya ang tingin ni Jesus dito? Napakamaawain ni Jesus sa mga nangangailangan. “Nahabag siya sa kanila.” (Mateo 9:36) Pero hindi niya kailanman kinunsinti ang pagnanakaw, anuman ang dahilan. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang mahirap na tao?
May awa ang Diyos sa mga taimtim na sumusunod sa kaniya, at pagpapalain niya ang kanilang pagsisikap para masapatan ang kanilang pangangailangan. (Awit 37:25) Nangangako ang Bibliya: “Hindi pababayaan ni Jehova na magutom ang kaluluwa ng matuwid, ngunit ang paghahangad ng mga balakyot ay kaniyang itataboy.” (Kawikaan 10:3) Maaasahan ba ng mga taong dukha ang pangakong ito? Kumbinsido si Victorine dito.
Hindi madali ang buhay para kay Victorine, isang biyuda na may limang anak na nag-aaral. Nakatira siya sa isang papaunlad na bansa kung saan limitado lamang ang pinansiyal na tulong mula sa gobyerno. Dahil mas madalas na nasa labas ng bahay ang mga tao sa kanilang lugar, mas marami silang pagkakataon para magnakaw. Pero hindi natutuksong magnakaw si Victorine. Sa halip, pinagkakasya niya ang kaniyang kinikita sa pagiging tapat na tindera sa kalye. Bakit siya nananatiling tapat?
“Una, naniniwala akong tapat ang Diyos at magiging tapat din siya sa akin kung tutularan ko siya. Ikalawa, magiging tapat lamang ang mga anak ko kung tapat din ako.”
Paano siya nakararaos sa araw-araw na buhay? “Mayroon kaming pagkain, damit, at tirahan.
Pero may mga panahon pa ring humihingi ako ng tulong sa aking mga kaibigan—halimbawa, kapag biglang may nagkasakit sa amin. Lagi namang may tumutulong sa akin. Bakit? Dahil alam ng mga kaibigan ko na totoo ang sinasabi ko at hindi ko sinasamantala ang kanilang kabaitan.“Habang lumalaki ang mga anak ko, natututo silang maging tapat. Nakita kamakailan ng isang kapitbahay ang ilang barya sa ibabaw ng aming mesa. Tinanong niya ako kung hindi raw ba ako nag-aalala na baka kunin ito ng aking mga anak. Hindi siya makapaniwala nang sabihin ko na hinding-hindi nila ito gagawin. Lingid sa aking kaalaman, palihim siyang nag-iwan ng dalawang 100-franc na barya sa lugar na madaling makita ng aking mga anak para subukin sila. Nang bumalik siya kinabukasan, gulat na gulat siyang naroroon pa rin ang mga barya. Mas masarap magkaroon ng tapat na mga anak kaysa sa magkaroon ng maraming materyal na bagay.”
“Ginagawa Naman Ito ng Lahat”
Karaniwan na ang pagnanakaw sa lugar ng trabaho. Kaya naman naiisip ng marami, “Ginagawa naman ito ng lahat, kaya puwede ko ring gawin!” Pero ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” (Exodo 23:2) Sinunod ni Victoire ang payong ito. Ano ang resulta?
Nang siya’y 19 anyos, natanggap si Victoire sa isang planta ng langis ng palma. Napansin niya nang maglaon na nagpupuslit ng mga buto ng palma ang 40 babaing nagtatrabaho roon at inilalagay ito sa kanilang basket. Tuwing dulo ng sanlinggo, ipinagbibili nila ang mga ito at kumikita na katumbas ng tatlo hanggang apat na araw nilang suweldo. Sinabi ni Victoire: “Sa totoo lang, iyan ang ginagawa ng lahat. Inaasahan nilang gagawin ko rin ito, pero tumanggi ako, at sinabi kong hindi ko gawain ang magnakaw. Tinuya nila ako, at sinabing ako rin ang mawawalan.
“Isang araw, nang pauwi na kami, biglang dumating ang manedyer. Tiningnan niya ang basket naming lahat. Nakita niyang lahat ay may mga buto ng palma maliban sa basket ko. Iniutos ng manedyer na sesantihin agad sila o pagtrabahuhin ng dalawang linggo nang walang bayad. Sa loob ng dalawang linggong iyon, kumbinsido na silang hindi ako ang nawalan.”
“Kung Sinong Makakita, Kaniya Na ’Yon”
Paano kung nakapulot ka ng isang bagay na mahalaga? Iniisip ng maraming kanila na ito at wala na silang balak na isauli pa ito. Para sa kanila, “Kung sinong makakita, kaniya na ’yon.” Baka isipin ng ilan na wala namang masama roon. Ikinakatuwiran pa nga nilang hindi na rin naman umaasa ang may-ari na makikita pa iyon. Sinasabi pa ng iba na hindi na nila trabahong hanapin pa ang may-ari dahil malaking panahon ang uubusin nito.
Ano ang tingin ng Diyos dito? Sinasabi sa Deuteronomio 22:1-3 na hindi dapat angkinin ng isang tao ang kaniyang napulot at sa halip ay dapat niya itong itago “hanggang sa hanapin iyon ng [may-ari]. At ibabalik [niya] iyon sa kaniya.” Kapag inangkin niya ang napulot niya, maaari siyang akusahan ng pagnanakaw. (Exodo 22:9) Totoo pa ba ito sa ngayon? Kumbinsido rito si Christine.
Si Christine ay direktor ng isang pribadong paaralan. Isang Miyerkules, kinuha niya ang kaniyang isang buwang suweldo. Gaya ng karaniwang ginagawa sa Kanlurang Aprika, binalot niya ang kaniyang pera at saka inilagay sa bag. Sumakay siya ng motorsiklo at nagpahatid sa kaniyang miting. Nang makarating siya roon, naghagilap siya sa kaniyang bag ng barya para ipambayad. Dahil madilim, hindi niya napansin na nahulog ang kaniyang pera.
Pagkalipas ng ilang minuto, dumaan doon ang 19-anyos na si Blaise. Nagpunta siya sa lugar na iyon para makipagkita sa isang kaibigan na dadalo sa miting na pupuntahan din ni Christine. Nakita niya ang pera at inilagay ito sa kaniyang bulsa. Pagkatapos ng miting,
sinabi ni Blaise sa kaniyang kaibigan na may napulot siyang pera sa labas at kung may maghahanap dito, maaari siyang tawagan sa telepono para makuha ito.Nang makauwi na si Christine, nanlambot siya nang matuklasan niyang nawawala ang kaniyang isang-buwang suweldo. Pagkaraan ng isang linggo, naikuwento niya ito sa kaibigan niyang si Josephine, na nagsabi kay Christine na isang bisitang dumalo sa miting ang nakapulot nito. Tinawagan ni Christine si Blaise at sinabi kung magkano ang nawawala niyang pera. Tuwang-tuwa siya nang isauli ni Blaise ang pera. Ano naman ang naramdaman ni Blaise? Bagaman isang linggo nang nasa kaniya ang pera, sinabi niya, “Napakasaya ko nang maisauli ko ang pera.”
Kung Bakit Sinisikap Nilang Maging Tapat sa Lahat ng Panahon
Sina Victorine, Victoire, at Blaise ay nakatira sa magkakaibang lugar at hindi magkakakilala. Pero mayroon silang pagkakatulad. Sila ay mga Saksi ni Jehova na namumuhay ayon sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa katapatan. Hinihintay nila ang bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Lahat ng taong mabubuhay roon ay matuwid—at tapat.—2 Pedro 3:13.
Hindi na umaasa si Victorine na yayaman pa siya hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay. Gayunman, mayaman siya sa espirituwal, isang bagay na hindi mabibili ng pera. Tapat ang kaniyang mga anak at may mabuting paggawi. Tuwing Linggo, masayang-masaya nilang ipinapakipag-usap sa kanilang mga kapitbahay ang tungkol sa kabutihan ng Diyos. Ipinaliliwanag din nilang sasapatan Niya ang pangangailangan ng “lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan” at babantayan ang “lahat ng umiibig sa kaniya.”—Awit 145:7, 18, 20.
Sa ngayon, hindi na nagtatrabaho si Victoire sa planta ng langis ng palma. Nagtitinda siya ng garri (isang uri ng pagkaing gawa sa kamoteng-kahoy) sa palengke. Marami siyang suki dahil tapat siya. Sa katunayan, di-nagtagal, binawasan niya ang oras ng kaniyang pagtitinda at ginugol ito sa pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa pag-asang mabuhay sa isang daigdig na titirhan ng mga taong tapat. Nang maglaon, nag-asawa siya, at silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang buong-panahong mga ministro.
Nahulog ni Christine ang kaniyang pera sa harap ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman iilan lang ang kakilala ni Blaise sa mga dumalo sa miting, alam niyang lahat sila ay kaniyang mga kapatid na Kristiyano na nagsisikap maging tapat sa lahat ng panahon.
Gaano karaming tao ang kilala mong talagang nagsisikap maging tapat sa lahat ng panahon? Isip-isipin na lamang na makasama ang 50, 100, o 200 taong tapat. Iyan ang nararanasan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga Kingdom Hall. Bakit hindi mo subukang dumalo sa kanilang mga pulong para makilala sila?
[Blurb sa pahina 12]
“Mas masarap magkaroon ng tapat na mga anak kaysa sa magkaroon ng maraming materyal na bagay.”—VICTORINE
[Kahon sa pahina 14]
Ipinagmamatuwid ba ng Kawikaan 6:30 ang Pagnanakaw?
Sinasabi sa Kawikaan 6:30: “Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw dahil lamang sa nagnakaw siya upang busugin ang kaniyang kaluluwa kapag siya ay nagugutom.” Ipinagmamatuwid ba ng tekstong ito ang pagnanakaw? Hindi. Ipinakikita ng konteksto na pananagutin pa rin ng Diyos ang magnanakaw. Sinasabi ng sumunod na talata: “Ngunit, kapag nasumpungan, magsasauli siya ng pitong ulit ang dami; ang lahat ng pag-aari sa kaniyang bahay ay ibibigay niya.” (Kawikaan 6:31) Bagaman ang isang taong nagnakaw dahil sa gutom ay hindi kasinsama ng taong nagnakaw dahil sa kasakiman o may intensiyong saktan ang kaniyang biktima, dapat pa rin niyang ‘isauli’ ang kaniyang ninakaw o magbayad. Ang mga taong gusto ng pagsang-ayon ng Diyos ay hindi dapat magnakaw anuman ang kanilang kalagayan.