Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Nagbago ang Pangmalas sa Kasalanan

Kung Paano Nagbago ang Pangmalas sa Kasalanan

Kung Paano Nagbago ang Pangmalas sa Kasalanan

“HINDI gusto ng mga tao sa ngayon ang ideya na may minana silang kasalanan mula sa ating unang mga magulang. Hindi rin nila matanggap ang mismong ideya ng kasalanan. . . . Maaaring nagkasala sina Adolf Hitler at Josef Stalin, pero tayo ay mga biktima lamang ng sitwasyon at walang kasalanan.”​—The Wall Street Journal.

Gaya ng binanggit sa itaas, ang ideya ng kasalanan ay waring kinukuwestiyon sa ngayon. Bakit? Ano ang nangyari dito? Anong ideya tungkol sa kasalanan ang hindi katanggap-tanggap sa mga tao sa ngayon?

May dalawang aspekto ang ideyang ito​—ang minanang kasalanan at ang likas na hilig nating gumawa ng kasalanan. Ang una ay minana natin, sa gusto man natin o hindi, samantalang ang pangalawa ay kusa nating ginagawa. Suriin natin ang mga ito.

Nagmana ba Tayo ng Kasalanan?

Sinasabi ng Bibliya na lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan mula sa ating unang mga magulang. Kaya lahat tayo ay ipinanganak na may kasalanan. “Lahat ng kalikuan ay kasalanan,” ang sabi ng Bibliya.​—1 Juan 5:17.

Gayunman, para sa maraming nagsisimba, mahirap maintindihan at hindi katanggap-tanggap ang ideya na lahat ng tao ay isinilang na makasalanan dahil sa ilang nakaraang pagkakamali na wala naman silang kinalaman. Sinabi ni Edward Oakes, isang propesor ng teolohiya, na ang turong ito ay “alinman sa ikinahihiya, ikinakaila, o pinaniniwalaan nga pero hindi naman alam kung paano ikakapit sa buhay.”

Ang isang dahilan kung bakit hindi matanggap ng mga tao ang ideya na nagmana tayo ng kasalanan ay dahil sa itinuro ng mga relihiyon tungkol dito. Halimbawa, sa Konsilyo ng Trent (1545-1563), kinondena ng simbahan ang sinumang naniniwalang hindi kailangang binyagan ang bagong-silang na sanggol para sa kapatawaran ng kasalanan nito. Sinasabi ng mga teologo na kapag namatay ang isang sanggol nang di-nabinyagan, hindi ito makapapasok sa langit dahil sa kaniyang kasalanan. Itinuro pa ni Calvin na ang mga sanggol ay ‘isinumpa na sa sinapupunan pa lamang ng kanilang ina.’ Sinabi niya na ang kanilang minanang kasalanan ay ‘kinapopootan at kinasusuklaman ng Diyos.’

Natural lamang na isipin ng karamihan na walang kasalanan ang mga bagong-silang na sanggol at hindi dapat magdusa dahil sa minanang kasalanan. Kaya mauunawaan natin kung bakit ang gayong turo ng simbahan ay nagtulak sa mga tao na huwag maniwala sa doktrina hinggil sa minanang kasalanan. Sa katunayan, hindi matanggap ng ilang lider ng simbahan na hatulan ang isang di-nabinyagang sanggol na magdusa sa maapoy ng impiyerno. Para sa kanila, isang problema kung ano ang kahahantungan ng sanggol na ito. Itinuro ng mga Katoliko sa loob ng mga dantaon na ang mga kaluluwa ng sanggol na di-nabinyagan ay napupunta sa Limbo, * bagaman hindi ito kailanman naging doktrina ng simbahan.

Ang isa pang dahilan kung bakit hindi naniniwala ang mga tao sa turo hinggil sa minanang kasalanan ay dahil kinuwestiyon ng mga pilosopo, siyentipiko, at mga teologo noong ika-19 na siglo ang pagiging totoo ng mga ulat sa Bibliya. Dahil sa teoriya ng ebolusyon ni Darwin, itinuring ng maraming tao na isang alamat lamang ang kuwento tungkol kina Adan at Eva. Dahil dito, itinuturing ngayon ng maraming tao ang Bibliya na produkto lamang ng kaisipan at paniniwala ng mga manunulat nito at hindi mula sa Diyos.

Ano ang nangyari sa doktrina tungkol sa minanang kasalanan? Kaya kung ang mga nagsisimba ay nahikayat na maniwalang sina Adan at Eva ay hindi talaga umiral, makatuwiran nga nilang isipin na wala silang minanang kasalanan. Kahit na tanggap ng ilan na ang mga tao ay ipinanganak na makasalanan, itinuturing lamang nila ang konsepto ng minanang kasalanan bilang paliwanag sa di-kasakdalan ng tao.

Kung hindi totoo na nagmana tayo ng kasalanan kina Adan at Eva, kumusta naman ang kasalanang kusa nating ginagawa?

Talaga Bang Kasalanan Ito?

Kapag tinatanong ang mga tao kung ano ang itinuturing nilang kasalanan, naiisip ng marami ang Sampung Utos​—mga pagbabawal sa pagpatay, pagtataksil, kalaswaan, pagtatalik bago ang kasal, pagnanakaw, at iba pa. Itinuturo ng simbahan na kapag namatay ang isang tao na hindi nagsisi sa gayong kasalanan, siya ay walang-hanggang pahihirapan sa maapoy na impiyerno. *

Para hindi ito sapitin ng isa, hinihiling ng Simbahang Katoliko na mangumpisal siya sa pari na sinasabing may kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Gayunman, para sa maraming Katoliko, ang pangungumpisal, pagpapatawad, at pagpepenitensiya ay makaluma na. Halimbawa, ipinakikita ng isang surbey kamakailan na hindi na nangungumpisal ang mahigit 60 porsiyento ng mga Katoliko sa Italya.

Maliwanag na ang konsepto ng kasalanan at ang mga bunga nito​—gaya ng paliwanag ng mga simbahan​—ay hindi nakatulong sa mga tao na huwag gumawa ng kasalanan. Maraming nagsisimba ang hindi na naniniwala na talagang mali ang lahat ng bagay na itinuturing na kasalanan. Halimbawa, ikinakatuwiran ng ilan na kung magtatalik ang dalawang nasa edad na at wala naman silang ibang masasaktan, ano ang masama roon?

Marahil ganito ang pangangatuwiran nila dahil hindi sila kumbinsido sa itinuro sa kanila tungkol sa kasalanan. Oo, marami ang nahihirapang tanggapin na parurusahan magpakailanman ng isang maibiging Diyos ang mga makasalanan sa maapoy na impiyerno. Maaaring ito ang dahilan kung bakit hindi na gaanong sineseryoso ang “kasalanan.” Pero may iba pa rin namang mga dahilan.

Kinalimutang mga Pamantayan

Ang mga pangyayari sa nakalipas na ilang siglo ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa lipunan at sa kaisipan ng mga tao. Pinag-aalinlanganan ng marami ang kahalagahan ng kinamulatang mga pamantayan dahil na rin sa dalawang digmaang pandaigdig, di-mabilang na iba pang mga digmaan, at lansakang pagpatay ng mga lahi. Itinatanong nila, ‘May halaga pa ba sa ating makabagong panahon ang mga pamantayang itinakda daan-daang taon na ang nakalipas at wala namang kinalaman sa ating modernong pamumuhay?’ Para sa mga rasyonalista at moralista, wala na itong halaga. Naniniwala sila na kailangan nang kalimutan ng lipunan ang ilang pamantayan sa moral at pamahiin para maabot ng mga tao ang sukdulan ng kanilang kakayahan sa pamamagitan ng edukasyon.

Ang ganitong kaisipan ay lalo lamang nagpalayo sa mga tao sa Diyos. Sa maraming lupain sa Europa, iilan lamang ang nagsisimba. Dumarami ang wala nang pinaniniwalaan, at marami pa nga ang galít sa mga turo ng simbahan na itinuturing nilang kakatwa. Kung ang mga tao ay produkto lamang ng ebolusyon, ang katuwiran nila, bakit pa kailangang pag-isipan kung ano ang tama o mali?

Kasama sa mga resulta ng maluwag na moralidad sa Kanluran noong ika-20 siglo ang tinatawag na “sexual revolution.” Ang mga protesta ng estudyante, mga kilusan tungkol sa kakaibang kultura, at paggamit ng mga kontraseptibo ay mga dahilan din kung bakit kinalimutan na ng mga tao ang kinamulatan nilang pamantayan. Di-nagtagal, tinanggihan na rin nila ang mga pamantayan ng Bibliya. Itinaguyod ng bagong henerasyon ang isang bagong moralidad at isang bagong saloobin tungkol sa kasalanan. Mula noon, ang sabi ng isang manunulat, “ang tanging batas ay ang batas ng pag-ibig”​—na karaniwang ikinakatuwiran sa bawal na pagtatalik.

Mga Relihiyong Kumikiliti sa Tainga

Ganito ang prangkahang sinabi ng magasing Newsweek tungkol sa sitwasyon sa Estados Unidos: “Iniisip ng maraming klero na pagbigyan ang kanilang mga miyembro dahil sa kompetensiya.” Natatakot sila na kung marami silang pamantayang ipasusunod sa kanilang mga miyembro, iiwan sila ng mga ito. Ayaw marinig ng mga tao na dapat silang magpakumbaba, magkaroon ng disiplina sa sarili, at maging mabuti o na dapat nilang pakinggan ang sinasabi ng kanilang budhi at magsisi sa kanilang mga kasalanan. Kaya itinataguyod ng maraming simbahan ang tinatawag ng Chicago Sun-Times na “nakakagaan ng loob, kapaki-pakinabang sa lahat, at ‘maka-ako’ pa ngang mensaheng Kristiyano [anupat] binabale-wala ang ebanghelyo.”

Dahil dito, naglitawan ang mga relihiyong bumuo ng kanilang sariling konsepto tungkol sa Diyos. Itinampok din ng mga relihiyong ito ang tao at kung paano siya magkakaroon ng higit na pagtitiwala sa sarili sa halip na ang Diyos at kung ano ang hinihiling niya sa atin. Ang kanilang tanging tunguhin ay pagbigyan ang pangangailangan ng kanilang mga miyembro. Ang resulta? Isang relihiyon na walang doktrina. “Ano na ang papalit sa dating pamantayang moral ng mga Kristiyano?” ang tanong ng The Wall Street Journal. “Isang pamantayang moral na sapat na ang ‘maging mabait’ para mapatawad sa lahat ng kasalanan.”

Kaya ang naging resulta nito ay ang kaisipan na anumang relihiyong nagpapagaan ng iyong kalooban ay mabuti. Sinasabi ng The Wall Street Journal na ang sinumang may gayong pangmalas ay “maaaring maging miyembro ng anumang relihiyon, basta’t walang masyadong pamantayang ipinasusunod sa kanila​—nakikisimpatiya pero hindi nanghuhusga.” At tinatanggap naman ng mga relihiyon ang mga tao “kung ano sila mismo,” nang walang anumang pamantayan na hinihiling sa kanila.

Maaaring ipaalaala ng mga nabanggit sa mga mambabasa ng Bibliya ang hula na isinulat ni apostol Pablo noong unang siglo C.E.: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan.”​—2 Timoteo 4:3, 4.

Ipinapahamak ng mga lider ng relihiyon ang kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa kasalanan at ‘pagkiliti’ sa tainga ng mga ito sa pagsasabi ng kung ano ang gusto nilang marinig sa halip na kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Iyon ay mali at mapanganib. Pinipilipit nito ang isa sa mga pangunahing turo ng Kristiyanismo. Mahalagang bahagi ng mabuting balita na itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang tungkol sa kasalanan at kapatawaran. Para malaman ito, hinihimok ka naming basahin ang susunod na artikulo.

[Mga talababa]

^ par. 9 Maraming tao ang nalilito sa turo tungkol sa Limbo dahil wala naman ito sa Kasulatan. Kaya ang turong ito ay inalis sa bagong katesismo ng Katoliko. Tingnan ang kahon na “Isang Turo na Inalis ng Simbahan,” sa pahina 10.

^ par. 14 Hindi itinuturo ng Bibliya ang paniniwala tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap sa maapoy na impiyerno. Para sa detalye, tingnan ang kabanata 6, “Nasaan ang mga Patay?,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 7]

Ang mga relihiyong kumikiliti sa tainga ay hindi nagbubunga ng mabuti

[Kahon sa pahina 6]

Kasalanan? “Hindi Na Ngayon”

▪ “Isa sa pinakamalaking problema ng simbahan ngayon ay ang isyung ito. Hindi na natin itinuturing ang ating sarili bilang ‘makasalanan’ na kailangan ng kapatawaran. Marahil ang kasalanan ay problema noon, pero hindi na ngayon. Kaya bagaman may solusyon ang simbahan para sa kasalanan, hindi ito problema ng karamihan sa mga Amerikano​—kung problema man ito, hindi ito seryoso.”​—John A. Studebaker, Jr., isang manunulat tungkol sa relihiyon.

▪ “Sinasabi ng mga tao: ‘Mataas ang pamantayan ko sa sarili at sa iba, pero alam ko na tao lang tayo kaya ang ginagawa ko lang ay ang makakaya ko.’ Humahanap tayo ng isang pamantayan na kaya nating sundin. . . . Pero binabale-wala naman natin ang mas mabibigat na isyu ng kasalanan.”​—Albert Mohler, presidente ng Southern Baptist Theological Seminary.

▪ “Ipinagmamalaki na ngayon ng mga tao ang dating itinuturing nilang kahiya-hiya [gaya ng pitong mortal na kasalanan]: hinihimok ng mga magulang [ang kanilang mga anak] na maging mapagmapuri para magkaroon ng kumpiyansa sa sarili; hiniling ng isang grupo ng mga kusinerong Pranses sa Vatican na huwag ituring na kasalanan ang katakawan. Dahil sa inggit, gustung-gustong basahin ng mga tao ang tabloid para malaman ang nangyayari sa mga artista. Ang mga advertisement ay nagtutulak sa mga tao na magkaroon ng labis na pagnanasang bumili; normal lamang na magalit ang isa kapag naaagrabiyado. Kadalasan, gusto ko lang na maging tamad.”​—Nancy Gibbs, ng magasing Time.

[Larawan sa pahina 5]

Itinuturing ng marami sa ngayon ang kuwento tungkol kina Adan at Eva bilang alamat