Apat na Tanong Tungkol sa Wakas—Nasagot
Apat na Tanong Tungkol sa Wakas—Nasagot
INIHULA ni Jesu-Kristo na sa isang takdang panahon, “darating ang wakas.” Ganito niya inilarawan ang panahong iyon: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”—Mateo 24:14, 21.
Ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa wakas, pati na ng iba pang teksto sa Bibliya sa paksang ito, ay nagbabangon ng maraming mahahalagang tanong. Bakit hindi mo basahin ang Bibliya at tingnan ang sagot nito sa mga tanong na iyon?
1 Ano ang Magwawakas?
Hindi itinuturo ng Bibliya na gugunawin ang literal na lupa. “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito,” ang isinulat ng salmista. “Hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Hindi rin itinuturo ng Bibliya na susunugin ang buong lupa kasama ang lahat ng nabubuhay rito. (Isaias 45:18) Si Jesus mismo ang nagsabi na may makaliligtas. (Mateo 24:21, 22) Kung gayon, ano ang sinasabi ng Bibliya na magwawakas?
Magwawakas ang bigong mga pamahalaan ng tao. Ipinasulat ng Diyos kay propeta Daniel: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Magwawakas ang digmaan at polusyon. Ganito inilalarawan ng Awit 46:9 ang gagawin ng Diyos: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.” Itinuturo din ng Bibliya na ‘ipapahamak ng Diyos ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Magwawakas ang krimen at kawalang-katarungan. Nangangako ang Salita ng Diyos: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung *—Kawikaan 2:21, 22.
tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”2 Kailan Darating ang Wakas?
Ang Diyos na Jehova ay may “takdang panahon” kung kailan niya wawakasan ang kasamaan at itatatag ang kaniyang Kaharian. (Marcos 13:33) Pero maliwanag na sinasabi ng Bibliya na hindi natin makakalkula ang espesipikong petsa ng kawakasan. Sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Gayunman, inihula ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang magiging kalagayan sa lupa bago pasapitin ng Diyos ang wakas. Malapit na ang wakas kapag ang lahat ng sumusunod na pangyayari ay sabay-sabay nang nagaganap sa buong lupa.
Walang-katulad na paglala ng sitwasyon sa pulitika, kapaligiran, at lipunan. Bilang sagot sa tanong ng mga alagad tungkol sa wakas, sinabi ni Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, magkakaroon ng mga lindol sa iba’t ibang dako, magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain. Ang mga ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Marcos 13:8) Isinulat ni apostol Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
Pandaigdig na kampanya ng pangangaral sa iba’t ibang wika. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
3 Ano ang Mangyayari Pagkatapos ng Wakas?
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng mabubuting tao ay aakyat sa langit upang mabuhay roon magpakailanman. Sa halip, itinuro ni Jesus na matutupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:5; 6:9, 10) Para naman sa mga namatay bago dumating ang wakas, may pangako ang Bibliya na pagkabuhay-muli sa hinaharap. (Job 14:14, 15; Juan 5:28, 29) Ano ang susunod na mangyayari?
Mula sa langit, mamamahala si Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Isinulat ni propeta Daniel: “Patuloy akong nagmasid sa mga pangitain sa gabi, at, hayun! dumarating na kasama ng mga ulap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao [ang binuhay-muling si Jesus]; at sa Sinauna sa mga Araw [Diyos na Jehova] ay nakaparoon siya, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At sa kaniya [kay Jesus] ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya. Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”—Daniel 7:13, 14; Lucas 1:31, 32; Juan 3:13-16.
Ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay magkakaroon ng sakdal na kalusugan, namamalaging katiwasayan, at buhay na walang hanggan. “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon,” ang isinulat ni propeta Isaias. “At tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.” Isaias 65:21-23) Tungkol sa panahong iyon, isinulat ni apostol Juan: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
(4 Ano ang Dapat Mong Gawin Para Maligtas?
Sinabi ni apostol Pedro na tutuyain ng ilan na nabubuhay sa panahon ng kawakasan ang ideya na makikialam ang Diyos sa mga gawain ng tao at wawakasan niya ang kasamaan sa lupa. (2 Pedro 3:3, 4) Gayunman, pinasisigla pa rin tayo ni Pedro na gawin ang sumusunod na mga hakbang.
Matuto sa nakaraan. Ang Diyos ay “hindi . . . nagpigil sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan, kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos,” ang isinulat ni Pedro. (2 Pedro 2:5) Kung tungkol sa mga nanunuya, sinabi ni Pedro: “Ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin, na may mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa * sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:5-7.
Mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga nagnanais makaligtas ay magsasagawa ng “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon,” ang isinulat ni Pedro. (2 Pedro 3:11) Pansinin na idiniin ni Pedro ang “banal na mga paggawi” at “mga gawa ng makadiyos na debosyon.” Kaya hindi sapat na basta sabihing may pananampalataya tayo o kaya’y manumbalik sa Diyos kung kailan malapit na malapit na ang wakas para lang maligtas.
Ano ba ang dapat gawin para maging katanggap-tanggap sa Diyos? Bakit hindi alamin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Hilingin sa kanila na ipakita mula sa iyong Bibliya ang sagot. Makatutulong ito sa iyo na maharap ang kinabukasan nang may lakas ng loob at pagtitiwala sa kabila ng takot na laganap sa ngayon.
[Mga talababa]
^ par. 8 Tingnan din ang artikulong “Ang Lahat ba ay May Pantay-pantay na Oportunidad na Makilala ang Diyos?” sa pahina 22 ng isyung ito.
^ par. 19 Tinukoy rito ni Pedro ang lupa sa makasagisag na paraan. Gayundin ang pagtukoy na ginawa ng manunulat ng Bibliya na si Moises. Isinulat niya: “Ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika.” (Genesis 11:1) Kung paanong hindi ang literal na lupa ang nagsasalita ng ‘isang wika,’ hindi rin naman ito ang wawasakin. Sa halip, gaya ng sinabi ni Pedro, ang mga taong di-makadiyos ang pupuksain.
[Blurb sa pahina 7]
Hindi ang lupa ang magwawakas kundi ang mga sumisira dito