Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula Kay Jesus
Kung Paano Magiging Maligaya
Ano ang susi sa kaligayahan?
▪ Unang binanggit ni Jesus ang tungkol sa kaligayahan sa kaniyang pinakakilalang sermon. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ano ang ibig niyang sabihin? Ano ang ating espirituwal na pangangailangan?
Para mabuhay, kailangan natin ng hangin, tubig, at pagkain, gaya ng mga hayop. Pero upang maging maligaya, mayroon tayong pangangailangan na wala sa hayop—ang pangangailangang maunawaan ang layunin ng buhay. Tanging ang Maylalang ang makapaglalaan nito. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan sapagkat nagiging malapít sila kay Jehova, ang “maligayang Diyos,” at may ibinibigay siya sa kanila na napakahalaga para maging maligaya—pag-asa.—1 Timoteo 1:11.
Paano nagbigay si Jesus ng pag-asa?
▪ “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:5) Nagbigay si Jesus ng pag-asa sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagbuhay-muli sa mga patay. May dala rin siyang mensahe ng pag-asa: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ang mga taong sumusunod sa Diyos ay mabubuhay nang walang hanggan sa lupa. Nakikini-kinita mo ba ang iyong sarili na hindi na tumatanda at kasama ng mga taong mahinahon? Hindi kataka-takang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Magsaya kayo sa pag-asa.” (Roma 12:12) Sinabi rin ni Jesus kung paano magiging maligaya sa ngayon.
Paano magiging maligaya ang isa ayon kay Jesus?
▪ Nagpayo si Jesus tungkol sa personal na mga ugnayan, pag-aasawa, kapakumbabaan, at tamang pangmalas sa materyal na mga bagay. (Mateo 5:21-32; 6:1-5, 19-34) Ang pagsunod sa kaniyang mga payo ay tutulong sa iyo na maging maligaya.
Maligaya ang nagbibigay. (Gawa 20:35) Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.” (Lucas 14:13, 14) Nagiging maligaya ang isa, hindi sa pag-una sa kaniyang sarili, kundi sa pagtulong sa iba na maging maligaya.
Ano ang talagang magpapaligaya sa atin?
▪ Magiging maligaya tayo sa paggawa ng mga bagay para sa ibang tao, pero ang paggawa ng mga bagay para sa Diyos ang mas magpapaligaya sa atin. Hindi maihahambing dito kahit ang kaligayahang nadarama ng mga magulang na nagmamahal sa kanilang mga anak. Makikita ito sa sinabi ni Jesus nang minsang magturo siya sa mga tao. “Isang babae mula sa pulutong ang naglakas ng kaniyang tinig at nagsabi sa kaniya: ‘Maligaya ang bahay-bata na nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan!’ Ngunit sinabi niya: ‘Hindi, sa halip, Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!’”—Lucas 11:27, 28.
Si Jesus ay nasiyahan at naging maligaya sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama sa langit. Kalooban ng Diyos na malaman ng mga tao ang pag-asang buhay na walang hanggan. Minsan, matapos ipaliwanag ang pag-asang ito sa isang taong interesado sa kaniyang mensahe, sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 4:13, 14, 34) Madarama mo rin ang kaligayahan sa paggawa ng bagay na nakalulugod sa Diyos kung sasabihin mo sa iba ang katotohanan mula sa Bibliya.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 1 ng aklat na ito, Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 16]
Magiging tunay na maligaya tayo kung masasapatan ang ating pangangailangan na maunawaan ang layunin ng buhay