Mga Biyuda at Biyudo—Ano ang Kailangan Nila? Paano Mo Sila Matutulungan?
Mga Biyuda at Biyudo—Ano ang Kailangan Nila? Paano Mo Sila Matutulungan?
Sa malamlam na liwanag sa kusina ng kaniyang maliit na apartment, inaayos ni Jeanne ang mesa para kumain. Bigla siyang napatingin sa dalawang pinggan sa mesa . . . at napaiyak. Nakaugalian na kasi niyang ayusin ang mesa para sa dalawa! Dalawang taon na rin ang nakalilipas nang mamatay ang mahal niyang asawa.
PARA sa mga hindi pa nakaranas na mamatayan ng kabiyak, napakahirap maunawaan ang kirot na dulot nito. Oo, matagal bago matanggap ng isang tao ang napakalungkot na katotohanang ito. Hindi matanggap ni Beryl, 72 anyos, ang biglang pagkamatay ng kaniyang mister. “Hindi ako makapaniwalang hindi ko na siya muling makakasama,” ang sabi niya.
Kapag naputulan ng paa o braso ang isang tao, kung minsan ay naiisip niyang parang naroon pa rin ito. Sa katulad na paraan, kung minsan ay parang nakikita pa rin ng nangungulilang mga kabiyak ang kanilang minamahal sa isang grupo ng mga tao o natatanto nilang nakikipag-usap na pala sila sa kanilang namatay na asawa!
Kadalasan nang hindi alam ng mga kaibigan o kapamilya kung ano ang gagawin nila upang matulungan ang nagdadalamhating balo. May kilala ka bang namatayan ng kabiyak? Kung oo, paano mo sila matutulungan? Ano ang dapat mong malaman upang matulungan ang mga balo na masiyahang muli sa buhay?
Mga Dapat Iwasan
Maaaring malungkot din ang mga kaibigan at kapamilya sa pagdurusang dinaranas ng kanilang mahal sa buhay na nabalo, kaya tinutulungan nila siyang paikliin ang panahon ng kaniyang pagdadalamhati. Pero ganito ang isinulat ng isang mananaliksik na nagsurbey sa 700 balo: “Walang espesipikong haba ng Genesis 37:34, 35; Job 10:1.
panahon para magdalamhati.” Kaya sa halip na pigilan silang umiyak, hayaang ilabas ng nabalo ang kaniyang nadarama.—Bagaman tama lamang na tumulong sa mga kaayusan tungkol sa libing, huwag mong isipin na ikaw na ang magpapasiya sa lahat ng bagay may kaugnayan dito. Ganito ang sinabi ng 49-anyos na biyudong si Paul: “Natuwa ako sa mga tumulong sa akin dahil ako pa rin ang pinagpapasiya nila may kinalaman sa mga kaayusan sa libing. Mahalaga sa akin na maging maayos ang libing ng aking asawa. Para sa akin, ito na ang huling magagawa ko upang parangalan siya.”
Oo, pinasasalamatan ng karamihan ang ilang tulong na ibinibigay sa kanila. Ganito ang sinabi ng 68-anyos na biyudang si Eileen: “Yamang magulo pa ang isip ko, mahirap mag-asikaso ng libing at mga papeles. Mabuti na lamang at tinulungan ako ng aking anak na lalaki at manugang.”
Huwag ding mangamba na pag-usapan ang tungkol sa namatay na mahal sa buhay. Ganito ang sinabi ni Beryl na nabanggit kanina: “Malaking tulong ang aking mga kaibigan. Pero napansin kong iniiwasan nilang banggitin ang tungkol sa aking asawang si John, na para bang hindi nila siya nakasama. Medyo masakit ito sa akin.” Darating din ang panahon na baka gugustuhin na ng mga balo na pag-usapan ang kanilang kabiyak. May naaalaala ka bang kabaitang ginawa ng asawa ng balo o kaya ay nakatutuwang kuwento tungkol sa kaniya? Kung gayon, huwag kang mag-atubiling ikuwento ito sa nabalong kabiyak. Kapag napansin mong ayos lamang na pag-usapan ang kaniyang yumaong asawa, sabihin kung ano ang hindi mo malilimutan tungkol dito. Baka makatulong ito sa naiwang kabiyak na makitang hindi lamang siya ang nangungulila.—Roma 12:15.
Kung gusto mong makatulong, iwasan ang labis na pagpapayo sa nagdadalamhati. Huwag pilitin ang naulilang kabiyak na gumawa ng mabilis na pasiya. * Sa halip, maging maunawain at tanungin ang sarili, ‘Ano kaya ang magagawa ko para matulungan ang isang kaibigan o kamag-anak na maharap ang isa sa pinakamasaklap na mga pangyayari sa buhay?’
Kung Ano ang Magagawa Mo
Mga ilang araw pagkamatay ng asawa, malamang na kailangan ng tulong ng nabalo. Maaari ka bang magluto para sa kaniya, asikasuhin ang mga dumadalaw niyang kamag-anak, o samahan siya?
Kailangan mo ring maunawaan na magkaiba ang mga lalaki at babae pagdating sa pagdadalamhati at kalungkutan. Halimbawa, mahigit sa kalahati ng mga biyudo sa ilang bahagi ng daigdig ang muling nag-aasawa pagkalipas lamang ng 18 buwan pagkamatay ng kanilang kabiyak—na bihirang mangyari sa mga biyuda. Bakit?
Kabaligtaran ng paniniwala ng marami, ang mga lalaki ay hindi laging muling nag-aasawa dahil lamang sa pisikal o seksuwal na pangangailangan. Karamihan kasi ng mga lalaking may-asawa ay nagsasabi lamang ng kanilang niloloob sa asawa nila anupat nakadarama sila ng labis na pangungulila pagkamatay nito. Sa kabilang panig naman, ang mga biyuda ay kadalasang mas madaling makahanap ng emosyonal na tulong, kahit na kung minsan ay nakakalimutan sila ng mga kaibigan ng kanilang asawa. Dahil diyan, iniisip ng mga biyudo na ang lunas sa kanilang kalungkutan ay ang muling pag-aasawa—sa kabila ng problemang maaaring bumangon dahil sa muling pag-aasawa sa loob lamang ng maikling panahon. Kaya mas nakakayanan ng mga biyuda ang kirot ng pangungulila.
Lalaki man o babae ang kaibigan o kamag-anak mo, paano mo maiibsan ang kaniyang nadaramang kalungkutan? Ganito ang sinabi ng 49-anyos na si Helen: “Marami ang gustong tumulong, pero hindi naman sila nagkukusa. Madalas nilang sinasabi, ‘Kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin.’ Pero pinahahalagahan ko kapag may nagsabi, ‘Mamimili ako. Gusto mo bang sumama?’” Sinabi ni Paul, na ang asawa ay namatay dahil sa kanser, na pinahahalagahan niya ang pag-aanyaya sa kaniya. “Kung minsan,” ang sabi niya, “ayaw mong ipakipag-usap sa iba ang iyong kalagayan. Pero pagkatapos ng pakikisama sa mga kaibigan, bumubuti ang pakiramdam mo; nababawasan ang iyong pangungulila. Nalalaman mo na talagang nagmamalasakit ang iba, at mas gumagaan ang kalooban mo.” *
Kung Kailan Kailangan ng Karamay
Nasumpungan ni Helen na mas kailangan niya ang emosyonal na tulong kapag ang karamihan sa kaniyang mga kamag-anak ay nagbalik na sa kanilang araw-araw na rutin. “Nariyan ang iyong mga kaibigan at kapamilya sa simula,” sabi niya, “pero pagkatapos ay nagbabalik din sa normal ang kanilang buhay samantalang ikaw naman ay patuloy pa ring nangungulila.” Kung ganito ang kalagayan, malaki ang magagawa ng tunay na mga kaibigan para patuloy na alalayan ang nabalo.
Marahil, lalo nang kailangan ng isang balo ng kasama kapag anibersaryo ng kanilang kasal o petsa ng kamatayan ng kaniyang kabiyak. Sinabi ni Eileen, na nabanggit kanina, kung paano siya tinutulungan ng kaniyang anak na lalaki na mabata ang pangungulila at kalungkutan kapag anibersaryo ng kaniyang kasal. Sinabi niya: “Taun-taon ay ipinapasyal ako ni Kevin, at kumakain kami sa labas. Isa itong espesyal na okasyon para sa aming mag-ina.” Bakit hindi mo tandaan ang mga petsang ito para madamayan mo ang isang kapamilya o kaibigan na balo? Sa mga panahong iyon, maaari mong isaayos na ikaw o ang iba pa ay makasama niya.—Kawikaan 17:17.
Nakatulong sa ilan ang pakikisama sa katulad nilang balo. Ganito ang sinabi ni Annie, na walong taon nang balo, tungkol sa kaibigan niya na isa ring biyuda: “Hanga ako sa determinasyon niya at pinatibay niya ako na magpatuloy sa aking buhay.”
Oo, kapag nakayanan ng mga balo ang kanilang pangungulila sa simula, maaari silang maging inspirasyon sa iba. Iniulat sa Bibliya ang tungkol sa dalawang balo, si Ruth at ang kaniyang biyenang si Noemi. Tinulungan nila ang isa’t isa. Ang nakaaantig-damdaming ulat na iyan ay nagpapakita kung paano nakatulong ang pagmamahal nila sa isa’t isa para makayanan ang pangungulila at maharap ang mga hamon sa buhay.—Ruth 1:15-17; 3:1; 4:14, 15.
Kailangang Magpatuloy ang Buhay
Para makapagsimulang muli sa buhay, kailangang maging timbang ng mga balo. Hindi sila dapat labis-labis na mag-isip tungkol sa namatay nilang asawa anupat napapabayaan na ang sarili. Sinabi ng matalinong haring si Solomon na may “panahon ng pagtangis.” Ngunit sinabi rin niyang may “panahon ng pagpapagaling.”—Eclesiastes 3:3, 4.
Sinabi ni Paul, na nabanggit kanina, kung gaano kahirap ang buhay ng isang balo. “Kaming mag-asawa,” ang sabi niya, “ay parang dalawang punungkahoy na lumaking magkapulupot. Pagkatapos, namatay ang isa at inalis, kaya hindi na magandang tingnan ang naiwang punungkahoy. Ang hirap talagang mabuhay mag-isa.” Dahil mahal na mahal nila ang namatay na kabiyak, patuloy pa ring nabubuhay ang ilan sa alaala nito. Iniisip naman ng iba na kung magsasaya sila, para itong pagtataksil. Dahil dito, ayaw na nilang makipagkilala sa iba. Paano kaya natin matutulungan ang mga balo na magpatuloy sa kanilang buhay?
Tulungan ang balo na ipahayag ang kaniyang nadarama. Ganito ang sinabi ni Herbert na anim na taon nang biyudo: “Talagang pinahahalagahan ko kapag nauupo at nakikinig sa akin ang mga dumadalaw habang naaalaala o sinasabi ko ang nasa isip ko sa sandaling iyon. Alam kong hindi ako laging masarap kasama, pero pinasasalamatan ko ang pakikiramay nila sa akin.” Naantig naman si Paul sa ginawa ng isang may-gulang na kaibigan. Sinabi niya, “Gustung-gusto ko ang taimtim at mabait niyang pangungumusta sa akin, kaya madalas kong masabi sa kaniya kung ano talaga ang nadarama ko.”—Kawikaan 18:24.
Mas madaling matatanggap ng isa ang pagkamatay ng kaniyang mahal sa buhay kung maibubulalas niya ang kaniyang nadarama, 2 Samuel 12:19-23.
gaya ng panghihinayang, pagsisisi, o galit. Isang halimbawa rito si Haring David. Nang maibulalas niya ang laman ng kaniyang puso sa pinakamabuting kaibigan, ang Diyos na Jehova, nagkaroon siya ng lakas na “tumindig” at tanggapin ang pagkamatay ng kaniyang sanggol na anak na lalaki.—Kahit na mahirap sa simula, kailangang bumalik ang balo sa kaniyang araw-araw na rutin. Maaari mo ba siyang isama sa ilan sa iyong gawain, gaya ng pamimili o paglalakad sa gabi? Maaari mo bang hingin ang tulong niya sa ilang gawain? Sa ganiyang paraan, matutulungan mo siyang huwag ibukod ang kaniyang sarili. Halimbawa, maaari ba siyang mag-alaga ng bata o magturo ng kaniyang paboritong lutuin? Maaari ba siyang tumulong sa ilang pagkukumpuni sa bahay? Nalilibang na siya sa gayong mga gawain, nadarama pa niyang may halaga rin ang kaniyang buhay.
Kapag nasasabi na ng balo sa iba ang kaniyang niloloob, maaaring unti-unti na siyang masiyahang muli sa buhay. Baka magtakda pa nga siya ng bagong mga tunguhin. Ito ang nangyari kay Yonette, 44-anyos na biyuda at ina. Naaalaala niya: “Napakahirap bumalik sa iyong rutin! Hindi talaga madali ang paggawa ng mga gawaing-bahay sa araw-araw, pag-aasikaso ng pananalapi, at pag-aalaga sa aking tatlong anak.” Pero nang maglaon, natutuhan ni Yonette na ayusin ang kaniyang buhay. Mas bukás na rin ang komunikasyon niya sa kaniyang mga anak. Tinanggap na rin niya ang tulong ng kaniyang malalapít na kaibigan.
“Masarap Pa Ring Mabuhay”
Upang higit na makatulong, kailangang maging makatotohanan ang mga kaibigan at kapamilya. Sa loob ng mga buwan o taon pa nga, maaaring pabagu-bago pa ang damdamin ng nabalo. Kung minsan, tahimik siya at minsan naman ay nanlulumo. Tiyak na matindi ang “salot ng kaniyang sariling puso.”—1 Hari 8:38, 39.
Sa ganitong kalagayan, baka kailangan nila ng pampatibay-loob upang hindi nila madama na nag-iisa sila at nakabukod. Nakatulong ito sa maraming balo para magkaroon ng bagong direksiyon ang kanilang buhay. Ganito ang sinabi ni Claude, 60-anyos na biyudo at ngayo’y isang buong-panahong ebanghelisador sa Aprika: “Masarap pa ring mabuhay sa kabila ng kirot na mamatayan ng kabiyak.”
Ang buhay ay hindi na gaya ng dati kapag namatay ang kabiyak. Gayunman, kailangan pa ring magpatuloy sa buhay ang mga balo at marami pa siyang magagawa para sa iba.—Eclesiastes 11:7, 8.
[Mga talababa]
^ par. 11 Tingnan ang kahong “Mahahalagang Alaala o Hadlang Para Mapagtagumpayan ang Pangungulila?” sa pahina 12.
^ par. 16 Para sa higit pang mungkahi kung paano tutulungan ang mga naulila, tingnan ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, pahina 20-25, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 11]
Malaki ang magagawa ng tunay na mga kaibigan para patuloy na alalayan ang nabalo
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
Mahahalagang Alaala o Hadlang Para Mapagtagumpayan ang Pangungulila?
“Itinago ko ang mga gamit ng asawa ko,” ang sabi ni Helen, na ang asawa ay ilang taon pa lamang namatay. “Ang mga ito ay nagbibigay sa akin ng masasayang alaala. Ayaw kong itapon agad ang alinman sa mga ito dahil maaaring magbago ang damdamin sa paglipas ng panahon.”
Iba naman si Claude, na mahigit limang taon nang biyudo. Sinabi niya: “Hindi ko kailangang itago ang mga gamit niya para maalaala ko siya. Nakatulong sa akin ang pagtatapon ng mga gamit niya para matanggap ko ang katotohanan at maibsan ang kirot ng pagdadalamhati.”
Ipinakikita ng mga nabanggit na komento na iba-iba ang gustong gawin ng mga balo sa mga gamit ng kanilang namatay na asawa. Kaya iiwasan ng matalinong mga kaibigan at kamag-anak na igiit ang kanilang sariling opinyon hinggil sa bagay na ito.—Galacia 6:2, 5.
[Mga larawan sa pahina 9]
May espesipiko bang mga petsa na kailangang- kailangan nila ang iyong pagdamay?
[Larawan sa pahina 9]
Anyayahan sila
[Mga larawan sa pahina 10]
Isama ang mga balo sa inyong mga gawain araw-araw o sa paglilibang