Pakikipag-usap sa Iba—Ano ba ang Banal na Espiritu?
Pakikipag-usap sa Iba—Ano ba ang Banal na Espiritu?
NATUTUWA ang mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap ang Bibliya sa iba. May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung oo, huwag kang mahiyang magtanong kapag may nakausap kang Saksi. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Sam ang Saksing dumadalaw kay Bert.
Ano ang Pagkakaunawa Ninyo sa “Espiritu Santo”?
Bert: Balita ko, hindi raw Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova. Hindi kasi kayo naniniwala sa espiritu santo.
Sam: Bago po ang lahat, gusto kong tiyakin sa inyo na mga Kristiyano kami. Naniniwala kami kay Jesu-Kristo. Iyan nga ang dahilan kung bakit ako dumalaw sa inyo ngayon. Inutusan niya kasi ang mga tagasunod niya na mangaral. Pero matanong ko po kayo, ano ang pagkakaunawa ninyo sa “espiritu santo”?
Bert: Ang banal na espiritu, ang ikatlong persona sa Trinidad, ang katulong na ipinangako ni Jesus na ipadadala sa atin. Importante ’yan sa akin. Gusto kong madama ang banal na espiritu sa buhay ko.
Sam: Ganiyan din po ang paniniwala ng marami. Pero nang mag-aral ako ng Bibliya, natutuhan ko kung ano ang sinasabi nito tungkol sa banal na espiritu. Kung bibigyan n’yo ako ng ilang minuto, gusto ko pong ipakita sa inyo ang natutuhan ko. Okey lang po ba?
Bert: Okey naman.
Sam: Ako nga po pala si Sam. Kayo po?
Bert: Ako naman si Bert.
Sam: Kuya Bert, para hindi ako gaanong magtagal, ilang punto lang po tungkol sa paksang ito ang pag-usapan natin. Nabanggit n’yo po na ang banal na espiritu ang katulong na ipinangako sa atin ni Jesus. Sang-ayon po ako riyan. Pero sa paniniwala n’yo po, ang banal na espiritu ba ay isang persona na kapantay ng Diyos?
Bert: Oo, ’yan ang turo sa amin.
Isa Bang Persona ang Banal na Espiritu?
Sam: Tingnan po natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol diyan. Ang banal na espiritu ba ay isang persona o hindi? Baka pamilyar kayo sa binabanggit ng Gawa 2:1-4, sabi po rito: “At samantalang nagpapatuloy ang araw ng kapistahan ng Pentecostes silang lahat ay magkakasama sa iisang dako, at bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. At nakakita sila ng mga dila na parang apoy at ang mga ito ay nabaha-bahagi, at may isang dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu upang salitain.”
Bert: Oo, alam ko nga ’yan.
Sam: Kaya Kuya, puwede po bang mapuspos, o mapunô, ng isang persona ang isa pang persona?
Bert: Siyempre hindi.
Sam: Tingnan pa po natin ang binabanggit sa talata 17 ng kabanata ring ito. Sinasabi po sa unang bahagi: “‘Sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman.’” Matanong ko kayo ulit, Kuya, puwede po bang ibuhos ng Diyos ang isang bahagi ng kaniyang kapuwa Diyos?
Bert: Hindi.
Sam: Tama po. May binanggit din si Juan Bautista na iba pang paraan para mapuspos ng banal na espiritu. Nandito po iyon sa Mateo 3:11. Pakibasa n’yo, Kuya Bert.
Bert: “Ako, sa ganang akin, ay nagbabautismo sa inyo sa tubig dahil sa inyong pagsisisi; ngunit ang isa na dumarating na kasunod ko ay mas malakas kaysa sa akin, na sa kaniyang mga sandalyas ay hindi ako nararapat mag-alis. Babautismuhan kayo ng isang iyon sa banal na espiritu at sa apoy.”
Sam: Salamat po. Napansin n’yo po ba kung ano ang sinabi ni Juan Bautista may kaugnayan sa banal na espiritu?
Bert: May sinabi siya tungkol sa pagbabautismo sa banal na espiritu.
Sam: Tama po kayo. Napansin n’yo rin ba na may binanggit siya tungkol sa pagbabautismo sa apoy? Siyempre po, hindi persona ang apoy. Kung gayon, hindi kaya ipinakikita ng tekstong ito na ang banal na espiritu ay hindi rin isang persona?
Bert: Siguro nga.
Sam: Kaya ayon po sa mga tekstong nabasa natin, ang banal na espiritu ay hindi isang persona.
Bert: Sa palagay ko nga.
Bakit Tinukoy na “Katulong” ang Banal na Espiritu?
Sam: Kanina, binanggit n’yo po ang salitang “katulong.” Sa Juan 14:26, tinukoy ni Jesus ang banal na espiritu bilang “katulong.” Sabi po rito: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” Iniisip po ng ilan na ang tekstong ito ay nagpapatunay na ang banal na espiritu ay isang persona, isa na tutulong at magtuturo.
Bert: Tama, ’yan nga ang pagkakaintindi ko riyan.
Sam: Pero posible po kayang makasagisag na pananalita ang ginamit dito ni Jesus? Tingnan natin kung ano ang sinabi niya tungkol sa karunungan, dito sa Lucas 7:35: “Gayunpaman, ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng mga anak nito.” Sasabihin po ba natin na isang persona ang karunungan dahil mayroon itong mga anak?
Bert: Aba, hindi.
Sam: Tama po kayo. Ang punto ni Jesus, ang karunungan ay makikita sa mga bunga nito. Ang Bibliya ay madalas pong gumamit ng makasagisag na pananalita. Minsan, tinutukoy nito ang isang bagay na walang buhay na para bang buháy ito. Madalas din natin itong gamitin sa ating mga pag-uusap. Halimbawa, kapag maganda ang araw, ’di po ba karaniwang sinasabi, “Buksan mo ang bintana para makapasok ang araw”?
Bert: Oo nga, sinasabi ko rin ’yan.
Sam: Itinuturing n’yo po ba ang araw bilang isang persona na papasok sa inyong bahay na parang bisita?
Bert: Siyempre hindi. Hindi naman literal ’yon.
Sam: Tama po. Kaya nang banggitin ni Jesus ang banal na espiritu bilang isang katulong, o guro, posible kayang ginagamit din niya ito sa makasagisag na paraan?
Bert: Puwede. Tutugma iyan sa mga teksto na nagsasabing ibinubuhos ang banal na
espiritu at may mga taong binabautismuhan sa banal na espiritu. Pero kung hindi persona ang banal na espiritu, ano ito?Ano ba ang Banal na Espiritu?
Sam: Dito po sa Gawa 1:8, sinasabi sa atin ni Jesus kung ano ang banal na espiritu. Pakibasa po.
Bert: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”
Sam: Makikita po natin dito na iniuugnay ni Jesus ang banal na espiritu sa kapangyarihan. At mula sa mga tekstong nabasa na natin, saan po kaya nanggagaling ang kapangyarihang iyan?
Bert: Sa Diyos, ang Ama.
Sam: Tama po. Ang banal na espiritu din ang puwersang ginamit ng Diyos para lalangin ang uniberso. Iyan po ang binabanggit sa Genesis 1:2: “Ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.” Ang salitang Hebreo na isinalin ditong “aktibong puwersa” ay isinasalin ding “espiritu.” Ito ang di-nakikitang aktibong puwersa na ginagamit ng Diyos para isakatuparan ang layunin niya at ipaalam ang kaniyang kalooban. Isang teksto na lang po ang babasahin natin, itong nasa Lucas 11:13. Pakibasa po.
Bert: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”
Sam: Kung ang Ama sa langit ang kumokontrol sa banal na espiritu at ibinibigay ito sa mga humihingi nito, masasabi po ba nating kapantay ng Ama ang banal na espiritu?
Bert: Hindi nga. Naintindihan ko na.
Sam: Hindi na po ako magtatagal, Kuya Bert. Gusto ko na lang po kayong tanungin tungkol sa napag-usapan natin. Mula sa mga tekstong natalakay natin, ano po ang banal na espiritu?
Bert: Ito ang aktibong puwersa ng Diyos.
Sam: Tama po. At ayon sa Juan 14:26, nang banggitin ni Jesus ang banal na espiritu bilang isang katulong, o guro, ginagamit niya po ito sa makasagisag na paraan.
Bert: Ngayon ko nga lang nalaman ’yan.
Sam: Gano’n po ba? At alam n’yo po, mayroon pa tayong napakagandang bagay na matututuhan sa sinabi ni Jesus.
Bert: Ano ’yon?
Sam: Puwede po tayong humingi sa Diyos ng kaniyang banal na espiritu para tulungan tayo sa mahihirap na kalagayan. Maaari din tayong humingi ng espiritu niya para tulungan tayong malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya.
Bert: Talaga? Maganda ’yan.
Sam: Bago po ako umalis, may iiwan akong tanong sa inyo. Dahil ang banal na espiritu ang aktibong puwersa ng Diyos, tiyak na magagamit ito ng Diyos para isakatuparan ang anumang gusto niya.
Bert: Siyempre.
Sam: Kung gayon, bakit po kaya hindi niya pa ginagamit ang kapangyarihang iyan para tapusin ang lahat ng kahirapan at kasamaang nakikita natin sa daigdig? Naitanong n’yo na rin po ba ’yan? *
Bert: Oo, minsan.
Sam: Kaya babalik po ako sa susunod na linggo, sa ganito ring araw at oras para mapag-usapan natin ’yan.
Bert: Sige, hihintayin kita.
[Talababa]
^ par. 59 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.