Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Timog Aprika

“Bakit Sila Huminto Roon?”

“Bakit Sila Huminto Roon?”

“MAPANGANIB NA LUGAR​—PAGNANAKAW AT PROSTITUSYON,” ang babala ng karatula sa gilid ng makipot na daan. Tumabi ang sasakyan namin sa gilid ng maalikabok na kalsada kasama ang iba pang mga sasakyan na naghihintay malapit sa isang malaking billboard na nagtuturo ng daan patungo sa isang marangyang lugar na may resort at pasugalan. Nilalampasan kami ng mamahaling mga kotse at nililingon ng mga sakay nito na waring nagtatanong: ‘Bakit sila huminto roon?’

Huminto kami at sumama sa isang grupo ng mga taong maayos ang pananamit at nakatayo sa may billboard. Ang grupo namin ay mula sa iba’t ibang lahi at etnikong pinagmulan, isang bagay na bihirang makita sa Timog Aprika. Naglakbay kami sa lugar na ito, mga 100 kilometro hilagang-kanluran ng Johannesburg, upang ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga tagarito.

Tinalakay namin sandali sa tabi ng daan ang isang teksto sa Kasulatan at isinaayos ang grupo para magbahay-bahay. Pagkatapos manalangin, sumakay kami sa aming mga kotse. Mula sa malayo, matatanaw sa kapatagan ang mga bahay at barung-barong. Maliit tingnan ang mga bahay dahil sa nagtataasang bunton ng latak mula sa mga minahan ng platino. Kitang-kita ang kahirapan, sa kabila ng malaking deposito ng mineral sa ilalim ng lupa.

Kasama namin ng misis ko ang dalawang bisita mula sa Alemanya, at kami ay nagbahay-bahay nang umagang iyon. Halos sangkatlo ng mga residente rito ay walang trabaho, kaya maliliit ang bahay nila. Karamihan ay barung-barong na yari sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy na ginamitan ng malalaking pako at pinitpit na tansan ng beer para kahit paano’y maging matibay.

Sa trangkahan pa lamang ng bawat bahay ay nagta-tao po na kami, at karaniwan nang ang maybahay ang lumalabas. Sabik silang marinig ang mensaheng dala namin, at maganda ang pagtanggap nila sa amin. Tumatagos sa bubong ng mga bahay ang init ng araw, kaya madalas na inuutusan ang mga bata na maglagay ng mga upuan sa ilalim ng puno para doon paupuin ang mga bisitang gaya namin.

Ang pamilya ay nagtitipon at nauupo sa mga bangkô o binaligtad na malalaking kahon. Kahit ang mga batang naglalaro ng gawa-gawa nilang laruan ay tinatawag upang makinig sa amin. Binabasa namin sa kanila at ipinaliliwanag ang ilang teksto sa Bibliya. Binibigyan din namin ng aming salig-Bibliyang mga publikasyon ang mga bata at ipinababasa ito sa kanila. Halos lahat ng nakakausap namin ay natutuwang tumanggap ng aming literatura, at marami sa kanila ang nag-aanyaya sa amin na bumalik.

Kapag tanghali, kumakain muna kami ng sandwich at umiinom bago balikan ang mga dati naming nakausap. Una naming dinalaw si Jimmy, dating taga-Malawi na nagtatrabaho sa isang minahan ng platino. Ilang buwan na kaming dumadalaw kay Jimmy. Tuwang-tuwa siya kapag dumadalaw kami, at mahaba-habang oras din ang ginugugol namin sa pakikipag-usap sa kaniya sa Bibliya. Si Jimmy ay may asawa at dalawang anak. Wala siya sa bahay nang huli kaming dumalaw, kaya sabik kaming kumustahin siya.

Nang malapit na kami sa bahay ni Jimmy, agad naming napansin na may kakaiba rito. Ang kaniyang karaniwang malinis na hardin ay masukal. Lanta na ang kaniyang mga tanim na mais at wala na rin ang mga manok. Nakakandado ang pinto ng mabigat na tanikala. Pinuntahan kami ng isang kapitbahay at itinanong namin sa kaniya kung nasaan si Jimmy. Nabigla kami nang ibalita niya na patay na si Jimmy, at ang asawa’t mga anak nito ay bumalik na sa pamilya ng babae.

Bagaman itinuturing na masama ang manghimasok sa buhay ng iba, nagtanong kami ng ilang detalye. “Nagkasakit siya at namatay,” ang sabi niya sa amin. “Kung anu-anong sakit ang lumalabas ngayon. Maraming tao ang namamatay.” Bagaman hindi niya sinabi kung ano ang ikinamatay ni Jimmy, dahil bihirang pag-usapan ang mga bagay na ito, ang dumaraming bagong mga puntod sa kanilang sementeryo ay patunay na totoo ang sinabi ng kapitbahay. Sandali naming ipinakipag-usap sa kaniya ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Bagaman nalungkot kami, pinuntahan namin ang susunod naming dadalawin.

Pumunta kami sa isa pang nayon at tumungo sa huling hilera ng mga bahay, kung saan may matataas na bunton ng mga latak ng mina. Sa dulo ng lansangan, nakita namin ang mga salitang nakapinta sa isang bato sa hardin, “Magnanakaw ng oras ang pag-uurong-sulong sa pagpapasiya; pangunahing kasabuwat nito ang pagpapaliban.” Sumilip si David, * ang sumulat nito, mula sa likod ng makina ng kaniyang lumang Volkswagen Beetle. Inaninag niya kami at abot-tainga ang ngiti niya nang makilala kami. Sa katunayan, kumikinang pa dahil sa sinag ng araw ang kaniyang mga gintong ngipin sa harap. Nagpunas siya ng kamay at nilapitan kami para batiin.

“Kumusta na kayo mga kaibigan?” ang sabi niya. “Saan kayo galing?” Natutuwa kaming muling makita si David. Humingi siya ng paumanhin dahil wala siyang masyadong panahon para makipag-usap sa amin. Nakakuha siya ng bagong trabaho pagkatapos ng huling pagdalaw namin sa kaniya at kailangan na niyang pumasok sa minahan. Sa aming masayang pag-uusap, hindi nawala ang ngiti ni David. “Nagbago ang buhay ko nang una ko kayong makilala!” ang natutuwa niyang sinabi. “Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin kung hindi ko kayo nakilala.”

Gumaan ang pakiramdam namin nang maghiwalay kami ni David. Papalubog na ang araw nang magbiyahe kami pauwi. Muli naming sinulyapan ang kapatagan, na naaaninag na lang namin dahil sa alikabok. Naisip namin kung paano kaya mapaaabutan ng mabuting balita ang lahat ng taong ito. Damang-dama namin ang kahulugan ng mga salita ni Jesus: “Tunay nga, ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.”​—Lucas 10:2.

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang pangalan.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Kind permission given by the South African Post Office