Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
May kamag-anak ba si Jesus sa 12 apostol?
▪ Walang tiyak na sagot dito ang Kasulatan. Pero may mga ebidensiyang nagpapahiwatig na kamag-anak ni Jesus ang ilan sa 12 apostol.
Binanggit ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang pangalan ng mga babaing nagmamasid kay Jesus sa pahirapang tulos. Tinukoy sa Juan 19:25 ang apat sa kanila: “Ang kaniyang ina [si Maria] at ang kapatid na babae ng kaniyang ina; si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria Magdalena.” Kung ihahambing ito sa ulat nina Mateo at Marcos sa pangyayaring ito, lumilitaw na ang kapatid ng ina ni Jesus ay si Salome at na siya rin ang ina ng mga anak ni Zebedeo. (Mateo 27:55, 56; Marcos 15:40) Kaya ang mga anak ni Salome, na tinukoy sa ibang ulat na sina Santiago at Juan, ay pinsang buo ni Jesus. Inanyayahan ni Jesus ang mangingisdang magkapatid na ito na maging mga alagad niya.—Mateo 4:21, 22.
Ayon sa iba pang ulat na wala sa Bibliya, si Clopas, o Alfeo, ang asawa ng isa sa mga babaing nabanggit sa Juan 19:25, ay kapatid ni Jose na ama-amahan ni Jesus. Kung totoo ito, si Santiago na anak ni Alfeo, isa rin sa 12 apostol, ay pinsan din ni Jesus.—Mateo 10:3.
Kaanu-ano ni Jesus si Juan na Tagapagbautismo?
▪ Naniniwala ang ilan na sila ay magpinsang makalawa. Ito ay batay sa di-tumpak na salin sa Lucas 1:36. Halimbawa, sa King James Version, sinasabi sa talatang ito na magpinsan si Elisabet na ina ni Juan at si Maria na ina ni Jesus.
Gayunman, ang orihinal na salitang Griego na ginamit sa talatang ito ay hindi espesipiko. Ipinakikita lamang nito na ang dalawang babae ay magkamag-anak. Hindi nito tinukoy na magpinsan sila. Gaya nga ng sinasabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible, “masyadong malawak ang kahulugan ng salita para malaman kung ano talaga ang kaugnayan nila.” Kung gayon, saan nanggaling ang ideya na magpinsan sina Jesus at Juan? Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang lahat ng impormasyon namin tungkol sa . . . mga magulang ni Maria . . . ay galing sa apokripal na akda.”
Kaya masasabi nating malayong magkamag-anak sina Jesus at Juan, bagaman hindi tinukoy na sila ay magpinsang makalawa.