Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Hindi Nakisali si Jesus sa Pulitika?

Bakit Hindi Nakisali si Jesus sa Pulitika?

Bakit Hindi Nakisali si Jesus sa Pulitika?

ILARAWAN sa isip ang nangyari noong 32 C.E. Takip-silim na noon. Si Jesus, ang inihulang Mesiyas, ay kilalang-kilala na sa pagpapagaling ng mga maysakit at maging sa pagbuhay ng mga patay. Ngayon naman, humanga ang libu-libo sa kaniyang mga himala at mga turo mula sa Diyos. Pagkatapos, pinagpangkat-pangkat niya ang nagugutom na mga tao, nanalangin kay Jehova, at makahimalang pinakain ang lahat. Tinipon niya ang mga natira para walang masayang. Ano ang reaksiyon ng mga tao?​—Juan 6:1-13.

Nang makita nila ang mga himala ni Jesus at ang kaniyang kahusayan sa pangangasiwa at sa paglalaan ng pangangailangan nila, naisip nilang magiging magaling na hari si Jesus. (Juan 6:14) Hindi naman ito kataka-taka dahil kailangang-kailangan nila ng isang mabuti at mahusay na pinuno; ang kanilang minamahal na bayan ay nasa ilalim ng mapaniil na mga dayuhan. Kaya pinilit nila si Jesus na sumali sa pulitika. Tingnan natin ang kaniyang reaksiyon.

“Si Jesus, sa pagkaalam na papalapit na sila at aagawin siya upang gawin siyang hari, ay muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok,” ang ulat ng Juan 6:15. Desidido si Jesus. Tumanggi siyang makisali sa pulitika ng kaniyang sariling bayan at hindi kailanman nagbago ang kaniyang pasiya. Sinabi niyang gayundin ang gagawin ng kaniyang mga tagasunod. (Juan 17:16) Bakit gayon ang pasiya niya?

Bakit Pinili ni Jesus na Maging Neutral?

Ang pagiging neutral ni Jesus sa pulitika ay matibay na nakasalig sa Kasulatan. Tingnan natin ang dalawa lang sa mga simulaing makikita rito.

“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Iyan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasaysayan ng pamamahala ng tao. Tandaan, si Jesus ay matagal nang umiral sa langit bilang isang espiritu bago pa naparito sa lupa bilang tao. (Juan 17:5) Kaya alam niya na gaanuman kabuti ang intensiyon ng tao, hindi nito kayang ibigay ang lahat ng pangangailangan ng bilyun-bilyon; ni nilikha man ng Diyos ang tao para gawin iyon. (Jeremias 10:23) Alam ni Jesus na ang solusyon sa problema ng sangkatauhan ay wala sa kamay ng gobyerno ng tao.

“Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” samakatuwid nga, si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Hindi makapaniwala rito ang marami. Ganiyan ka rin ba? Naiisip kasi nila ang taimtim na mga taong sumasali sa pulitika dahil gusto ng mga ito na maging mas mabuti at mas ligtas ang daigdig. Pero gaanuman kalaki ang pagsisikap ng taimtim na mga pinunong ito, hindi pa rin nila madaraig ang impluwensiya ng isa na tinawag ni Jesus na “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 14:30) Kaya sinabi ni Jesus sa isang pulitiko: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Si Jesus ang magiging Hari sa gobyerno ng Diyos sa langit. Kung nakisali siya sa pulitika, maikokompromiso niya ang kaniyang katapatan sa pamahalaan ng kaniyang Ama.

Gayunman, itinuro ba ni Jesus na wala nang obligasyon sa mga pamahalaan ng tao ang kaniyang mga tagasunod? Ang totoo, tinuruan niya sila na maging timbang sa kanilang mga obligasyon sa Diyos at sa pamahalaan.

Iginalang ni Jesus ang Awtoridad ng Pamahalaan

Habang nagtuturo sa templo, sinubok si Jesus ng mga mananalansang. Tinanong nila siya kung dapat bang magbayad ng buwis ang mga tao. Kung sasagot si Jesus ng hindi, maaari siyang ituring na mapaghimagsik at baka lumakas pa nga ang loob ng mga naaapi na maghimagsik sa mapaniil na pamamahala ng Roma. Pero kung sasagot naman siya ng oo, baka isipin ng marami na kinakampihan niya ang mga umaapi sa kanila. Napakaganda ng sagot ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Lucas 20:21-25) Kaya ang mga tagasunod ni Jesus ay may obligasyon sa Diyos at kay Cesar​—samakatuwid nga, sa gobyerno ng tao.

Sa paanuman, napananatili ng mga pamahalaan ang kaayusan. Kaya may karapatan silang hilingin sa mga tao na maging tapat, magbayad ng buwis, at sumunod sa batas. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa pagbabayad ‘kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar’? Si Jesus ay pinalaki ng mga magulang na sumusunod sa batas kahit na kung minsan ay mahirap sa kanila na gawin ito. Halimbawa, si Jose at ang nagdadalang-tao niyang asawa na si Maria ay naglakbay nang mga 150 kilometro papuntang Betlehem nang ipag-utos ng pamahalaan ng Roma ang isang sensus. (Lucas 2:1-5) Tulad nila, sumusunod din si Jesus sa batas. Nagbayad pa nga siya ng buwis na hindi naman niya dapat bayaran. (Mateo 17:24-27) Hindi rin niya ginamit ang kaniyang awtoridad para manghimasok sa mga bagay-bagay. (Lucas 12:13, 14) Kaya masasabi nating iginalang ni Jesus ang pamahalaan ng tao bagaman ayaw niyang magkaroon ng bahagi rito. Ano naman ang ibig sabihin ng pagbabayad ‘sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos’?

Kung Paano Ibinigay ni Jesus “sa Diyos ang mga Bagay na sa Diyos”

Minsan, may nagtanong kay Jesus kung ano ang pinakadakilang utos ng Diyos sa mga tao. Sumagot siya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mateo 22:37-39) Itinuro ni Jesus na sa pagbabayad ‘sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos,’ ang pangunahing dapat nating ibigay sa Kaniya ay pag-ibig. Nasasangkot dito ang ating buong-puso at lubos na katapatan sa Diyos.

Puwede bang mahati ang gayong pag-ibig? Maaari bang mahati ang ating katapatan sa gobyerno ng Diyos na Jehova at sa gobyerno ng tao? Sinabi mismo ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa.” (Mateo 6:24) Ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang paglilingkod sa Diyos at sa kayamanan. Pero alam niyang kapit din ang simulaing ito sa pagsali sa pulitika​—gaya ng alam ng mga tagasunod niya noong unang siglo.

Ipinakikita ng pinakamatatandang ulat na hindi nakibahagi sa pulitika ang mga tagasunod ni Jesus noon. Dahil ang tanging sinasamba nila ay ang Diyos na sinasamba ni Kristo, sila ay hindi nanumpa ng katapatan sa Roma at sa emperador nito, hindi naglingkod sa militar, at hindi tumanggap ng puwesto sa gobyerno. Kaya naranasan nila ang lahat ng uri ng pagsalansang. Minsan nga ay inakusahan pa silang napopoot sa mga tao. Totoo ba ang paratang na iyan?

Nagmamalasakit sa mga Tao ang mga Tunay na Kristiyano

Alalahanin ang sinabi ni Jesus na ikalawa sa pinakadakilang utos ng Diyos​—“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Oo, ang mga tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi napopoot sa mga tao. Mahal ni Jesus ang mga tao. Nagsakripisyo siya para sa kanila, tinugunan ang kanilang pangangailangan, at tinulungan pa sila maging sa maliliit na problema.​—Marcos 5:25-34; Juan 2:1-10.

Gayunman, saan pangunahing nakilala si Jesus? Hindi sa pagpapagaling ng maysakit, sa pagpapakain ng libu-libo, ni sa pagbuhay sa mga patay​—bagaman talagang ginawa niya ang lahat ng ito. Nakilala siya bilang Guro, at tama lang naman. (Juan 1:38; 13:13) Sinabi ni Jesus na isa sa pangunahing dahilan kung bakit siya naparito sa lupa ay upang turuan ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos.​—Lucas 4:43.

Iyan ang dahilan kung bakit naging abalá rin ang tunay na mga tagasunod ni Kristo sa pagtuturo sa mga tao ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inutusan ni Jesu-Kristo ang lahat ng tunay na Kristiyano na ituro ang mensaheng ito sa mga tao sa buong daigdig. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang makalangit na kahariang iyan, na hindi kailanman madurungisan, ay mamamahala sa lahat ng nilalang ng Diyos, salig sa kautusan ng pag-ibig. Isasakatuparan nito ang layunin ng Diyos, at aalisin maging ang pagdurusa at kamatayan. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Tama lang na tawagin ng Bibliya ang mensahe ni Kristo na “mabuting balita”!​—Lucas 8:1.

Kaya kung hinahanap mo ang tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo sa ngayon, paano mo sila makikilala? Nakikisali kaya sila sa pulitika? O gaya ni Jesus ay ginagawa rin nilang pangunahin sa kanilang buhay ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos?

Gusto mo bang makaalam nang higit tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung paano ito makakaapekto sa iyong buhay ngayon? Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o pumunta sa kanilang opisyal na Web site na www.watchtower.org.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 24, 25]

Tumutulong ba sa Komunidad ang mga Saksi ni Jehova?

Neutral ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa pulitika. Pero abalá sila sa pagtulong sa mga tao na may iba’t ibang lahi at pinagmulan. Narito ang ilang patunay:

▪ May mahigit pitong milyong boluntaryong Saksi ni Jehova na gumugugol ng mahigit 1.5 bilyong oras taun-taon sa pagtuturo sa mga tao ng mensahe ng Bibliya at kung paano ito tutulong sa kanila na mapagtagumpayan ang mga bisyo at masasamang gawain, makabuo ng maliligayang pamilya, at maging higit na kasiya-siya ang buhay.

▪ Naglalathala sila at namamahagi ng mga literatura nang walang bayad sa mahigit 500 wika, pati na sa mga wikang wala pang ibang nailathalang babasahin.

▪ Mayroon silang mga kurso sa pagsasalita sa publiko na tumutulong sa milyun-milyon na makipag-usap sa iba sa malinaw at mataktikang paraan.

▪ Mayroon silang programa ng pagtuturo na nakatulong sa libu-libong tao sa buong daigdig na matutong bumasa’t sumulat.

▪ Nag-organisa sila ng mahigit 400 Regional Building Committee sa buong daigdig na nagsasanay ng mga boluntaryo para sa konstruksiyon ng mga gusaling gagamitin sa pagtuturo ng Bibliya. Nitong nakalipas na dekada, mahigit nang 20,000 bahay ng pagsamba, o Kingdom Hall, ang naitayo.

▪ Nakikibahagi sila sa pamamahagi ng relief sa buong daigdig, kapuwa sa mga Saksi at di-Saksi. Matapos ang sunud-sunod na paghagupit ng bagyo sa Estados Unidos, ang mga boluntaryong Saksi ay nakapagtayong muli ng mahigit 90 Kingdom Hall at 5,500 bahay sa loob ng dalawang taon.

[Larawan sa pahina 23]

Nang pilitin ng mga tao si Jesus na sumali sa pulitika, umalis siya na “nag-iisa patungo sa bundok”