Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos
Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos
“Naglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral . . . ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—LUCAS 8:1.
GUSTO nating ipakipag-usap ang mga bagay na mahalaga sa atin, mga bagay na malapít sa ating puso. Gaya ng sinabi mismo ni Jesus, “mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 12:34) Kung isasaalang-alang natin ang mga bagay na sinabi ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo, masasabi nating malapít sa puso niya ang Kaharian ng Diyos.
Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Ang kaharian ay isang gobyerno na pinamamahalaan ng isang hari. Kaya ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno na itinatag ng Diyos. Madalas banggitin ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, anupat ito ang paksa ng kaniyang mensahe. Mahigit 110 ulit na binanggit sa apat na Ebanghelyo ang tungkol sa Kahariang iyon. Pero hindi lamang nagturo si Jesus sa salita. Ipinakita niya sa kaniyang mga gawa kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos.
Sino ang Hari? Hindi ang mga tao ang nagluklok sa Hari ng Kaharian ng Diyos. Sa halip, ang Diyos mismo ang pumili sa Tagapamahalang ito. Sa kaniyang mga turo, isiniwalat ni Jesus na siya ang pinili ng Diyos na maging Hari.
Alam ni Jesus na inihula sa Bibliya na mamamahala sa walang-hanggang Kaharian ang ipinangakong Mesiyas. (2 Samuel 7:12-14; Daniel 7:13, 14; Mateo 26:63, 64) Tandaan na hayagang ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang inihulang Mesiyas. Kung gayon, alam ni Jesus na siya ang Haring inatasan ng Diyos. (Juan 4:25, 26) Kaya naman, ilang beses na ginamit ni Jesus ang pananalitang “kaharian ko.”—Juan 18:36.
Itinuro din ni Jesus na may iba pa siyang makakasamang tagapamahala sa Kaharian. (Lucas 22:28-30) Tinawag niya ang mga ito na “munting kawan,” sapagkat limitado lamang ang kanilang bilang. Ganito ang sinabi niya: “Sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Binabanggit sa huling aklat ng Bibliya na 144,000 ang magkakaroon ng pribilehiyo na mamahalang kasama ni Kristo.—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1.
Nasaan ang Kaharian? “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sinabi ni Jesus sa tagapamahalang Romano na si Poncio Pilato. (Juan 18:36) Ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ni Kristo ay hindi gagamit ng mga ahensiya ng tao. Paulit-ulit na tinukoy ni Jesus ang Kaharian ng Diyos bilang “ang kaharian ng langit.” * (Mateo 4:17; 5:3, 10, ) Kaya ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na gobyerno. 19, 20
Talagang inasahan ni Jesus na babalik siya sa langit pagkatapos ng misyon niya sa lupa. Sinabi niya na ‘maghahanda siya ng dako’ para sa kasama niyang mga tagapamahala.—Juan 14:2, 3.
Ano ang ginagawa ng Kaharian? Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na ipanalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Nangyayari na ang kalooban ng Diyos sa langit. Sa pamamagitan ng Kahariang ito, tutuparin ng Diyos ang layunin niya sa lupa. Upang mangyari iyan, lubusang babaguhin ng Kaharian ang lupang ito.
Ano ang gagawin ng Kaharian sa lupa? Itinuro ni Jesus na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang kasamaan sa pamamagitan ng paglipol sa mga gumagawa ng masama. (Mateo 25:31-34, 46) Mangangahulugan iyan na mawawala na ang lahat ng anyo ng katiwalian at kasamaan. Itinuro ni Jesus na ang lupa ay mapupuno ng mga taong “mahinahong-loob,” matuwid, maawain, “dalisay ang puso,” at mapagpayapa.—Mateo 5:5-9.
Maninirahan ba sa maruming planeta ang mga tapat? Tiyak na hindi! Ipinangako ni Jesus na babaguhin ng Kaharian ng Diyos ang lupa sa kamangha-manghang paraan. Sinabi ng kriminal na nakabayubay katabi ni Jesus: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” At sinabi ni Jesus sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:42, 43) Oo, gagawin ng Kaharian ng Diyos ang lupang ito na isang paraiso—katulad ng hardin ng Eden.
Ano pa ang gagawin ng Kaharian para sa sangkatauhan? Hindi lamang ipinangako ni Jesus kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos. Ipinakita rin niya ito. Gumawa si Jesus Mateo 4:23.
ng maraming makahimalang pagpapagaling, sa gayo’y ipinakita niya kung ano ang gagawin niya sa buong lupa sa hinaharap sa pamamahala ng kaniyang Kaharian. Ganito ang sinasabi tungkol kay Jesus ng kinasihang Ebanghelyo: “Lumibot siya sa buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan sa gitna ng mga tao.”—Gumawa si Jesus ng iba’t ibang pagpapagaling. Siya ay “nagdilat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag.” (Juan 9:1-7, 32, 33) Gumaling ang isang lalaking may nakapandidiring ketong nang hipuin siya ni Jesus. (Marcos 1:40-42) Nang dalhin kay Jesus ang “isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita,” pinagaling niya ito.—Marcos 7:31-37.
Kaya rin ng hinirang na Hari ng Diyos na bumuhay ng mga patay. Sa tatlong pagkakataon, iniulat na bumuhay siyang muli. Binuhay niyang muli ang kaisa-isang anak na lalaki ng babaing balo, isang 12-anyos na batang babae, at ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro.—Lucas 7:11-15; 8:41-55; Juan 11:38-44.
Sa paglalarawan sa kamangha-manghang kinabukasang naghihintay sa mga sakop ng Kaharian ng Diyos, inihula ni Jesus sa pamamagitan ni apostol Juan: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 1:1; 21:3, 4) Isip-isipin na lamang—isang daigdig na wala nang luha dahil sa kalungkutan, kirot, at kamatayan! Sa panahong iyon, ang panalanging mangyari nawa ang kalooban ng Diyos kung paano sa langit gayundin sa lupa ay lubusang matutupad.
Kailan darating ang Kaharian ng Diyos? Itinuro ni Jesus na ang pagsisimula ng kaniyang paghahari ay kasabay ng isang yugto ng panahon na tinawag niyang “pagkanaririto” niya. Nagbigay si Jesus ng detalyadong hula upang ipakita kung kailan magsisimula ang kaniyang pagkanaririto bilang Hari. Sa yugtong ito ng panahon, magkakaroon ng pangglobong mga problema, kasama na ang mga digmaan, gutom, lindol, salot, at karahasan. (Mateo 24:3, 7-12; Lucas 21:10, 11) Ang mga ito at iba pang inihula ni Jesus ay kitang-kita na mula noong 1914, ang taon nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Oo, naghahari na ngayon si Jesus. Malapit nang dumating ang Kaharian upang gawin ang kalooban ng Diyos sa lupa. *
Ano ang magiging kahulugan sa iyo ng pagdating ng Kaharian ng Diyos? Depende iyan sa kung paano ka tutugon sa mensahe ni Jesus.
[Mga talababa]
^ par. 8 Ang pananalitang “kaharian ng langit” ay mga 30 beses lumitaw sa Ebanghelyo ni Mateo.
^ par. 17 Para sa detalyadong pagtalakay kung paano natin nalaman na malapit na ang Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 9, “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.