Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Isang Kahariang Babago sa Buong Lupa

Isang Kahariang Babago sa Buong Lupa

ALAM mo ba kung ano ang Kahariang ito?​— * Ito ang Kahariang itinuro ni Jesus na ipanalangin natin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:9, 10) Sa loob ng halos 2,000 taon, ipinanalangin sa Diyos ng mga tagasunod ni Jesus na dumating nawa ang Kaniyang Kaharian. Kasama rin ba iyan sa panalangin mo?​—

Para maintindihan mo kung ano ang isang kaharian, kailangan mong malaman kung ano ang isang hari. Ang hari ay isang tagapamahala. Ang lupain na pinamamahalaan niya ay ang kaniyang nasasakupan. Sakop ng Kaharian ng Diyos ang buong lupa. Kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, pagpapalain ang lahat ng tao sa lupa.

Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit. Binabanggit sa Bibliya sa Isaias 9:6 ang tungkol sa Tagapamahala ng gobyernong ito: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, . . . at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan.”

Alam mo ba kung ano ang isang prinsipe?​— Oo, siya ang anak ng hari. Sino ang kataas-taasang Hari sa langit?​— Tama ka, si Jehova. Tinatawag siya ng Bibliya na “ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Sa Bibliya, si Jesus ay madalas tawaging “ang Anak ng Diyos.” Ang isang dahilan ay sapagkat si Jehova ang nagbigay ng buhay kay Jesus. Si Jehova ang tunay na Ama ni Jesus.​—Lucas 1:34, 35; Juan 1:34, 49; 3:17; 11:27; 20:31; Gawa 9:20.

Ang Kaharian ng Diyos na itinuro sa atin ni Jesus na ipanalangin ay isang espesyal na gobyerno. Ito ay ‘pinamamahalaan ng prinsipe’ kasi ginawa ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesus, na Tagapamahala, o Hari, ng Kaharian. Pero alam mo ba na may iba pang makakasama si Jesus sa Kaharian ng kaniyang Ama?​— Tingnan natin kung sino sila.

Bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol na pupunta siya sa “bahay” ng kaniyang Ama sa langit. “Paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo,” ang sabi niya, “upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.” (Juan 14:1-3) Alam mo ba kung ano ang gagawin sa langit ng mga apostol at ng iba pang pinili?​— “Mamamahala sila bilang mga hari na kasama [ni Jesus].” Sinasabi pa nga ng Bibliya kung ilan sila​—144,000.​—Apocalipsis 14:1, 3; 20:6.

Ano kaya ang mangyayari sa lupa kapag namamahala na ang Prinsipe ng Kapayapaan at ang piniling 144,000?​— Magiging napakaganda ng kalagayan dito! Wala nang digmaan. Magiging mabait na ang lahat ng hayop. Wala nang magkakasakit o mamamatay. Makakakita na ang mga bulag, makaririnig na ang mga bingi, at ang mga pilay ay tatakbo at lulukso na gaya ng usa. Magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat. At ang lahat ng tao ay mag-iibigan sa isa’t isa gaya ng iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Juan 13:34, 35) Basahin natin ang sumusunod na mga talata sa aklat ng Isaias tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na mangyayari.​—Isaias 2:4; 11:6-11; 25:8; 33:24; 35:5, 6; 65:21-24.

Mula nang ituro ni Jesus sa mga tao na ipanalanging “dumating nawa ang iyong kaharian,” milyun-milyon na ang natuto tungkol sa Kahariang iyon. Binago ng kaalamang ito ang kanilang buhay. Di-magtatagal, kapag dumating na ang Kaharian at pinalitan nito ang lahat ng gobyerno sa lupa, ang lahat ng naglilingkod sa Diyos na Jehova at sa kaniyang piniling Tagapamahala, si Jesu-Kristo, ay magiging mapayapa, malusog, at maligaya.​—Juan 17:3.

[Talababa]

^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.

MGA TANONG:

▪ Bakit ang Kaharian ng Diyos ay masasabing ‘pinamamahalaan ng prinsipe’?

▪ Sino ang maghaharing kasama ni Jesus sa Kaharian ng kaniyang Ama?

▪ Ano ang mangyayari sa lupa kapag ang prinsipeng si Jesus na ang hari?