Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasalita ng mga Wika—Mula ba Ito sa Diyos?

Pagsasalita ng mga Wika—Mula ba Ito sa Diyos?

Pagsasalita ng mga Wika​—Mula ba Ito sa Diyos?

“NAGUGULUHAN ako,” ang sabi ni Devon. “Linggu-linggo, maraming tao ang tila tumatanggap ng banal na espiritu sa aming simbahan at makahimalang nagsasalita ng iba’t ibang wika. Pero ang ilan sa kanila ay imoral. Samantalang ako, sinisikap kong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya. Kaya lang, kahit paulit-ulit pa akong manalangin, hindi pa rin ako nakatatanggap ng kaloob na ito ng espiritu. Bakit kaya?”

Nagsisimba rin si Gabriel kung saan diumano’y tumatanggap ang mga tao ng banal na espiritu at nagsasalita ng mga wika. Sinabi niya: “Naiinis ako, kasi kapag nagdarasal ako, biglang may magsasalita nang malakas sa wikang wala namang nakakaintindi. Talagang walang nakikinabang sa mga sinasabi nila. Hindi ba kapag kaloob ng espiritu ng Diyos, dapat kapaki-pakinabang?”

Mula sa mga karanasan nina Devon at Gabriel, may mahalagang tanong na bumabangon, Talaga bang mula sa Diyos ang pagsasalita ng mga wika sa ngayon? Upang masagot iyan, makabubuting suriin ang kaloob ng makahimalang pagsasalita ng mga wika ng unang-siglong mga Kristiyano.

Sila ay “Nagsimulang Magsalita ng Iba’t Ibang Wika”

Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa ilang lalaki’t babae na binigyan ng kapangyarihang magsalita ng mga wika na hindi nila alam. Una itong nangyari noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ilang linggo pagkamatay ni Jesu-Kristo. Nang araw na iyon sa Jerusalem, mga 120 alagad ni Jesus ang “napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika.” Ang mga galing sa ibang lupain ay “natilihan, sapagkat narinig ng bawat isa na nagsasalita sila sa kaniyang sariling wika.”​—Gawa 1:15; 2:1-6.

Binabanggit ng Bibliya na ang iba pang mga tagasunod ni Jesus noon ay mayroon ding kamangha-manghang kakayahang ito. Halimbawa, dahil sa banal na espiritu, si apostol Pablo ay makahimalang nakapagsalita ng maraming wika. (Gawa 19:6; 1 Corinto 12:10, 28; 14:18) Pero tiyak na may mabubuting dahilan kung bakit may ganitong kaloob ng banal na espiritu ng Diyos noong panahon ng Bibliya. Ano kaya ang mga iyon?

Tanda ng Pagsuporta ng Diyos

Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod ng Corinto, na ang ilan ay sinasabing nakapagsasalita ng mga wika, ipinaliwanag niya na “ang mga wika ay isang tanda . . . sa mga di-sumasampalataya.” (1 Corinto 14:22) Kaya bukod pa sa ibang himala, ang kakayahang magsalita ng mga wika ay isang patunay sa mga nagmamasid na ang bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano ay may pagsang-ayon at suporta ng Diyos. Ang makahimalang mga kaloob ay tulad ng karatula sa kalye na nagtuturo sa mga naghahanap ng katotohanan kung saan matatagpuan ang piniling bayan ng Diyos.

Kapansin-pansin, hindi binabanggit ng Bibliya na si Jesus o ang sinumang propeta bago ang panahong Kristiyano ay makahimalang nakapagsalita ng mga wikang hindi nila alam. Kaya ang kaloob na mga wika na ibinigay sa mga alagad ni Jesus ay maliwanag na may iba pang layunin.

Isang Paraan Upang Lumaganap ang Mabuting Balita

Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sa mga Judio lamang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 10:6; 15:24) Kaya bihirang mangaral ang mga alagad sa mga di-Judio. Pero magbabago iyan.

Di-nagtagal pagkamatay niya noong 33 C.E., inutusan ng binuhay-muling si Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Sinabi rin niya sa kanila na sila’y magiging mga saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Mateo 28:19; Gawa 1:8) Para mapalaganap ang mabuting balita sa ganoon kalawak na teritoryo, kailangan na marunong silang magsalita ng maraming wika bukod pa sa wikang Hebreo.

Gayunman, marami sa unang mga alagad na iyon ang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Kaya paano sila makapangangaral sa malalayong lupain kung saan ang mga wika ay malamang na hindi nila alam ni narinig man lamang? Dahil sa banal na espiritu, ang ilan sa masisigasig na mangangaral na iyon ay makahimalang nakapagsalita nang matatas sa mga wikang hindi nila alam.

Kaya may dalawang mahalagang dahilan kung bakit may kaloob na mga wika. Una, tanda ito ng pagsuporta ng Diyos. Ikalawa, mabisang paraan ito para magampanan ng unang-siglong mga Kristiyano ang kanilang atas na mangaral sa mga tao sa maraming wika. Ganiyan din ba ang nagagawa ng pagsasalita ng mga wika sa maraming relihiyon sa ngayon?

Pagsasalita ng mga Wika sa Ngayon​—Tanda ng Pagsuporta ng Diyos?

Saan ka maglalagay ng karatula na alam mong makatutulong sa mga tao? Sa loob ng isang maliit na gusali? Siyempre hindi! Sinasabi sa atin ng ulat noong araw ng Pentecostes na nakita ng “karamihan” sa mga nagdaraan ang makahimalang pagsasalita ng mga wika ng mga alagad. Aba, dahil dito, “mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag” sa kongregasyong Kristiyano nang araw na iyon! (Gawa 2:5, 6, 41) Kung ang mga tao sa ngayon ay nag-aangking nagsasalita ng mga wika pero ginagawa lamang ito sa loob ng kanilang simbahan, paano nga ito makikita ng maraming di-sumasampalataya?

Binabanggit ng Salita ng Diyos na ang pakikiapid at ang iba pang “mga gawa ng laman” ay humahadlang sa pagkilos ng banal na espiritu, at sinasabi pa na “yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:17-21) Kapag may nakikita kang mga taong nagsasalita ng mga wika pero imoral naman ang pamumuhay, makatuwiran lamang na maitanong mo, ‘Ipagkakaloob ba ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu sa mga taong gumagawa ng mga bagay na hinahatulan mismo ng kaniyang Salita?’ Katulad iyan ng paglalagay sa kalye ng karatula na nagtuturo ng maling direksiyon.

Pagsasalita ng mga Wika sa Ngayon​—Isang Paraan Upang Lumaganap ang Mabuting Balita?

Kumusta naman ang isa pang layunin ng kaloob na mga wika noong unang siglo? Ang pagsasalita ba ng mga wika sa mga relihiyon sa ngayon ay isang paraan upang maipangaral ang mabuting balita sa mga tao na may iba’t ibang wika? Alalahanin na ang mga tagapakinig na nasa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay mula sa maraming lupain, at naintindihan nila ang mga wika na makahimalang sinalita ng mga alagad. Sa kabaligtaran, ang mga nagsasalita ng mga wika sa ngayon ay karaniwang hindi naiintindihan ng sinumang nakikinig.

Maliwanag, magkaibang-magkaiba ang pagsasalita ng mga wika sa ngayon at ang kaloob ng banal na espiritu na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod noon. Ang totoo, walang mapananaligang ulat na ang sinuman ay tumanggap ng makahimalang kaloob na iyon mula nang mamatay ang mga apostol. Hindi ito kataka-taka sa mga nagbabasa ng Bibliya. Tungkol sa makahimalang mga kaloob, kasali na ang pagsasalita ng mga wika, inihula ni apostol Pablo: “Ang mga ito ay maglalaho.” (1 Corinto 13:8) Kaya paano malalaman ng isa kung sino ang nagtataglay ng banal na espiritu sa ngayon?

Sino ang Nagpapatunay na Taglay Nila ang Banal na Espiritu?

Alam ni Jesus na di-magtatagal pagkatapos maitatag ang kongregasyong Kristiyano, ang kaloob na mga wika ay maglalaho. Bago siya mamatay, binanggit ni Jesus ang isang tanda, o pagkakakilanlan, ng kaniyang tunay na mga tagasunod sa lahat ng panahon. “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad,” ang sabi niya, “kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Sa katunayan, ang talata ring iyon, kung saan inihula ng Salita ng Diyos na maglalaho ang makahimalang mga kaloob sa dakong huli, ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”​—1 Corinto 13:8.

Ang pag-ibig ang una sa siyam na “bunga” ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Kaya ang mga tunay na nagtataglay ng espiritu ng Diyos​—sa gayo’y sinusuportahan ng Diyos​—ay nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Bukod pa riyan, ang ikatlo sa mga bunga ng espiritu ay kapayapaan. Kaya ang mga taong nagtataglay ngayon ng banal na espiritu ay mapagpayapa​—hindi panatiko, hindi nagtatangi ng lahi, at hindi marahas.

Tandaan din ang hula ni Jesus sa Gawa 1:8. Sinabi niya na ang kaniyang mga alagad ay tatanggap ng kapangyarihan upang maging mga saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Ipinahiwatig din ni Jesus na ang gawaing ito ay magpapatuloy “hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” (Mateo 28:20, Magandang Balita Biblia) Kaya ang pangangaral sa buong daigdig ay patuloy na magiging pagkakakilanlan ng mga tunay na pinagkalooban ng banal na espiritu.

Kung gayon, sino ang nakikita mong nagpapatunay na taglay nila ang banal na espiritu sa ngayon? Sino ang nagpapakita ng mga bunga ng espiritu, lalo na ng pag-ibig at kapayapaan, kahit na pahirapan pa sila ng gobyerno dahil ayaw nilang magsundalo? (Isaias 2:4) Sino ang nagsisikap na umiwas sa mga gawa ng laman, gaya ng pakikiapid, at inaalis pa nga sa kanilang mga kongregasyon ang di-nagsisising mga makasalanan? (1 Corinto 5:11-13) Sino ang nangangaral sa buong lupa ng mabuting balita na ang Kaharian ng Diyos lamang ang pag-asa ng sangkatauhan?​—Mateo 24:14.

Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay hindi nag-aatubiling magsabi na ang mga Saksi ni Jehova ang nagtataglay ng banal na espiritu. Bakit hindi sila kilalanin at alamin kung talaga ngang sinusuportahan sila ng Diyos?