Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Ginagawa ng Diyos?

Ano ba ang Ginagawa ng Diyos?

Ano ba ang Ginagawa ng Diyos?

“O Jehova, bakit ka laging nakatayo sa malayo? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?” *​—AWIT 10:1.

ANG mga ulo ng balita ay nagpapatunay na nabubuhay na tayo sa “mga panahon ng kabagabagan.” At kapag tayo mismo ang namatayan ng mahal sa buhay o nakaranas ng krimen o matinding aksidente​—baka maitanong natin, Nakikita ba ito ng Diyos? May malasakit kaya siya sa atin? Nasaan kaya siya kapag kailangan natin siya?

Pero naisip mo na ba na baka mali ang iniisip natin tungkol sa Diyos, ang inaasahan natin sa kaniya? Halimbawa: Isip-isipin ang isang nalulungkot na bata dahil umalis ang kaniyang tatay para magtrabaho. Hinahanap-hanap ng bata ang kaniyang tatay at gusto niyang umuwi na ito. Akala ng bata ay pinabayaan na siya. Kaya maghapon niyang itinatanong, “Nasaan si Tatay?”

Alam nating mali ang iniisip ng bata. Kasi ang totoo, nang mga sandaling iyon, nagtatrabaho ang tatay niya upang maglaan sa kaniyang pamilya. Maaari din kayang nagkakamali tayo kapag itinatanong natin, “Nasaan ang Diyos”?

Halimbawa, iniisip ng ilan na sana ay maging tagapuksa ang Diyos upang maparusahan agad ang mga gumagawa ng masama. Iniisip naman ng iba na ang Diyos ay parang si Santa Klaus na tagapagbigay ng mga gusto natin gaya ng trabaho, asawa, o maging ng panalo sa loterya.

Ipinalalagay nila na kapag hindi agad ibinigay ng Diyos ang katarungan o ang hinihiling natin, wala siyang pakialam sa ating paghihirap at hindi niya nalalaman ang ating pangangailangan. Hindi iyan totoo! Sa katunayan, sa mismong sandaling ito, ang Diyos na Jehova ay kumikilos upang paglaanan ang lahat ng tao, pero hindi sa paraan na gusto sana ng marami.

Kung gayon, ano ba ang ginagawa ng Diyos? Upang masagot iyan, kailangan nating balikan ang pasimula ng kasaysayan nang masira ang kaugnayan ng tao sa Diyos​—pero may pag-asa pa naman itong maayos.

Ang Masasamang Epekto ng Kasalanan

Isipin ang isang bahay na sira na sa loob ng maraming taon. Bagsak na ang bubong, baklas na ang mga pinto, at sira na ang labas ng bahay. Dati, maayos ang bahay na ito. Sa laki ng sira, malaking trabaho ang kailangan para maayos itong muli. Hindi ito kayang gawin sa magdamag.

Ngayon, isipin naman ang nangyari sa sangkatauhan mga 6,000 taon na ang nakalilipas nang hikayatin ni Satanas, isang di-nakikitang espiritu, sina Adan at Eva na magrebelde sa Diyos. Bago nangyari iyan, ang unang mag-asawa ay may sakdal na kalusugan at pag-asang mabuhay magpakailanman kasama ang kanilang magiging mga anak. (Genesis 1:28) Pero nang magkasala sila, para na ring sinira nina Adan at Eva ang kinabukasan ng kanilang mga anak na isisilang pa lamang.

Huwag mong maliitin ang mga epekto ng pagrerebeldeng iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.” (Roma 5:12) Bukod sa kamatayan, nasira din ng kasalanan ang kaugnayan natin sa ating Maylalang at nakaapekto ito sa atin sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Dahil dito, ang ating kalagayan ay gaya ng sirang bahay na binanggit sa simula. Inilarawan ng matuwid na taong si Job ang buhay ng tao na “ilang araw lamang at puno ng kabalisahan.”​—Job 14:1, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Pero pinabayaan na ba ng Diyos ang mga tao matapos magkasala sina Adan at Eva? Hindi! Ang totoo, mula noon hanggang ngayon, ang ating Ama sa langit ay gumagawa alang-alang sa sangkatauhan. Upang higit na mapahalagahan ang ginagawa niya para sa atin, isaalang-alang ang tatlong hakbang na kailangang gawin para maibalik sa ayos ang isang bahay at kung ano ang kaugnayan nito sa ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan.

1 Pagkatapos inspeksiyunin ang bahay, dapat magpasiya ang may-ari kung aayusin niya ito o tuluyan nang gigibain.

Karaka-raka pagkatapos ng rebelyon sa Eden, ipinahayag ng Diyos na Jehova ang layunin niya na ayusin ang mga bagay-bagay sa kapakanan ng mga tao. Sinabi niya sa di-nakikitang espiritu na nasa likod ng rebelyon: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”​—Genesis 3:15.

Sa mga pananalitang iyon, nangako si Jehova na pupuksain niya ang pasimuno ng rebelyon sa Eden. (Roma 16:20; Apocalipsis 12:9) Inihula rin ni Jehova na isang “binhi” ang tutubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. * (1 Juan 3:8) Ipinakikita nito kung ano ang gagawin ng Diyos: aayusin niya, hindi gigibain, ang kaniyang nilalang. Ngunit ang pagsasaayos na ito sa sangkatauhan ay nangangailangan ng panahon.

2 Gagawa ng mga plano ang arkitekto ng magiging pagbabago sa bahay.

Binigyan ng Diyos na Jehova ang mga Israelita ng isang kodigo ng mga kautusan at disenyo ng templo kung saan sila sasamba sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga bagay na iyon ay isang anino ng mga bagay na darating.” (Colosas 2:17) Gaya ng mga plano, kumakatawan ang mga ito sa isang mas kapana-panabik na bagay.

Halimbawa, ang mga Israelita ay naghahandog ng mga haing hayop para mapatawad ang kanilang mga kasalanan. (Levitico 17:11) Iyan ay lumalarawan sa mas dakilang hain na ihahandog pagkalipas ng mga dantaon​—isang hain na maglalaan ng tunay na pantubos sa sangkatauhan. * Ang mismong disenyo ng tabernakulo at ng templo kung saan sumamba ang mga Israelita ay lumalarawan sa mga gagawin ng Mesiyas, o “binhi,” mula sa kaniyang sakripisyong kamatayan hanggang sa kaniyang pag-akyat sa langit.​—Tingnan ang  tsart sa pahina 7.

3 Isang tagapagtayo ang pipiliin para magpatupad sa plano na ayusin ang bahay.

Si Jesus ang ipinangakong Mesiyas na lumalarawan sa mga haing inihandog ng mga Israelita. Ibinigay niya ang kaniya mismong buhay upang tubusin ang sangkatauhan. Oo, tinawag ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus na “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Kusang tinanggap ni Jesus ang atas. Sinabi niya: “Bumaba ako mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”​—Juan 6:38.

Ang kalooban ng Diyos para kay Jesus ay hindi lamang ang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami” kundi ang anyayahan din ang iba na maging mga tagasunod niya at makasama niyang maghari sa isang Kaharian. (Mateo 20:28; Lucas 22:29, 30) Ang Kahariang iyan ang gagamitin ng Diyos upang maisakatuparan ang kaniyang layunin para sa mga tao. Ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos ay tinatawag na ‘mabuting balita’ dahil ipinaliliwanag nito na nagtatag ang Diyos ng isang gobyerno sa langit upang mamahala sa lupa.​—Mateo 24:14; Daniel 2:44. *

Nagpapatuloy ang Pagsasaayos

Bago umakyat sa langit, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu . . . At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 28:19, 20.

Kaya ang pagsasaayos ng mga bagay para maibalik ang mga tao sa kasakdalan ay hindi magwawakas sa kamatayan ni Jesus. Magpapatuloy ito hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”​—kapag namamahala na ang Kaharian ng Diyos sa ating lupa. Ito na ang panahong iyon. Alam natin ito dahil ang tanda na inihula ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay natutupad na. *​—Mateo 24:3-14; Lucas 21:7-11; 2 Timoteo 3:1-5.

Ngayon, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa 236 na lupain ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ang magasing ito ay dinisenyo para matuto ka nang higit tungkol sa Kahariang iyon at sa gagawin nito. Sa pahina 2 ng bawat isyu ng Ang Bantayan, mababasa mo ito: “Inaaliw [ng magasing ito] ang mga tao sa pamamagitan ng mabuting balita na di-magtatagal, wawakasan ng Kaharian ng Diyos, isang tunay na gobyerno sa langit, ang lahat ng kasamaan at gagawin nitong paraiso ang lupa. Pinasisigla nito ang mga tao na manampalataya kay Jesu-Kristo, na namatay para magkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan at namamahala na ngayon bilang Hari sa Kaharian ng Diyos.”

Sabihin pa, nakaririnig ka pa rin ng mga balita tungkol sa mga pagsalakay ng terorista o likas na mga sakuna, o maaaring makaranas ka ng trahedya. Pero kung mag-aaral ka ng Bibliya, makukumbinsi kang hindi pinabayaan ng Diyos ang mga tao. Ang totoo, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) At ang pangako niyang isauli ang naiwala ng ating unang mga magulang ay matutupad.​Isaias 55:11.

[Mga talababa]

^ par. 2 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng mababasa sa Bibliya.

^ par. 16 Para sa detalyadong paliwanag sa Genesis 3:15, tingnan ang kabanata 19 ng aklat na Maging Malapít kay Jehova, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 22 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Chart/Mga larawan sa pahina 7]

 (Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

“Isang Kopya ng Katunayan”​—Kung Ano ang Inilalarawan ng Tabernakulo

ANG ALTAR

Ang kusang pagtanggap ng Diyos sa hain ni Jesus.​—HEBREO 13:10-12.

ANG MATAAS NA SASERDOTE

Si Jesus.​—HEBREO 9:11.

1 Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, naghahandog ang mataas na saserdote ng hain para sa kasalanan ng bayan.​—LEVITICO 16:15, 29-31.

1 Noong Nisan 14, 33 C.E., inihain ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin.​—HEBREO 10:5-10; 1 JUAN 2:1, 2.

ANG BANAL

Kalagayan ni Jesus bilang inianak sa espiritu na may pag-asang mabuhay sa langit.​—MATEO 3:16, 17; ROMA 8:14-17; HEBREO 5:4-6.

ANG KURTINA

Ang katawang laman ni Jesus, ang halang na naghihiwalay sa buhay sa lupa at buhay sa langit.​—1 CORINTO 15:44, 50; HEBREO 6:19, 20; 10:19, 20.

2 Ang mataas na saserdote ay pumapasok sa kurtina na naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan.

2 Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, ‘pumasok si Jesus sa kurtina’ sa pamamagitan ng pag-akyat sa langit upang “humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.”​—HEBREO 9:24-28.

ANG KABANAL-BANALAN

Langit.​—HEBREO 9:24.

3 Sa loob ng Kabanal-banalan, iwiniwisik ng mataas na saserdote ang dugo ng hain sa harap ng kaban ng tipan.​—LEVITICO 16:12-14.

3 Sa pamamagitan ng halaga ng itinigis na dugo ni Jesus, naglaan siya ng tunay na kabayaran para sa ating mga kasalanan.​—HEBREO 9:12, 24; 1 PEDRO 3:21, 22.