Tanong ng mga Mambabasa
Saan Kinuha ni Cain ang Kaniyang Asawa?
▪ “Kung sina Cain at Abel lamang ang naging anak nina Adan at Eva, saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa?” Madalas itong itanong ng mga nag-aalinlangan sa Bibliya, pero ang Bibliya ay nagbibigay ng detalyado at kasiya-siyang sagot.
Makikita sa Genesis kabanata 3 at 4 ang sumusunod na mga impormasyon: (1) Si Eva ang “ina ng lahat ng nabubuhay.” (2) Ilang panahon din ang lumipas mula sa pagsilang ni Cain at sa kaniyang pagpatay sa kapatid niyang si Abel. (3) Matapos siyang palayasin at maging isang “palaboy at takas,” nag-alala si Cain na baka may ‘sinumang makasumpong sa kaniya’ at patayin siya. (4) Ang Diyos ay naglagay ng isang tanda upang protektahan si Cain, na nagpapahiwatig na mayroon siyang mga kapatid o iba pang kamag-anak na maaaring pumatay sa kaniya. (5) “Pagkatapos,” si Cain ay nakipagtalik sa kaniyang asawa sa “lupain ng Pagtakas.”—Genesis 3:20; 4:3, 12, 14-17.
Mula rito, masasabi nating ang asawa ni Cain ay isang inapo ni Eva na ipinanganak sa isang di-matukoy na petsa. Sinasabi ng Genesis 5:4 na sa 930 taon ng buhay ni Adan, “nagkaanak siya ng mga lalaki at mga babae.” Hindi naman espesipikong sinasabi ng Bibliya na anak ni Eva ang naging asawa ni Cain. Binanggit lamang ng Bibliya ang kaniyang asawa matapos siyang palayasin. Yamang ipinakikita nito na mahaba-habang panahon din ang lumipas bago nag-asawa si Cain, posible pa ngang apo na nina Adan at Eva ang napangasawa niya. Kaya ang asawa ni Cain ay tinukoy lamang ng The Amplified Old Testament bilang “isa sa mga inapo ni Adan.”
Ipinalalagay ng ika-19-na-siglong komentarista sa Bibliya na si Adam Clarke na naglagay ang Diyos ng isang tanda para kay Cain dahil ilang henerasyon na ng mga inapo ni Adan ang umiiral—sapat “para makabuo ng ilang nayon”—at natatakot si Cain na baka may sinuman sa kanila na pumatay sa kaniya.
Hindi matanggap ng ilang lipunan sa ngayon na naging asawa ni Cain ang isang kapatid o pamangkin niya. Kahiya-hiya kasi ito at iniisip nilang nagkakadiperensiya ang mga anak ng malapit na magkakamag-anak. Magkagayunman, ganito ang sinabi ni F. LaGard Smith sa The Narrated Bible in Chronological Order: “Malamang na napangasawa ng unang magkakapatid na ito ang isa’t isa, sa kabila ng pagiging di-angkop nito sa mga sumunod na henerasyon.” Tandaan din na ipinagbawal lamang ang pag-aasawa sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak nang ibigay ng Diyos kay Moises ang kautusan para sa Israel noong 1513 B.C.E.—Levitico 18:9, 17, 24.
Libu-libong taon na ang layo natin mula sa pagiging perpekto ng ating unang mga magulang. Maaaring hindi nila problema noon ang mga depekto sa henetika na nararanasan natin ngayon. Ipinakikita rin ng mga pag-aaral kamakailan, gaya ng inilathala sa Journal of Genetic Counseling, na mas maliit ang tsansa na magkaroon ng diperensiya ang magiging anak ng magpinsang-buo kaysa sa iniisip ng marami. Kaya makatuwirang isipin na lalong hindi ito problema noong panahon ni Adan o maging hanggang sa panahon ni Noe. Sa gayon, masasabi nating ang asawa ni Cain ay isa sa mga kamag-anak niya.