Maging Malapít sa Diyos
“Buhatin Mo ang Iyong Anak”
NAPAKASAKIT mamatayan ng isang anak. Ngunit ang Diyos na Jehova ay may kapangyarihang alisin ang kamatayan. Totoo ito sapagkat noong panahon ng Bibliya, binigyan niya ng kapangyarihan ang ilang lalaki na bumuhay ng mga patay. Binabanggit sa 2 Hari 4:8-37 na binuhay-muli ni propeta Eliseo ang isang batang lalaki.
Nangyari ito sa lunsod ng Sunem. Isang napakabait na mag-asawa roon ang laging naglalaan kay Eliseo ng pagkain at tuluyan. Pero baog ang babae. Isang araw, sinabi ng propeta sa kaniya: “Sa takdang panahong ito sa susunod na taon ay yayakap ka ng isang anak na lalaki.” Hindi na inaasahan ng babae na magkakaanak pa siya, ngunit nagkatotoo ang sinabi ni Eliseo. Pero hindi nagtagal ang kaniyang kaligayahan. Makalipas ang ilang taon, sumakit nang matindi ang ulo ng bata habang nasa bukid. Iniuwi siya at namatay habang ‘nakaupo sa mga tuhod’ ng kaniyang ina. (Talata 16, 19, 20) Binuhat ng namimighating ina ang kaniyang munting anak at dahan-dahang inilagay sa higaan na kadalasang ginagamit ng propeta.
Pagkatapos magpaalam sa kaniyang asawa, dali-daling naglakbay ang babae nang mga 30 kilometro patungo sa Bundok Carmel para puntahan si Eliseo. Nang magkita sila, hindi siya humagulhol o umiyak o nagpakita ng labis na kalungkutan. Dahil kaya sa nabalitaan niyang binuhay-muli ni Elias, na hinalinhan ni Eliseo, ang anak na lalaki ng isang biyuda? (1 Hari 17:17-23) Naniniwala kaya ang Sunamita na magagawa rin iyon ni Eliseo sa kaniyang anak? Anuman ang dahilan, ayaw niyang umuwi nang hindi kasama si Eliseo.
Pagdating sa Sunem, mag-isang pumasok si Eliseo sa silid na kadalasang tinutuluyan niya at naroon ang patay na bata “sa kaniyang higaan.” (Talata 32) Matinding nagsumamo ang propeta kay Jehova. Pagkatapos, habang hawak ni Eliseo ang bata, ‘ang laman nito ay unti-unting uminit.’ Muling nabuhay ang bata! Ipinatawag ni Eliseo ang ina at sinabi sa kaniya ang mga salitang tiyak na pumawi sa kaniyang kalungkutan at nagdulot ng walang-kahulilip na kaligayahan: “Buhatin mo ang iyong anak.”—Talata 34, 36.
Ang ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ng anak ng babaing Sunamita ay nagbibigay ng pag-asa at kaaliwan. Nauunawaan ni Jehova ang pamimighati ng mga magulang na namatayan ng anak. Higit pa riyan, nasasabik siyang buhaying muli ang mga patay. (Job 14:14, 15) Ang mga pagbuhay-muli na ginawa ni Eliseo at ng iba pa noong panahon ng Bibliya ay patikim lang ng gagawin ni Jehova sa kaniyang darating na matuwid na bagong sanlibutan. *
Hindi naman maaalis ng pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli ang kirot na dulot ng pagkamatay ng isang minamahal. Isang tapat na lalaking Kristiyano na namatayan ng kaniyang nag-iisang anak ang nagsabi: “Lubusan lamang mawawala ang kirot na nadarama ko kapag muli ko nang nayakap ang aking anak.” Isip-isipin na makakasama at mayayakap mong muli ang namatay mong mga mahal sa buhay. Matutulungan ka nitong maibsan ang kirot na iyong nadarama. Gusto mo bang matuto nang higit tungkol sa Diyos na nagbibigay sa atin ng napakagandang pag-asang ito?
[Talababa]
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.