Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Diyos
Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Diyos
“Kung sino ang Ama ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at yaong sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.”—LUCAS 10:22.
BAGO umiral bilang tao ang panganay na Anak ng Diyos, napakatagal na niyang kasama ang kaniyang Ama. (Colosas 1:15) Kaya alam na alam ng Anak ang kaisipan, damdamin, at pagkilos ng kaniyang Ama. Nang pumarito sa lupa ang Anak na ito bilang ang taong si Jesus, sabik siyang ituro ang katotohanan tungkol sa kaniyang Ama. Marami tayong matututuhan tungkol sa Diyos sa pakikinig sa Anak na ito.
Ang pangalan ng Diyos Napakahalaga ng pangalan ng Diyos para kay Jesus. Ang pangalang iyan ay Jehova. Gusto ng minamahal na Anak na ito na makilala at gamitin ng iba ang pangalan ng kaniyang Ama. Ang pangalan mismo ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan.” (Juan 17:26) Hindi kataka-taka na ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos at ipinakilala ito sa iba. Tutal, paano nga mauunawaan ng mga tagapakinig ni Jesus ang katotohanan tungkol kay Jehova kung hindi nila alam ang Kaniyang pangalan at ang kahulugan nito? *
Ang dakilang pag-ibig ng Diyos Minsan ay nanalangin si Jesus sa Diyos: “Ama, . . . inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 17:24) Dahil nadama ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos nang siya ay nasa langit, sinikap niyang ipakita ang pag-ibig na iyon at ang marami nitong magagandang aspekto nang nasa lupa siya.
Ipinakita ni Jesus ang laki ng pag-ibig ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ang salitang Griego na isinaling “sanlibutan” ay hindi tumutukoy sa “lupa.” Tumutukoy ito sa mga tao—oo, sa buong sangkatauhan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan anupat ibinigay niya ang kaniyang pinakamamahal na Anak upang ang mga tapat ay mapalaya sa kasalanan at kamatayan at magkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan. Hindi natin kayang sukatin ang laki o lalim ng dakilang pag-ibig na ito.—Roma 8:38, 39.
Tiniyak ni Jesus ang mapananaligang katotohanang ito: Mahal na mahal ni Jehova ang kaniyang mga mananamba bilang mga indibiduwal. Itinuro ni Jesus na si Jehova ay gaya ng isang pastol na itinuturing na mahalaga ang bawat isa sa kaniyang tupa. (Mateo 18:12-14) Sinabi ni Jesus na walang isa mang maya ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ni Jehova. Sinabi pa niya: “Ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat.” (Mateo 10:29-31) Kung napapansin ni Jehova ang pagkawala ng isang maya sa pugad nito, gaano pa kaya ang bawat isa sa kaniyang mga mananamba? Kung ang buhok sa ating ulo ay biláng ni Jehova, mayroon pa kayang anuman sa ating buhay—ang ating mga pangangailangan, paghihirap, at kabalisahan—na hindi niya alam?
Ang makalangit na Ama Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, si Jesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Hindi kataka-taka na madalas kausapin Lucas 2:49) Ang salitang “Ama” ay lumilitaw ng mga 190 ulit sa mga Ebanghelyo. Tinukoy ni Jesus si Jehova bilang “inyong Ama,” “Ama namin,” at “aking Ama.” (Mateo 5:16; 6:9; 7:21) Sa pagsasabi nito, ipinakita ni Jesus na maaaring magtiwala at maging malapít kay Jehova ang makasalanan at di-sakdal na mga tao.
ng minamahal na Anak na ito si Jehova at tawagin bilang kaniyang “Ama.” Sa katunayan, sa unang nakaulat na pananalita ni Jesus na binigkas niya sa templo nang siya’y 12 taong gulang pa lamang, tinukoy niya si Jehova bilang “aking Ama.” (Maawain at handang magpatawad Alam ni Jesus na kailangan ng di-sakdal na mga tao ang saganang awa ni Jehova. Sa kaniyang talinghaga tungkol sa alibughang anak, ikinumpara ni Jesus si Jehova sa isang mahabagin at mapagpatawad na ama na buong-pusong tinanggap muli ang kaniyang nagsisising anak. (Lucas 15:11-32) Kaya tinitiyak sa atin ng mga salita ni Jesus na tinitingnan ni Jehova ang pagsisisi ng isang makasalanang tao para maging saligan ng ipakikita niyang awa rito. Gusto ni Jehova na patawarin ang isang nagsisising makasalanan. Sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na walang pangangailangang magsisi.” (Lucas 15:7) Hindi ka ba magiging malapít sa gayong maawaing Diyos?
Ang dumirinig ng mga panalangin Bago pumarito sa lupa, naobserbahan mismo ni Jesus sa langit na si Jehova ay “Dumirinig ng panalangin” at nalulugod Siya sa mga panalangin ng kaniyang tapat na mga mananamba. (Awit 65:2) Kaya noong panahon ng ministeryo ni Jesus, tinuruan niya ang kaniyang mga tagapakinig kung paano manalangin at kung ano ang ipananalangin. “Huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit,” ang payo niya. Hinimok niya sila na ipanalangin na ang kalooban ng Diyos ay “mangyari . . . kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Maaari din nating hingin sa ating panalangin ang ating pagkain sa araw-araw, ang kapatawaran sa ating mga kasalanan, at na malabanan natin ang tukso. (Mateo 6:5-13) Itinuro ni Jesus na si Jehova ay tumutugon sa panalangin ng Kaniyang mga lingkod gaya ng isang ama sa pagsusumamo ng kaniyang anak. At kapag taimtim silang humihiling taglay ang pananampalataya, sinasagot sila ni Jehova.—Mateo 7:7-11.
Oo, sinikap ni Jesus na ituro ang katotohanan tungkol kay Jehova at kung anong uri siya ng Diyos. Pero mayroon pang gustong ipaalam sa atin si Jesus tungkol kay Jehova—ang gagamitin ni Jehova para baguhin ang buong lupa bilang katuparan ng Kaniyang layunin sa lupa at sa mga taong tumatahan dito. Sa katunayan, ang aspektong ito ng mensahe ni Jesus ang paksa ng kaniyang pangangaral.
[Talababa]
^ par. 4 Ang pangalang Jehova ay lumitaw ng mga 7,000 ulit sa orihinal na teksto ng Bibliya. Ang kahulugan ng pangalang iyon ay “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Kayang gawin ng Diyos ang anumang bagay na dapat gawin upang matupad ang kaniyang layunin. Kaya ang pangalang ito ay isang garantiya na ang Diyos ay laging magiging totoo sa kaniyang sarili at na tutuparin niya anuman ang kaniyang ipinangako.