Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Ang Lahat ba ay May Pantay-pantay na Oportunidad na Makilala ang Diyos?

Ang Lahat ba ay May Pantay-pantay na Oportunidad na Makilala ang Diyos?

Nang tanungin si Jesus kung alin ang pinakadakilang utos, sinabi niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Pero para magawa ito ng mga tao, kailangan muna nilang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos. (Juan 17:3) Ang lahat ba ay may pantay-pantay na oportunidad na magkaroon ng kaalamang ito?

Ang Bibliya ang pangunahing pinagmumulan ng kaalaman sa Diyos. (2 Timoteo 3:16) Maraming tao ang nakatira sa mga lugar kung saan madaling makakuha ng Bibliya. Baka paulit-ulit na rin silang naanyayahang mag-aral ng Bibliya para magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos. (Mateo 28:19) Ang ilan naman ay pinalaki ng kanilang maibiging mga magulang na Kristiyano, na nagtuturo sa kanila araw-araw tungkol sa Diyos.​—Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 6:4.

Pero hindi ganiyan ang kalagayan ng iba. Ang ilan ay lumaki sa mapang-abusong pamilya at hindi pinagpakitaan ng pagmamahal ng magulang. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya baka mahirap para sa kanila na ituring ang Diyos na isang maibiging Ama sa langit. Marami ang di-gaanong nakapag-aral, kaya nahihirapan silang basahin ang Bibliya. Ang kaisipan naman ng iba ay binulag ng huwad na turo ng mga relihiyon. (2 Corinto 4:4) Ang ilan ay bahagi ng pamilya, pamayanan, o bansa na ayaw tumanggap ng katotohanan sa Bibliya. Wala na bang pagkakataon ang gayong mga tao na makilala at ibigin ang Diyos?

Alam ni Jesus na magiging mahirap para sa ilan na ibigin at sundin ang Diyos. (Mateo 19:23, 24) Pero ipinaalaala niya sa kaniyang mga alagad na kahit may mga hadlang na waring hindi kayang mapagtagumpayan ng tao, “sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”​—Mateo 19:25, 26.

Pag-isipan ang sumusunod: Tiniyak ng Diyos na Jehova na ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ang pinakamalawak na maipamamahaging aklat sa lahat ng panahon. Inihula ng Bibliya na ang mabuting balita tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin sa lupa ay ipangangaral sa “buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Sa ngayon, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balitang iyan sa mahigit 230 lupain at naglalathala sila ng mga literaturang salig-Bibliya sa mga 500 wika. Kahit ang mga hindi nakababasa ng Bibliya ay maaari pa ring matuto tungkol sa tunay na Diyos sa pagmamasid sa mga bagay na kaniyang ginawa.​—Roma 1:20.

Karagdagan pa, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos. Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Bagaman hindi ipinangangako ni Jehova na ang bawat isa ay may pantay-pantay na oportunidad, tinitiyak niya na ang lahat ng tapat-pusong tao ay magkakaroon ng pagkakataong matuto tungkol sa kaniya. Sisiguraduhin pa nga niyang ang mga namatay nang hindi nakakakilala sa kaniya ay magkakaroon din ng pagkakataon sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa isang matuwid na bagong sanlibutan.​—Gawa 24:15.