Ang Tao na Bumago sa Daigdig
Ang Tao na Bumago sa Daigdig
Bilyun-bilyong tao na ang nabuhay at namatay sa mundong ito. Karamihan sa kanila ay wala man lamang nagawa na naaalaala ng mga tao. Gayunman, may ilang tao na bumago sa kasaysayan—at marahil pati sa iyong pang-araw-araw na buhay.
MAAGA pa lamang ay gumigising ka na para maghanda sa trabaho. Binuksan mo ang ilaw habang naghahanda ka. Kumuha ka ng isang aklat o magasin para basahin sa bus. Naalaala mong uminom ng antibiyotiko na inireseta sa iyo para sa iyong impeksiyon. Nagsisimula pa lamang ang iyong araw ay nakikinabang ka na sa nagawa ng ilang kilalang tao.
Michael Faraday Isinilang siya noong 1791. Ang pisikong Ingles na ito ang nakaimbento ng de-kuryenteng motor at ng dynamo, isang makina na ginagawang electrical energy ang mechanical energy. Ang kaniyang mga natuklasan at imbensiyon ay nakatulong upang magamit ng tao ang kuryente sa araw-araw.
Ts’ai Lun Isang opisyal sa palasyo ng emperador ng Tsina. Siya ang kinikilalang nagpasulong sa paggawa ng papel noong mga 105 C.E. Dahil doon, naging maramihan ang produksiyon ng papel.
Johannes Gutenberg Noong mga 1450, naimbento ng Alemang ito ang unang palimbagan na gumagamit ng isahang tipong letra. Dahil dito, naging posible ang murang paglilimbag anupat mas madali nang makakuha ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paksa.
Alexander Fleming Noong 1928, natuklasan ng mananaliksik na ito mula sa Scotland ang isang sangkap sa antibiyotiko na tinawag niyang penisilin. Ginagamit ngayon sa maraming lugar ang mga antibiyotiko upang gamutin ang mga impeksiyong dala ng baktirya.
Tiyak na ang mga natuklasan at naimbento ng ilang taong ito ay napakinabangan ng bilyun-bilyon at nakatulong sa kanila na magkaroon ng mas mabuting kalusugan.
Gayunman, may isang tao na namumukod-tangi sa lahat. Nakilala siya hindi dahil sa naiambag niya sa siyensiya o medisina. Nagmula siya sa isang ordinaryong pamilya. Namatay siya halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Pero nag-iwan siya ng isang mapuwersang mensahe—isang mensahe ng pag-asa at kaaliwan. Kung pagbabasihan ang naging impluwensiya ng kaniyang mensahe sa buhay ng mga tao, marami ang sasang-ayon na siya ang tao na bumago sa daigdig.
Ang taong iyon ay si Jesu-Kristo. Anong mensahe ang ipinangaral niya? At ano ang epekto ng mensaheng iyon sa iyong buhay?