Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Mo Madaraig ang Negatibong mga Damdamin?

Paano Mo Madaraig ang Negatibong mga Damdamin?

Paano Mo Madaraig ang Negatibong mga Damdamin?

MAY pinaglalabanan ka bang negatibong mga damdamin? Natural lang iyan. Karaniwan nang nararanasan ng mga tao sa ngayon ang kahirapan, karahasan, at kawalang-katarungan. Kaya hindi kataka-takang marami ang pinahihirapan ng matinding kalungkutan, panunumbat ng budhi, at pagkadama ng kawalang-silbi.

Mapanganib ang mga damdaming iyan. Maaari tayong mawalan ng kagalakan at kumpiyansa sa sarili, at puwedeng pumurol ang ating kakayahang mangatuwiran. Sinasabi ng Bibliya: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Kailangan natin ang ating lakas para patuloy na mabuhay sa magulong daigdig na ito. Kaya napakahalagang masupil natin ang negatibong mga damdamin. *

Ang Bibliya ay naglalaan ng matibay na depensa laban sa negatibong mga damdamin. Ayaw ng Diyos na Jehova, ang Maylalang at Tagatustos ng buhay, na magpadaig ka sa matinding kalungkutan o kawalang-pag-asa. (Awit 36:9) Kaya isaalang-alang natin ang tatlong paraan kung paano tayo matutulungan ng kaniyang Salita na madaig ang negatibong mga damdamin.

Laging Isiping Mahal Ka ng Diyos

Inaakala ng ilan na ang Diyos ay napakaabala upang magbigay pa ng pansin sa nadarama nila. Ganiyan din ba ang iniisip mo? Ang totoo, tinitiyak sa atin ng Bibliya na mahalaga sa ating Maylalang ang ating nadarama. Sinabi ng salmista: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Nakaaaliw ngang malaman na ang kataas-taasang Soberano ay malapit sa atin kapag tayo ay napipighati!

Hindi manhid ang Diyos. Sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Mahal niya ang mga tao at nadarama niya ang paghihirap na dinaranas nila. Halimbawa, nang ang mga Israelita ay inalipin sa Ehipto mga 3,500 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Diyos: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis. At bababa ako upang hanguin sila.”​—Exodo 3:7, 8.

Nauunawaan ng Diyos ang ating nadarama dahil “siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” (Awit 100:3) Kaya kapag nadarama nating hindi tayo nauunawaan ng ating kapuwa, makatitiyak tayong nauunawaan tayo ng Diyos. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Maging ang nasa kaibuturan ng ating puso ay nakikita ng Diyos.

Totoo, alam din ni Jehova ang ating mga pagkakamali at kapintasan. Pero laking pasasalamat natin na ang ating maibiging Maylikha ay mapagpatawad. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si David: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) Baka puro negatibo lamang ang nakikita natin sa ating sarili, pero iba ang tinitingnan sa atin ng Diyos. Hinahanap niya ang mabuti sa atin at pinatatawad ang ating mga kasalanan, basta nagsisisi tayo.​—Awit 139:1-3, 23, 24.

Kaya kapag nadarama nating wala tayong silbi, kailangang paglabanan natin ito. Alalahaning nakikita ng Diyos ang mabuti sa atin!​—1 Juan 3:20.

Gawing Matalik na Kaibigan ang Diyos

Paano tayo makikinabang kung titingnan natin ang ating sarili ayon sa paraan ng pagtingin ng Diyos sa atin? Mas madali nating magagawa ang susunod na hakbang para madaig ang negatibong mga damdamin​—ang gawing matalik na kaibigan ang Diyos. Talaga bang posible iyan?

Bilang isang maibiging Ama, gustung-gusto ng Diyos na Jehova na tayo ay maging matalik na kaibigan niya. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Narito ang isang kahanga-hangang katotohanan: Kahit na tayo ay mahina at makasalanan, puwede pa rin tayong maging matalik na kaibigan ng Soberano ng uniberso.

Sa Bibliya, ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili para malaman natin kung sino siya talaga. Kung regular nating babasahin ang Bibliya, matututuhan natin ang kaakit-akit na mga katangian ng Diyos. * Habang binubulay-bulay natin ang mga iyon, mas napapalapít tayo kay Jehova at lalo natin siyang nakikilala bilang isang maibigin at mahabaging Ama.

Marami pa ang maitutulong sa atin ng pagbubulay-bulay sa mga nababasa natin sa Bibliya. Magiging mas malapít tayo sa ating Ama sa langit kung isasaisip natin at isasapuso ang kaniyang mga kaisipan​—kung hahayaan nating ituwid tayo nito, aliwin, at patnubayan. Lalo nating kailangang gawin ito kapag ginugulo tayo ng negatibong mga kaisipan o damdamin. Ganito ang sinabi ng salmista: “Nang maranasan ko ang labis na pagkabalisa, ang iyong kaaliwan ay nagdulot ng kagalakan sa aking kaluluwa.” (Awit 94:19, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Ang Salita ng Diyos ay lubhang nakaaaliw. Kung mapagpakumbaba nating tatanggapin ang mensahe ng katotohanan, ang ating negatibong mga damdamin ay unti-unting mapapalitan ng kaaliwan at kapayapaan na Diyos lamang ang makapagbibigay. Inaaliw tayo ni Jehova kung paanong inaaliw ng isang maibiging magulang ang kaniyang nasaktan o nalulungkot na anak.

Ang isa pang paraan para maging kaibigan ng Diyos ay ang regular na pakikipag-usap sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan [ng Diyos].” (1 Juan 5:14) Anuman ang ating ikinatatakot o ikinababahala, maaari tayong humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. Kung ibubuhos natin sa kaniya ang laman ng ating puso, magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip. Sumulat si apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

Kung may susundin kang programa ng pagbabasa ng Bibliya at regular kang magbubulay-bulay at mananalangin, tiyak na magiging malapít ka sa iyong Ama sa langit. Malaking tulong iyan para madaig ang negatibong mga damdamin. Ano pa ang puwedeng gawin?

Ituon ang Pansin sa Tiyak na Pag-asa sa Hinaharap

Kahit napakahirap ng ating kalagayan, puwede pa rin nating pag-isipan ang mabubuting bagay. Paano? Binibigyan tayo ng Diyos ng isang tiyak na pag-asa sa hinaharap. Ganito ang sinabi ni apostol Pedro tungkol dito: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ano ang ibig sabihin niyan?

Ang “mga bagong langit” ay tumutukoy sa isang pamahalaan​—ang Kaharian ng Diyos sa langit sa pamumuno ni Jesu-Kristo. Ang “bagong lupa” naman ay tumutukoy sa isang bagong lipunan ng tao sa lupa na sinasang-ayunan ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng “mga bagong langit,” ang bagong lipunan sa lupa ay mapalalaya sa lahat ng bagay na nagiging sanhi ng negatibong mga damdamin. Tungkol sa mga taong tapat na mabubuhay sa panahong iyon, tinitiyak ng Bibliya na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:4.

Tiyak na sasang-ayon ka na ang pag-asang iyon na inilaan ng Diyos para sa tunay na mga Kristiyano ay napakaganda at nakapagpapatibay. Kaya tinutukoy ito ng Bibliya na “maligayang pag-asa.” (Tito 2:13) Kung pagtutuunan natin ng pansin ang mga pangako ng Diyos para sa sangkatauhan​—at ang mga dahilan kung bakit tiyak at maaasahan ang mga ito​—​maaalis ang ating negatibong mga kaisipan.​—Filipos 4:8.

Ang ating pag-asa ng kaligtasan ay inihahambing ng Bibliya sa isang helmet. (1 Tesalonica 5:8) Noong unang panahon, ang isang sundalo ay hinding-hindi sasabak sa digmaan nang walang helmet. Alam niyang proteksiyon ito sa mga hampas at suligi. Kung paanong napoprotektahan ng helmet ang ulo, napoprotektahan din ng pag-asa ang ating isipan. Kung lagi nating iisipin ang ating pag-asa, maiiwasan nating mag-isip nang negatibo.

Kaya posibleng madaig ang negatibong mga damdamin. Kayang-kaya mo ito! Alalahaning nakikita ng Diyos ang mabuti sa iyo, maging malapít sa kaniya, at pagtuunan ng pansin ang iyong pag-asa sa hinaharap. Sa gayon, makatitiyak kang masasaksihan mo ang araw kung kailan tuluyan nang mawawala ang negatibong mga damdamin!​—Awit 37:29.

[Mga talababa]

^ par. 3 Maaaring kailanganin ng mga may nagtatagal o matinding depresyon na kumonsulta sa isang espesyalista.​—Mateo 9:12.

^ par. 14 Itinatampok sa Ang Bantayan, isyu ng Agosto 1, 2009, ang isang praktikal na iskedyul para sa pagbabasa ng Bibliya.

[Blurb sa pahina 19]

“Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.”​—EXODO 3:7, 8

[Blurb sa pahina 20]

“Nang maranasan ko ang labis na pagkabalisa, ang iyong kaaliwan ay nagdulot ng kagalakan sa aking kaluluwa.”​—AWIT 94:19, ANG BIBLIA​—BAGONG SALIN SA PILIPINO

[Blurb sa pahina 21]

“Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.”​—FILIPOS 4:7

[Kahon/Larawan sa pahina 20, 21]

Nakaaaliw na mga Teksto Tungkol sa Diyos na Jehova

“Si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”​—EXODO 34:6.

“Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 CRONICA 16:9.

“Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—AWIT 34:18.

“Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”​—AWIT 86:5.

“Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”​—AWIT 145:9.

“Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”​—ISAIAS 41:13.

“Pagpalain nawa . . . ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”​—2 CORINTO 1:3.

“Mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya saanman tayo hinahatulan ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”​—1 JUAN 3:19, 20.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 22]

Nadaraig Nila ang Negatibong mga Damdamin

“Lasenggo si Tatay, at sobra-sobrang pahirap ang dinanas ko sa kaniya. Sa loob ng mahabang panahon, nadama ko na wala akong halaga. Pero nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan ko ang pangakong buhay na walang hanggan sa lupa. Tuwang-tuwa ako nang malaman ko ang pag-asang ito. Naging bahagi ng buhay ko ang pagbabasa ng Bibliya. Lagi itong nasa tabi ko. Kapag nadaraig ako ng negatibong mga damdamin, binubuksan ko ang Bibliya at binabasa ang nakaaaliw na mga teksto. Ang pagbabasa tungkol sa kaakit-akit na mga katangian ng Diyos ay tumitiyak sa akin na mahalaga ako sa kaniya.”​—Kátia, 33 anyos. *

“Naging sugapa ako sa alak, marijuana, cocaine, crack cocaine, at sumisinghot ako ng rugby. Nasimot ang pera at ari-arian ko, kaya naging pulubi ako. Pero nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, lubusan kong binago ang aking buhay. Naging malapít ako sa Diyos. Kahit na kung minsan ay binabagabag pa rin ako ng aking budhi at nakadarama ng kawalang-halaga, natutuhan kong umasa sa awa at maibiging-kabaitan ng Diyos. Natitiyak ko na patuloy niya akong bibigyan ng lakas para madaig ang negatibong mga damdamin. Ang pagkaalam sa katotohanan sa Bibliya ang pinakamabuting nangyari sa akin.”​—Renato, 37 anyos.

“Mula pagkabata, lagi kong ikinukumpara ang sarili ko kay Kuya. Pakiramdam ko, lagi siyang angat sa akin. Nai-insecure pa rin ako at wala akong tiwala sa mga kakayahan ko. Pero determinado akong madaig ang damdaming ito. Lagi akong nananalangin kay Jehova, at tinulungan niya akong magkaroon ng kumpiyansa. Nakapagpapatibay malaman na talagang mahal ako ng Diyos at nagmamalasakit siya sa akin!”​—Roberta, 45 anyos.

[Talababa]

^ par. 45 Binago ang ilang pangalan.