Bakit Gumagawa ng Masama ang mga Tao?
Bakit Gumagawa ng Masama ang mga Tao?
SASANG-AYON ang karamihan sa bagay na ito: Lahat tayo ay di-perpekto kaya nagkakamali tayo at nakagagawa ng mga bagay na pinagsisisihan natin. Gayunman, iyan ba talaga ang dahilan kung bakit nakagagawa ang mga tao ng masasamang bagay, na halos araw-araw nating naririnig o nakikita sa mga balita o nasasaksihan pa nga?
Kahit na di-perpekto, alam ng mga tao na may mga pamantayang moral na hindi dapat labagin at na may kakayahan silang umiwas sa masasamang gawain. Sasang-ayon ang marami na magkaiba ang di-sinasadyang pagsasabi ng hindi totoo at ang tahasang paninirang-puri, ang aksidente at ang pinagplanuhang pagpatay. Kadalasan, mga karaniwang tao pa ang gumagawa ng nakagigimbal na mga krimen. Bakit? Bakit gumagawa ng masama ang mga tao?
Sinasagot ng Bibliya ang tanong na ito. Malinaw nitong tinutukoy ang pangunahing mga dahilan kung bakit ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay na alam nilang masama. Tingnan natin ang sinasabi nito.
▪ “Dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.”—ECLESIASTES 7:7.
Sinasabi ng Bibliya na kung minsan, ang mga tao ay nadadala lang ng pagkakataon kung kaya sila nakagagawa ng mga bagay na hindi naman nila karaniwang ginagawa. Ang ilan ay gumagawa pa nga ng krimen dahil iniisip nilang solusyon ito sa kahirapan at kawalang-katarungan. “Kadalasan,” ang sabi ng aklat na Urban Terrorism, “nagiging terorista ang isa dahil desperado siyang baguhin ang kalakaran sa pulitika, lipunan, at ekonomiya.”
▪ “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.”—1 TIMOTEO 6:10, ANG BIBLIA—BAGONG SALIN SA PILIPINO.
May kasabihan na “Ang bawat tao ay may katapat na halaga.” Ibig sabihin, handang labagin kahit ng mabubuting tao ang kanilang mga pamantayang moral kapag nasusuhulan. May ilan na mukha namang palakaibigan at mabait, pero lumalabas ang tunay na kulay kapag pera na ang pinag-uusapan. Isipin ang maraming krimeng nag-uugat sa kasakiman—pamba-blackmail, pangingikil, pandaraya, pagkidnap, at pagpatay pa nga.
▪ “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.”—ECLESIASTES 8:11.
Idiniriin ng tekstong iyon ang kaisipan ng tao na malulusutan niya ang anumang bagay kapag walang nagmamasid. Totoo ito sa mga kaskaserong drayber, estudyanteng nandaraya sa exam, kurakot sa gobyerno, at iba pang mas malala rito. Kapag hindi mahigpit na ipinatutupad ang batas o ang mga tao ay hindi natatakot na mahuli, lumalakas ang loob ng mga dating masunurin sa batas na gawin ang mga bagay na hindi nila karaniwang ginagawa. “Dahil hindi naparurusahan ang mga kriminal,” ang sabi ng magasing Arguments and Facts, “lumalakas ang loob ng mga karaniwang tao na gawin ang pinakabrutal na mga krimen.”
▪ “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”—SANTIAGO 1:14, 15.
Lahat ng tao ay puwedeng makapag-isip ng masama. Araw-araw, napauulanan tayo ng mga payo at tukso na gumawa ng masama. Noong panahon ng Bibliya, sinabihan ang mga Kristiyano: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao.” (1 Corinto 10:13) Magkagayunman, depende pa rin sa atin kung aalisin natin agad ang masamang kaisipan o patuloy itong pag-iisipan at hahayaang lumago. Ang teksto mula sa liham ni Santiago ay nagbababala na kung hahayaan ng isa na ‘maglihi’ ang masamang pagnanasa, tiyak na makagagawa siya ng masama.
▪ “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—KAWIKAAN 13:20.
Malaki ang impluwensiya sa atin ng ating mga kasama—sa ikabubuti man o ikasasama. Kadalasan, dahil sa panggigipit ng masasamang kasama, nagagawa ng mga tao ang mga bagay na hindi naman sana nila gagawin. Sa Bibliya, ang “mga hangal” ay tumutukoy, hindi sa mga taong di-matalino, kundi sa mga nagwawalang-bahala sa matalinong payo ng Salita ng Diyos. Bata man tayo o matanda, kung hindi tayo magiging matalino sa pagpili ng ating mga kaibigan at kasama ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, “mapapariwara” tayo.
Ipinaliliwanag ng mga tekstong ito at ng iba pang talata sa Bibliya kung bakit ang mga tao—mga karaniwang tao pa nga—ay gumagawa ng masama, maging ng nakagigimbal na bagay. Pero makaaasa kaya tayo na mababago pa ang mga kalagayan? Oo, dahil ipinangangako rin ng Bibliya na magwawakas ang gayong mga bagay. Ano ang mga pangakong ito? Talaga kayang magwawakas ang kasamaan sa daigdig? Sasagutin ito ng susunod na artikulo.