Ang Katotohanan Tungkol sa Kasalanan
Ang Katotohanan Tungkol sa Kasalanan
MAWAWALA ba ang lagnat ng isang tao kung babasagin niya ang termometro? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, hindi komo tinatanggihan ng marami ang pangmalas ng Diyos sa kasalanan ay wala na silang kasalanan. Maraming sinasabi ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, tungkol sa paksang ito. Ano nga ba talaga ang itinuturo nito tungkol sa kasalanan?
Ang Lahat ay Nagkakasala
Mga dalawang libong taon na ang nakalilipas, sinabi ni apostol Pablo: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” (Roma 7:19) Kung tapat tayo, aaminin natin na ganiyan din ang ating nadarama. Marahil ay gusto nating sundin ang Sampung Utos o ang iba pang pamantayan sa paggawi, pero sa ayaw man natin o sa gusto, hindi natin ito laging nasusunod. Hindi naman natin sinasadyang labagin ang mga ito, talagang mahina lamang tayo. Bakit? Ganito ang sagot ni Pablo: “Ngayon, kung yaong hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na tumatahan sa akin.”—Roma 7:20.
Tulad ni Pablo, lahat ng tao ay likas na mahina—katibayan na tayo ay may minanang kasalanan at di-kasakdalan. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi ng apostol. Ano ang dahilan? Sinabi pa ni Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 3:23; 5:12.
Bagaman hindi tinatanggap ng marami na tayo ay napahiwalay sa Diyos at hindi na sakdal dahil sa kasalanan ng ating unang mga magulang, ito talaga ang itinuturo ng Bibliya. Ipinakita ni Jesus na naniniwala siya sa ulat tungkol kina Adan at Eva nang sipiin niya ang unang mga kabanata ng Genesis bilang awtoridad.—Genesis 1:27; 2:24; 5:2; Mateo 19:1-5.
Ang isa sa mga pangunahing mensahe ng Bibliya ay ang pagpunta ni Jesus sa lupa upang tubusin sa kasalanan ang mga nananampalataya sa kaniya. (Juan 3:16) Ang ating kinabukasan ay nakadepende sa pagtanggap natin sa paraan ng pagliligtas ni Jehova sa mapagpahalagang sangkatauhan mula sa isang sitwasyon na wala silang kontrol. Pero kung hindi malinaw ang pagkaunawa natin sa pangmalas ng Diyos sa kasalanan, hindi natin mapahahalagahan ang ginawa niya para iligtas tayo.
Kung Bakit Kailangang Mamatay si Jesus Para sa Atin
Binigyan ni Jehova ang unang tao ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Maiwawala lamang ni Adan ang pag-asang ito kung magrerebelde siya sa Diyos. Nagrebelde nga si Adan, kaya naging makasalanan siya. (Genesis 2:15-17; 3:6) Sinuway ni Adan ang kalooban ng Diyos kaya naiwala niya ang kasakdalan at nagkalamat ang kaugnayan niya sa Diyos. Nagkasala siya nang labagin niya ang utos ng Diyos anupat tumanda at namatay. Nakalulungkot, lahat ng inapo ni Adan—kasama na tayo—ay ipinanganak na makasalanan, at dahil dito, nasadlak tayo sa kamatayan. Bakit?
Simple lang ang sagot. Hindi maaaring magkaroon ng sakdal na mga anak ang di-sakdal na mga magulang. Lahat ng anak ni Adan ay ipinanganak na makasalanan, at gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Nagbibigay sa atin ng pag-asa ang kasunod na sinabi ni Pablo: “Ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” Ibig sabihin, sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ni Jesus, posibleng maalis ang mga epekto ng kasalanan ni Adan sa masunurin at mapagpahalagang sangkatauhan. * (Mateo 20:28; 1 Pedro 1:18, 19) Ano ang dapat mong madama rito?
Ang Pag-ibig ni Kristo ang ‘Nag-uudyok sa Atin’
Isinulat ng kinasihang apostol na si Pablo ang sagot ng Diyos sa tanong na iyan: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat ito ang aming inihahatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; . . . at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Kung pinahahalagahan ng isang tao ang sakripisyo ni Jesus na maaaring magpalaya sa kaniya mula sa mga epekto ng kasalanan—at gusto niyang magpasalamat—dapat siyang mamuhay ayon sa hinihiling ng Diyos sa kaniya. Kasali rito ang pag-unawa sa mga kahilingan ng Diyos, pagsasanay sa kaniyang budhi ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, at pagkakapit nito sa kaniyang buhay.—Juan 17:3, 17.
Nasisira ang kaugnayan natin sa Diyos na Jehova dahil sa kasalanan. Nang mabatid ni Haring David ang bigat ng ginawa niyang pangangalunya kay Bat-sheba at pagpatay sa asawa nito, hiyang-hiya siya. Pero ang labis niyang ikinabahala—at tama lang naman—ay ang samâ ng loob na naidulot ng kasalanan niya sa Diyos. Sising-sising inamin niya kay Jehova: “Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako ay nagkasala, at ang masama sa iyong paningin ay nagawa ko.” (Awit 51:4) Nang tuksuhin naman si Jose na mangalunya, inudyukan siya ng kaniyang budhi na magtanong: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?”—Genesis 39:9.
Kaya ang kasalanan ay hindi basta pagkadama ng kahihiyan dahil nahuli ka. Hindi lamang tayo basta mananagot sa ibang tao o sa lipunan dahil sa hindi natin nasunod ang ilang pamantayan. Nasisira ang ating kaugnayan sa Diyos kapag nilalabag natin ang batas niya tungkol sa sekso, katapatan, paggalang, pagsamba, at iba pa. Kapag sinasadya nating gumawa ng kasalanan, ginagawa natin ang ating sarili na kaaway ng Diyos. Ito ay isang bagay na dapat nating seryosong pag-isipan.—1 Juan 3:4, 8.
Kaya ano na ang nangyari sa kasalanan? Ang totoo, wala naman. Iniiba lang ng mga tao ang tawag dito sa pag-asang maging mas mababaw ang tingin dito. Pinamamanhid o winawalang-bahala ng marami ang kanilang budhi. Dapat itong iwasan ng lahat ng nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos. Gaya ng natalakay natin, ang kabayaran ng kasalanan ay hindi lamang isang bahid sa iyong pagkatao o isang kahihiyan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.
Mabuti na lang maaari tayong mapatawad sa pamamagitan ng halaga ng haing pantubos ni Jesus kung taimtim nating pagsisisihan ang ating mga kasalanan at tatalikdan ang mga ito. “Maligaya yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang mga gawang tampalasan at ang kanilang mga kasalanan ay tinakpan,” ang isinulat ni Pablo. “Maligaya ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hindi na ibinibilang pa ni Jehova.”—Roma 4:7, 8.
[Talababa]
^ par. 10 Para sa detalyadong paliwanag kung paano maililigtas ng sakripisyong kamatayan ni Jesus ang masunuring sangkatauhan, tingnan ang pahina 47 hanggang 54 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Isang Turo na Inalis ng Simbahan
Para sa karamihan ng nagsisimbang Katoliko, malabo ang turo tungkol sa Limbo. Nitong nakalipas na mga dekada, unti-unti itong naglaho hanggang sa lubusan na itong mawala sa katesismo. Noong 2007, opisyal nang inalis ng Simbahang Katoliko ang turo ng Limbo sa isang dokumentong nagsasaad ng “teolohikal at liturhikal na mga dahilan para umasang ang mga sanggol na namatay nang hindi nabibinyagan ay maaaring maligtas at magkaroon ng walang-hanggang kaligayahan.”—International Theological Commission.
Bakit inalis ng simbahan ang turong ito? Pangunahin na, upang makalusot ang simbahan sa tinatawag ng kolumnistang Pranses na si Henri Tincq na “isang pabigat na ipinamana at ipinagtanggol, mula Edad Medya hanggang ika-20 siglo, ng mapaggiit na Simbahan, na gustung-gustong ipanakot ang Limbo upang himukin ang mga magulang na pabinyagan agad ang kanilang mga anak.” Pero ang pag-aalis sa turo ng Limbo ay nagbangon ng iba pang mga tanong.
Tradisyon o Kasulatan? Ayon sa kasaysayan, ang paniniwala sa Limbo ay resulta ng mga debate ng mga teologo tungkol sa purgatoryo noong ika-12 siglo. Itinuro ng Simbahang Katoliko na patuloy na umiiral ang kaluluwa pagkamatay ng tao. Kaya para maipaliwanag kung saan magtutungo ang mga kaluluwa ng mga batang di-nabinyagan na hindi maaaring magtungo sa langit pero hindi naman karapat-dapat sa impiyerno, nabuo ang ideya tungkol sa Limbo.
Gayunman, hindi itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa ay patuloy na umiiral pagkamatay ng tao. Sa halip, sinasabi ng Bibliya na ang kaluluwa ay ang tao mismo, o ang buhay ng tao. Sinasabi rin nito na hindi ito imortal—ang kaluluwang nagkakasala ay maaaring ‘puksain’ at ‘mamatay.’ (Gawa 3:23; Ezekiel 18:4) Yamang ang kaluluwa ay namamatay, hindi maaaring may lugar na gaya ng Limbo. Isa pa, sinasabi ng Bibliya na ang patay ay walang malay, katulad ng isa na natutulog.—Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14.
Ipinakikita ng Bibliya na itinuturing ng Diyos na banal ang mga anak ng mga magulang na Kristiyano. (1 Corinto 7:14) Mawawalan ito ng saysay kung kailangang mabinyagan ang mga sanggol para maligtas.
Ang turo tungkol sa Limbo ay isang malaking insulto sa Diyos. Sa halip na ilarawan bilang isang makatarungan at maibiging Ama, inilalarawan siya nito na malupit na Diyos na nagpaparusa sa mga inosente. (Deuteronomio 32:4; Mateo 5:45; 1 Juan 4:8) Kaya hindi kataka-taka na ang turong ito na wala sa Bibliya ay hindi kailanman naging malinaw sa taimtim na mga Kristiyano.
[Mga larawan sa pahina 9]
Magkakaroon ng mabuting kaugnayan ang mga tao sa Diyos at sa kapuwa kung mamumuhay sila ayon sa Salita ng Diyos