Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Ano ang Pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa Interfaith?

Ano ang Pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa Interfaith?

▪ Ayon sa World Christian Encyclopedia, may mga “10,000 iba’t ibang relihiyon sa buong daigdig.” Dahil sa malaking pinsalang naidulot ng mga alitan sa pagitan ng mga ito, ang ideya ng interfaith ay nagbibigay ng pag-asa sa maraming mananamba. Naniniwala silang ito ang magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa isang nababahaging daigdig.

Itinataguyod ng Bibliya ang pagkakaisa. Inihalintulad ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao. Ang bawat miyembro ay “magkakasuwatong pinagbubuklod at pinapangyaring magkatulungan.” (Efeso 4:16) Hinimok din ni apostol Pedro ang kaniyang mga kapananampalataya: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip.”​—1 Pedro 3:8.

Namuhay ang unang mga Kristiyano sa isang daigdig na iba’t iba ang kultura at relihiyon. Gayunman, ganito ang itinanong ni Pablo nang sumulat siya tungkol sa pakikisama sa mga di-Kristiyano: “Anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya?” Pagkatapos, binabalaan niya ang mga Kristiyano na “lumabas . . . mula sa kanila.” (2 Corinto 6:15, 17) Maliwanag, hindi sang-ayon si Pablo sa interfaith. Bakit?

Ipinaliwanag ng apostol na hindi angkop para sa isang tunay na Kristiyano na makisama sa pagsamba ng isa na hindi naman tunay na mananamba. (2 Corinto 6:14) Maaari lamang itong makasira sa pananampalataya niya. Ang pagkabahalang ito ni Pablo ay katulad ng sa isang ama na nakakaalam na masama ang gawain ng ilang anak ng kaniyang mga kapitbahay. Bilang nagmamalasakit na magulang, nagtakda siya ng limitasyon kung kanino lamang puwedeng makipaglaro ang kaniyang anak. Maaaring hindi magustuhan ng iba ang kaniyang paghihigpit. Pero ito ang makakatulong sa kaniyang anak para makaiwas sa masasamang impluwensiya. Sa katulad na paraan, alam ni Pablo na makakaiwas din ang mga Kristiyano sa masasamang gawain ng ibang relihiyon kung hindi sila makikisama sa mga ito.

Sa pagsasabing ang mga Kristiyano ay dapat maging hiwalay sa ibang relihiyon, tinutularan lamang ni Pablo si Jesus. Bagaman napakahusay na halimbawa ni Jesus sa pagtataguyod ng kapayapaan, hindi siya nakisali sa interfaith. Maraming relihiyosong grupo, gaya ng mga Pariseo at Saduceo, ang aktibo noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Sa katunayan, nagsama-sama pa nga sila upang hamunin si Jesus. Umabot pa ito sa plano nilang patayin si Jesus. Gayunman, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “mag-ingat . . . sa turo ng mga Pariseo at mga Saduceo.”​—Mateo 16:12.

Kapit pa rin ba sa ngayon ang babala ng Bibliya laban sa interfaith? Oo, dahil hindi maaaring mapagkaisa ang iba’t ibang relihiyosong paniniwala sa pamamagitan ng interfaith kung paanong hindi maaaring maghalo ang tubig at langis kahit pa ilagay ang mga ito sa isang sisidlan. Halimbawa, kapag nagsasama-sama ang mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon upang manalangin para sa kapayapaan, kaninong diyos sila nananalangin? Sa Trinitaryong Diyos ng Sangkakristiyanuhan? Kay Brahma ng mga Hindu? Kay Buddha? O sa iba pa?

Inihula ni propeta Mikas na “sa huling bahagi ng mga araw,” sasabihin ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa: “Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Mikas 4:1-4) Ito ay magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong daigdig, hindi dahil sa umano’y pagsasama-sama ng lahat ng relihiyon kundi dahil sa pagtanggap ng lahat ng tao sa isang tunay na relihiyon.

[Larawan sa pahina 27]

Mga miyembro ng pangunahing mga relihiyon sa daigdig sa isang interfaith conference noong 2008

[Credit Line]

REUTERS/Andreas Manolis