Hinihiling ba ng Diyos na Ipagtapat Mo ang Iyong mga Kasalanan?
Hinihiling ba ng Diyos na Ipagtapat Mo ang Iyong mga Kasalanan?
Noon pa man, ang pangungumpisal sa isang pari o ministro ay bahagi na ng ritwal at pagsamba ng maraming relihiyon. Pero dahil napakaluwag na ngayon ng pamantayan ng ating lipunan, kailangan pa nga bang ipagtapat ang ating mga kasalanan?
IBA-IBA ang pananaw ng mga tao tungkol dito. Halimbawa, iniulat ng National Post ng Canada ang isang taong umamin na bagaman mahirap sabihin sa iba ang nagawa mong kasalanan, “gumagaan ang pakiramdam mo kapag may nasasabihan ka nito, kapag may magdadasal na kasama mo at magsasabi ng dapat mong gawin.” Sa kabaligtaran, sinipi naman ng aklat na Bless Me, Father, for I Have Sinned ang isang lalaki na nagsabi: “Ang pangungumpisal ang isa sa pinakanagpapahirap na ritwal ng Simbahan. Ginugulo nito ang isipan ng mga tao.” Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Makikita sa Kautusan na ibinigay ng Diyos sa Israel ang espesipikong mga tagubilin kung ano ang dapat gawin kapag nagkasala ang isa. Halimbawa, kapag ang isang tao ay nagkasala sa kaniyang kapuwa o kaya’y may nalabag na utos ng Diyos, kailangan niya itong ipagtapat sa isang hinirang na saserdote sa tribo ni Levi. Ito ang magbabayad-sala para sa kaniya sa pamamagitan ng paghahandog sa Diyos para sa kapatawaran ng kasalanan.—Levitico 5:1-6.
Pagkalipas ng ilang siglo, nang sawayin ni propeta Natan si Haring David dahil sa kaniyang kasalanan, ano ang naging reaksiyon ni David? Agad niyang inamin: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” (2 Samuel 12:13) Nagsumamo rin siya sa Diyos na pagpakitaan siya ng lingap. Ang resulta? Isinulat ni David: “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo sa wakas, at ang aking kamalian ay hindi ko pinagtakpan. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko ang tungkol sa aking mga pagsalansang kay Jehova.’ At pinagpaumanhinan mo ang kamalian ng aking mga kasalanan.”—Awit 32:5; 51:1-4.
Ang pagtatapat ng kasalanan ay kahilingan pa rin ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Hinimok ni Santiago, kapatid ni Jesus sa ina at isa sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa Jerusalem, ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Hayagang ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo ay mapagaling.” (Santiago 5:16) Ano ang kailangang ipagtapat ng mga Kristiyano, at kanino?
Ano ang Dapat Ipagtapat?
Araw-araw, maaaring magkasala sa isa’t isa ang di-perpektong mga tao dahil sa di-pinag-isipang kilos o pananalita. (Roma 3:23) Ibig bang sabihin, dapat nating ipagtapat sa isang taong may awtoridad ang bawat pagkakamali natin?
Bagaman nasasaktan ang Diyos sa bawat kasalanang nagagawa natin, maawain siya at inaalaala niyang hindi tayo perpekto dahil sa minanang kasalanan. Sinabi ng salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo, upang ikaw Awit 130:3, 4) Kaya ano ang dapat nating gawin kapag nagkasala tayo sa iba, kahit nang di-sinasadya? Alalahanin na kasama sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang kahilingang ito: “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat kami rin naman ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” (Lucas 11:4) Oo, patatawarin tayo ng Diyos kung lalapit tayo sa kaniya at hihingi ng tawad sa ngalan ni Jesus.—Juan 14:13, 14.
ay katakutan.” (Pansinin na sinabi rin ni Jesus na dapat nating patawarin ang mga “may utang sa [atin].” Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:32) Kung patatawarin natin ang kasalanan ng iba, makaaasa tayong patatawarin din tayo ng Diyos.
Kumusta naman ang malulubhang kasalanan gaya ng pagnanakaw, sinasadyang pagsisinungaling, seksuwal na imoralidad, paglalasing, at iba pa? Ang sinumang gumagawa nito ay lumalabag sa mga utos ng Diyos at sa gayo’y nagkakasala sa kaniya. Dapat ipagtapat ang gayong mga kasalanan.
Kanino Dapat Ipagtapat ang mga Kasalanan?
Ang tao ay hindi binigyan ng Diyos ng awtoridad na patawarin ang mga kasalanang ginawa sa Kaniya; Diyos lamang ang makagagawa nito. Malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, [ang Diyos] ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (1 Juan 1:9) Pero kanino dapat ipagtapat ang gayong mga kasalanan?
Dahil Diyos lamang ang puwedeng magpatawad, sa kaniya dapat ipagtapat ang kasalanan. Ganiyan ang ginawa ni David, gaya ng nabanggit kanina. Gayunman, ano ang magiging saligan ng Diyos para patawarin tayo? Sinasabi ng Bibliya: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova.” (Gawa 3:19) Oo, ang kapatawaran ay hindi lamang nakadepende sa pagkilala at pagtatapat ng isa sa kaniyang kasalanan, kundi sa pagsisikap niya rin na ihinto ang kaniyang maling gawain. Mahirap ito. Pero may tutulong sa iyo.
Alalahanin ang sinabi ng alagad na si Santiago: “Hayagang ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo ay mapagaling.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa.” (Santiago 5:16) Ang “taong matuwid” ay maaaring isa sa “matatandang lalaki ng kongregasyon” na binanggit ni Santiago sa talata 14. Sa kongregasyong Kristiyano, may “matatandang lalaki,” o hinirang na mga elder, na inatasang tulungan ang mga nagnanais na mapatawad ng Diyos. Oo, walang karapatan ang sinuman, maging ang ‘matatandang lalaking’ ito, na magpatawad ng kasalanan ng kanilang kapuwa laban sa Diyos. * Gayunman, sila ay kuwalipikadong sumaway at ibalik sa ayos ang isang taong nagkasala nang malubha, na tinutulungan siyang makita ang bigat ng kaniyang kasalanan at ang pangangailangan niyang magsisi.—Galacia 6:1.
Bakit Dapat Ipagtapat ang mga Kasalanan?
Malubha man o hindi ang kasalanan, nasisira ng taong gumawa nito ang kaugnayan niya sa kaniyang kapuwa at sa Diyos. Dahil dito, maaari siyang mabagabag. Iyan ang pagkilos ng budhi, na ibinigay sa atin ng Maylalang. (Roma 2:14, 15) Ano ang puwede nating gawin?
Makikita nating muli sa aklat ng Santiago ang nakapagpapatibay na sagot: “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo [sa espirituwal]? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.”—Santiago 5:14, 15.
May papel muling gagampanan ang matatandang lalaki, o mga elder, sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng kongregasyon. Ano ang dapat nilang gawin? Hindi sila basta makikinig sa ipinagtatapat na kasalanan. Sa halip, dahil may sakit sa espirituwal ang isa, higit pa ang kailangan nilang gawin para ‘mapagaling ang isa na may dinaramdam.’ Dalawang bagay ang binanggit ni Santiago.
Una, ang ‘pagpapahid ng langis.’ Tumutukoy ito sa kapangyarihang magpagaling ng Salita ng Diyos. Sinabi ni apostol Pablo na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso,” na tumatagos sa isip at puso ng isa. (Hebreo 4:12) Sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng Bibliya, matutulungan ng matatandang lalaki ang mga may sakit sa espirituwal na makita ang ugat ng problema at gumawa ng kinakailangang hakbang upang maituwid ang mga pagkakamali sa harap ng Diyos.
Ang ikalawa ay ang “panalangin ng pananampalataya.” Bagaman hindi mababago ng mga panalangin ng matatandang lalaki ang paglalapat ng Diyos ng katarungan, mahalaga ang mga panalanging ito sa Diyos na sabik magpatawad ng kasalanan salig sa haing pantubos ni Kristo. (1 Juan 2:2) Handa ang Diyos na tulungan ang sinumang makasalanan na tunay na nagsisisi at gumagawa ng “mga gawang angkop sa pagsisisi.”—Gawa 26:20.
Ang pagkakaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat ipagtapat ang nagawa nating kasalanan, sa kapuwa man o sa Diyos. Ipinakita ni Jesu-Kristo na dapat muna nating ayusin ang anumang problema sa ating kapuwa at makipagpayapaan sa kanila bago natin masamba ang Diyos nang may malinis na budhi. (Mateo 5:23, 24) Sinasabi ng Kawikaan 28:13: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” Kung magpapakababa tayo sa harap ng Diyos na Jehova at hihingi ng kapatawaran, sasang-ayunan niya tayo at itataas sa takdang panahon.—1 Pedro 5:6.
[Talababa]
^ par. 16 Iniisip ng ilan na ang sinabi ni Jesus sa Juan 20:22, 23 ay nagpapakitang may mga tao na maaaring magpatawad sa kasalanang nagawa ng kaniyang kapuwa sa Diyos. Para sa detalyadong paliwanag hinggil dito, tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1996, pahina 28-29.
[Blurb sa pahina 23]
Palalampasin ng Diyos ang ating mga pagkukulang kung lalapit tayo sa kaniya at hihingi ng tawad sa ngalan ni Jesus
[Larawan sa pahina 24]
Ang pagkakaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat ipagtapat ang nagawa nating kasalanan