Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

6 Nakatutulong ba ang Panalangin?

6 Nakatutulong ba ang Panalangin?

Panalangin

6 Nakatutulong ba ang Panalangin?

IPINAKIKITA ng Bibliya na talagang nakatulong sa tapat na mga lingkod ng Diyos ang panalangin. (Lucas 22:40; Santiago 5:13) Sa katunayan, malaking tulong ang pananalangin sa ating espirituwalidad, emosyon, at maging sa kalusugan. Paano?

Halimbawa, mayroon kang anak na tumanggap ng isang regalo. Sasabihin mo ba sa kaniyang sapat nang makadama siya ng pagpapahalaga? O tuturuan mo siyang ipahayag ang kaniyang pasasalamat? Kapag sinasabi natin ang ating nadarama, nabibigyan natin ito ng pansin at lalo itong sumisidhi. Hindi ba’t totoo rin ito sa pakikipag-usap sa Diyos? Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Panalangin ng pasasalamat. Kapag pinasasalamatan natin ang ating Ama sa mabubuting bagay na nangyayari sa atin, nabibigyang-pansin natin ang ating mga pagpapala. Dahil dito, tayo ay nagiging mas mapagpahalaga, mas maligaya, at mas positibo.​—Filipos 4:6.

Halimbawa: Nagpasalamat si Jesus dahil dininig ng kaniyang Ama ang mga panalangin niya.​—Juan 11:41.

Panalangin para sa kapatawaran. Kapag humihingi tayo ng tawad sa Diyos, nagiging mas sensitibo ang ating budhi, mas nakadarama tayo ng pagsisisi, at lalo nating nababatid ang pagiging seryoso ng kasalanan. Nakasusumpong din tayo ng kaginhawahan mula sa pagkabagabag ng budhi.

Halimbawa: Nanalangin si David para ipahayag ang kaniyang pagsisisi at kalungkutan.​—Awit 51.

Panalangin para sa patnubay at karunungan. Kapag hinihiling natin kay Jehova na patnubayan tayo o pagkalooban ng karunungan na kailangan natin upang makagawa ng matalinong pagpapasiya, natutulungan tayo nito na maging tunay na mapagpakumbaba. Naipaaalaala nito sa atin ang mga limitasyon natin at natutulungan tayong magtiwala sa ating Ama sa langit.​—Kawikaan 3:5, 6.

Halimbawa: Mapagpakumbabang humingi si Solomon ng patnubay at karunungan para pamahalaan ang Israel.​—1 Hari 3:5-12.

Panalangin ng napipighati. Kung ibubuhos natin sa Diyos ang laman ng ating puso kapag hirap na hirap ang ating kalooban, magiginhawahan tayo at aasa tayo kay Jehova sa halip na sa ating sarili.​—Awit 62:8.

Halimbawa: Nanalangin si Haring Asa nang mapaharap siya sa isang mapanganib na kaaway.​—2 Cronica 14:11.

Panalangin para sa mga nangangailangan. Ang gayong mga panalangin ay tumutulong sa atin na hindi maging makasarili kundi maging higit na maawain at madamayin.

Halimbawa: Ipinanalangin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod.​—Juan 17:9-17.

Panalangin ng papuri. Kapag pinupuri natin si Jehova sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa at katangian, sumisidhi ang ating paggalang at pagpapahalaga sa kaniya. Makatutulong din ito sa atin na maging mas malapít sa ating Diyos at Ama.

Halimbawa: Taimtim na pinuri ni David ang Diyos dahil sa kaniyang mga nilalang.​—Awit 8.

Ang isa pang pagpapalang dulot ng pananalangin ay “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:7) Ang pagiging kalmado sa maligalig na daigdig na ito ay isa ngang pambihirang pagpapala. Nakabubuti pa ito sa kalusugan. (Kawikaan 14:30) Pero matatamasa lamang ba natin ito dahil sa sariling sikap? O mayroon pang mas mahalagang bagay na nasasangkot?

[Blurb sa pahina 10]

Malaking tulong ang pananalangin​—sa kalusugan, sa emosyon, at higit sa lahat, sa espirituwalidad