Balsamo ng Gilead—Ang Balsamo na Nagpapagaling
Balsamo ng Gilead—Ang Balsamo na Nagpapagaling
ISANG pamilyar na kuwento sa aklat ng Bibliya na Genesis ang tungkol sa pagbebenta kay Jose ng kaniyang mga kapatid sa ilang mangangalakal na Ismaelita patungo sa Ehipto. Mula sa Gilead ang mga mangangalakal, at may dala silang balsamo at iba pang produkto sakay ng mga kamelyo patungong Ehipto. (Genesis 37:25) Ipinakikita ng maikling ulat na ito na ang balsamo sa Gilead ay gustung-gusto sa sinaunang Gitnang Silangan dahil sa pantanging kakayahan nitong magpagaling.
Gayunman, makalipas ang ilang siglo, ganito ang malungkot na naitanong ni propeta Jeremias: “Wala bang balsamo sa Gilead?” (Jeremias 8:22) Bakit naitanong ito ni Jeremias? Ano nga ba ang balsamo? Mayroon bang balsamo na nakapagpapagaling sa ngayon?
Ang Balsamo Noong Panahon ng Bibliya
Ang balsamo ay karaniwang tawag sa mabango at kadalasan nang malangis at madagtang substansiya mula sa iba’t ibang halaman at palumpong. Ginagamit ang langis ng balsamo sa insenso at mga pabango. Isa ito sa mga luho sa sinaunang Gitnang Silangan. Isinasangkap din ito sa banal na langis na pamahid at sa insenso na ginagamit sa tabernakulo paglabas ng mga Israelita sa Ehipto. (Exodo 25:6; 35:8) Isa rin ito sa napakaraming regalo ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon. (1 Hari 10:2, 10) ‘Anim na buwan na ginamitan ng langis ng balsamo’ si Esther para sa pagpapaganda at pagmamasahe bago siya iharap kay Haring Ahasuero ng Persia.—Esther 1:1; 2:12.
Bagaman ang langis ng balsamo ay nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan, ang balsamo ng Gilead ay mula sa Lupang Pangako, sa rehiyon ng Gilead sa bandang silangan ng Ilog Jordan. Itinuturing ng patriyarkang si Jacob ang balsamo na isa sa “pinakamaiinam na produkto ng lupain,” at ipinadala niya ito bilang isang kaloob sa Ehipto. (Genesis 43:11) At kabilang ang balsamo sa itinala ni propeta Ezekiel na produktong iniluluwas ng Juda at Israel sa Tiro. (Ezekiel 27:17) Kilalang-kilala ang balsamo dahil nakapagpapagaling ito. Madalas banggitin ng sinaunang mga literatura ang balsamo dahil nakapagpapagaling ito, lalo na sa mga sugat.
Balsamo Para sa Isang May-sakit na Bansa
Kung gayon, bakit naitanong ni Jeremias, “Wala bang balsamo sa Gilead”? Para maunawaan ito, kailangang balikan natin ang kasaysayan ng bansang Israel. Bago nito, nagbigay si propeta Isaias ng detalyadong paglalarawan ng kanilang napakasamang espirituwal na kalagayan: “Mula sa talampakan ng paa at maging hanggang sa ulo ay wala ritong bahaging malusog. Mga sugat at mga pasa at sariwa pang mga latay—hindi pa napipisil ang mga ito o natatalian.” (Isaias 1:6) Sa halip na kilalanin ang kanilang kahabag-habag na kalagayan at maghanap ng lunas para dito, nagpatuloy ang bansa sa kanilang masuwaying landas. Noong panahong iyon, wala nang ibang nagawa si Jeremias kundi ang managhoy: “Itinakwil nila ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?” (Jeremias 8:9) Kung nagbalik-loob lamang sana sila kay Jehova, pagagalingin niya sila. “Wala bang balsamo sa Gilead?” Tunay ngang isang nakapupukaw-kaisipang tanong!
Ang sanlibutan ngayon ay punung-puno rin ng “mga sugat at mga pasa at sariwa pang mga latay.” Ang mga tao ay nagdurusa dahil sa kahirapan, kawalang-katarungan, kasakiman, at kawalan ng kabaitan. Ito ay dahil sa nanlamig ang pag-ibig ng marami sa Diyos at sa kapuwa. (Mateo 24:12; 2 Timoteo 3:1-5) Marami ang itinatakwil dahil sa kanilang lahi, etnikong pinagmulan, o edad. Idagdag mo pa riyan ang taggutom, sakit, digmaan, at kamatayan. Tulad ni Jeremias, maraming taimtim na mánanampalatayá ang nagtatanong kung wala bang “balsamo sa Gilead” upang pagalingin ang emosyonal at espirituwal na mga sugat ng mga nagdurusa.
Ang Mabuting Balita na Nagpapagaling
Noong panahon ni Jesus, itinanong din ito ng mga taimtim na tao. Ngunit sinagot niya ito. Sa pagsisimula ng 30 C.E., sa sinagoga sa Nazaret, binasa ni Jesus ang balumbon ng Isaias: “Pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak.” (Isaias 61:1) Saka ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili ang mga salitang iyon nang iharap niya ang kaniyang sarili bilang ang Mesiyas na may atas na ipahayag ang mensahe ng kaaliwan.—Lucas 4:16-21.
Sa buong ministeryo ni Jesus, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17) Sa Sermon sa Bundok, ipinangako niyang babaguhin ang kalagayan ng mga nagdurusa: “Maligaya kayo na tumatangis ngayon, sapagkat kayo ay tatawa.” (Lucas 6:21) Sa paghahayag ng dumarating na Kaharian ng Diyos—isang mensahe ng pag-asa—‘binigkisan ni Jesus ang mga may pusong wasak.’
Mateo 6:10; 9:35) Halimbawa, isaalang-alang ang sitwasyon nina Roger at Liliane. Una nilang natutuhan ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan noong Enero 1961. Para itong nakagiginhawang balsamo sa kanila. “Ang saya-saya ko. Napasayaw ako sa kusina dahil sa mga bagay na natutuhan ko,” ang naalaala ni Liliane. Idinagdag pa ni Roger, na sampung taon nang paralisado ang kalahating katawan noong panahong iyon, “Nakasumpong ako ng malaking kagalakan, ang kagalakang mabuhay, kaya salamat sa kamangha-manghang pag-asa—ang pagkabuhay-muli at ang katapusan ng lahat ng kirot at sakit.”—Apocalipsis 21:4.
Sa ngayon, nakaaaliw pa rin ang “mabuting balita ng kaharian.” (Noong 1970, namatay ang kanilang 11-anyos na anak na lalaki. Pero hindi sila nawalan ng pag-asa. Nadama nilang “pinagagaling [ni Jehova] ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Inaliw sila ng kanilang pag-asa. Sa halos 50 taon na ngayon, ang mabuting balita ng dumarating na Kaharian ng Diyos ay nagbigay sa kanila ng kapayapaan at pagkakontento.
Isang Pagpapagaling sa Hinaharap
Mayroon bang “balsamo sa Gilead” ngayon? Oo, mayroon pa ring espirituwal na balsamo sa ngayon. Ang kaaliwan at pag-asang ibinibigay ng mabuting balita ay nagbibigkis sa mga pusong wasak. Gusto mo bang maranasan ito? Kailangan mo lamang buksan ang iyong puso sa nakaaaliw na mensahe ng Salita ng Diyos at hayaan itong maging bahagi ng iyong buhay. Milyun-milyon na ang gumawa nito.
Ang pagpapagaling ng balsamong ito ay patikim lamang sa mas malaking ginhawa na mararanasan natin sa hinaharap. Malapit na ang “pagpapagaling sa mga bansa” ng Diyos na Jehova. Bibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan. Sa panahong iyon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” Oo, mayroon pa ring “balsamo sa Gilead”!—Apocalipsis 22:2; Isaias 33:24.
[Larawan sa pahina 23]
Ang kapangyarihang magpagaling ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na nagpapaginhawa sa mga may pusong wasak sa ngayon