Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ano ang tinutukoy ni apostol Pablo nang sabihin niyang ang kaniyang katawan ay may “mga herong tanda ng isang alipin ni Jesus”?—Galacia 6:17.
▪ Malamang na iba-iba ang pagkakaintindi rito ng mga tagapakinig ni Pablo noong unang siglo. Halimbawa, ginagamit noon ang nagbabagang pangherong bakal upang lagyan ng tanda ang mga bihag sa digmaan, magnanakaw sa templo, at takas na alipin. Kahiya-hiya ang pagkakaroon ng ganitong tanda.
Pero hindi naman laging gayon. Ginagamit din noon ng maraming tao ang herong tanda para ipakita na miyembro sila ng isang espesipikong tribo o relihiyon. Halimbawa, sinasabi ng Theological Dictionary of the New Testament na “ang mga Siryano na nag-alay ng sarili sa mga diyos na sina Hadad at Atargatis ay may herong tanda sa kanilang pulsuhan o leeg . . . Isang dahon naman ng ivy ang nakatatak sa mga deboto ni Dionysus.”
Ipinalalagay ng maraming komentarista ngayon na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga pilat na natamo niya mula sa pisikal na pang-aabuso sa kaniya noong panahon ng kaniyang pagmimisyonero. (2 Corinto 11:23-27) Pero malamang na hindi tinutukoy ni Pablo ang anumang literal na tanda. Ibig lamang niyang sabihin na ang kaniyang pamumuhay ang siyang nagpapakilala sa kaniya bilang isang Kristiyano.
Naging taguan ba ng mga kriminal ang mga kanlungang lunsod sa sinaunang Israel?
▪ Maraming paganong templo noon ang naging kanlungan ng mga takas o kriminal. Ganiyan din ang nangyari sa mga monasteryo at simbahan noong Edad Medya. Pero ibang-iba ang mga kanlungang lunsod sa sinaunang Israel.
Nakasaad sa Kautusang Mosaiko na ang mga kanlungang lunsod ay para lamang sa di-sinasadyang nakapatay. (Deuteronomio 19:4, 5) Para hindi makapaghiganti sa kaniya ang pinakamalapit na kamag-anak na lalaki ng biktima, dapat siyang tumakas tungo sa pinakamalapit na kanlungang lunsod. Pagkatapos niyang ilahad ang nangyari sa matatandang lalaki ng lunsod, lilitisin siya sa lunsod na pinangyarihan ng insidente. Pagkakataon niya ito upang patunayan na wala siyang sala. Susuriin ng matatanda ang kaugnayan ng takas at ng biktima, kung wala bang poot na namagitan sa kanila bago ito nangyari.—Bilang 35:20-24; Deuteronomio 19:6, 7; Josue 20:4, 5.
Kung mapatunayang walang-sala ang takas, babalik siya sa kanlungang lunsod at mananatili roon. Ang mga lunsod na ito ay hindi bilangguan. Ang takas ay nagtatrabaho rito at naglilingkod bilang isang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan. Kapag namatay ang mataas na saserdote, lahat ng takas ay ligtas nang makaaalis sa mga kanlungang lunsod.—Bilang 35:6, 25-28.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA KANLUNGANG LUNSOD
1 KEDES
2 GOLAN
3 RAMOT-GILEAD
4 SIKEM
5 BEZER
6 HEBRON
Ilog Jordan