Si Jesu-Kristo at ang Epekto ng Mensahe Niya
Si Jesu-Kristo at ang Epekto ng Mensahe Niya
“Tiyak na ang pinakamatibay na patotoo ng pantas na taong ito mula sa Capernaum ay na patuloy niyang naiimpluwensiyahan ang puso’t isipan ng mga tao hanggang sa ngayon.” *—AYON SA AWTOR NA SI GREGG EASTERBROOK.
MAKAPANGYARIHAN ang mga salita. Ang mga salitang pinag-isipang mabuti ay maaaring umantig ng puso, magbigay ng pag-asa, at bumago ng buhay. Walang taong hihigit pa kay Jesu-Kristo sa bagay na ito. Ganito ang isinulat ng isa sa nakarinig mismo sa tanyag na Sermon sa Bundok ni Jesus: “Nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, bilang resulta ay lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.”—Mateo 7:28.
Hanggang sa ngayon, pamilyar pa rin ang mga tao sa buong daigdig sa mga pananalita ni Jesus. Isaalang-alang ang ilan sa pananalita niya na punung-puno ng kahulugan.
“Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:24.
“Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
“Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:21.
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Pero hindi lamang bumigkas si Jesus ng di-malilimutang mga kasabihan. Ang mensaheng ipinangaral niya ay may puwersa sapagkat ipinaliwanag nito ang katotohanan tungkol sa Diyos, itinuro nito kung paano masusumpungan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng buhay, at tinukoy nito ang solusyon sa lahat ng paghihirap ng tao—ang Kaharian ng Diyos. Habang sinusuri natin ang mensaheng ito sa susunod na mga artikulo, mauunawaan natin kung bakit patuloy na nakaiimpluwensiya si Jesus sa “puso’t isipan” ng milyun-milyong tao.
[Talababa]
^ par. 2 Ang Capernaum ang sinasabing tirahan ni Jesus sa distrito ng Galilea.—Marcos 2:1.