7 Dinirinig ba ng Diyos ang Ating mga Panalangin?
Panalangin
7 Dinirinig ba ng Diyos ang Ating mga Panalangin?
GUSTONG malaman ng mga tao ang sagot sa tanong na iyan. Sinasabi ng Bibliya na talagang dinirinig ni Jehova ang mga panalangin sa ngayon. Pero nakasalalay nang malaki sa atin kung diringgin niya tayo o hindi.
Noong panahon ni Jesus, tinuligsa niya ang mga lider ng relihiyon na mapagpaimbabaw na nananalangin; gusto lamang nilang magmukhang matuwid sa mga tao. Sinabi niyang matatanggap nila nang “lubos ang kanilang gantimpala.” (Mateo 6:5) Ibig sabihin, matatanggap nila kung ano ang gusto nila, ang atensiyon ng mga tao. Pero hindi nila matatanggap ang kailangan nila, ang atensiyon ng Diyos. Sa ngayon, marami rin ang nananalangin ayon sa kanilang sariling kalooban, hindi ayon sa kalooban ng Diyos. Dahil binabale-wala nila ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay natin, hindi sila pinakikinggan ng Diyos.
Kumusta ka naman? Diringgin ba ng Diyos ang iyong mga panalangin? Ang sagot ay hindi nakadepende sa iyong lahi, nasyonalidad, o katayuan sa buhay. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ganiyan ka ba? Kung may takot ka sa Diyos, lubos mo siyang igagalang at matatakot kang hindi siya mapalugdan. Kung gumagawa ka ng katuwiran, gagawin mo ang sinasabi ng Diyos na tama sa halip na sundin ang iyong sariling kalooban o ang sa iyong kapuwa. Talaga bang gusto mong pakinggan ng Diyos ang iyong mga panalangin? Matutulungan ka ng Bibliya sa bagay na ito. *
Siyempre pa, gusto ng marami na sagutin ng Diyos ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng isang himala. Pero kahit noong panahon ng Bibliya, bihirang magsagawa ng himala ang Diyos. Kung minsan, daan-daang taon ang lumilipas bago masundan ang isang nakaulat na himala. Isa pa, ipinakikita ng Bibliya na natapos na ang panahon ng mga himala pagkamatay ng mga apostol. (1 Corinto 13:8-10) Nangangahulugan ba ito na hindi na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin sa ngayon? Hinding-hindi! Tingnan natin ang ilang panalanging sinasagot ng Diyos.
Ang Diyos ay nagbibigay ng karunungan. Si Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na karunungan. Sagana niya itong ibinibigay sa mga nagnanais ng kaniyang patnubay at namumuhay ayon dito.—Santiago 1:5.
Ang Diyos ay nagbibigay ng kaniyang banal na espiritu pati na ng lahat ng mga pakinabang nito. Ang banal na espiritu ay aktibong puwersa ng Diyos. Ito ang pinakamalakas na puwersa. Matutulungan tayo nitong makayanan ang mga pagsubok. Mabibigyan tayo nito ng kapayapaan kapag tayo ay may mga problema. Matutulungan tayo nitong malinang ang iba pang magagandang katangian. (Galacia 5:22, 23) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ang Diyos ay saganang nagbibigay ng regalong ito.—Lucas 11:13.
Ang Diyos ay nagbibigay ng kaalaman sa masikap na humahanap sa kaniya. (Gawa 17:26, 27) Sa buong daigdig, may mga taong taimtim na naghahanap ng katotohanan. Gusto nilang malaman ang mga bagay hinggil sa Diyos—kung ano ang kaniyang pangalan, ang kaniyang layunin para sa lupa at sa tao, at kung paano sila magiging malapít sa kaniya. (Santiago 4:8) Madalas makasumpong ang mga Saksi ni Jehova ng ganiyang mga tao at natutuwa silang ibahagi sa mga ito ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyan.
Iyan ba ang dahilan kung bakit tinanggap mo ang magasing ito? Hinahanap mo ba ang Diyos? Baka ito na ang sagot niya sa panalangin mo.
[Talababa]
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon kung paano mananalangin sa paraang diringgin ng Diyos, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.