Aliwin ang mga Namatayan, Gaya ng Ginawa ni Jesus
Aliwin ang mga Namatayan, Gaya ng Ginawa ni Jesus
NAGKASAKIT nang malubha si Lazaro na taga-Betania. Ang kaniyang mga kapatid na sina Marta at Maria ay nagpadala ng mga mensahero sa kanilang matalik na kaibigang si Jesus. Pero namatay si Lazaro. Nang mailibing na siya, dumalaw ang mga kaibigan at kapitbahay nina Marta at Maria “upang aliwin sila.” (Juan 11:19) Sa wakas, dumating si Jesus sa Betania at dinalaw ang kaniyang mahal na mga kaibigan. Matututuhan natin mula sa mga sinabi at ginawa ni Jesus kung paano aaliwin ang mga namatayan.
Ipakitang Nagmamalasakit Ka—Dalawin Sila
Para marating ang Betania, kailangang maglakbay ni Jesus nang dalawang araw, tumawid sa Ilog Jordan, at umakyat sa matarik at paliku-likong daan mula sa Jerico. Agad na sinalubong ni Marta si Jesus sa labas ng nayon. Nang mabalitaan ni Maria na dumating si Jesus, sumalubong din siya. (Juan 10:40-42; 11:6, 17-20, 28, 29) Tiyak na naaliw ang namimighating magkapatid sa pagdalaw ni Jesus.
Sa ngayon, maaari ding maginhawahan ang mga namimighati kung dadalawin natin sila. Ang anim-na-taóng gulang na si Theo ay namatay sa isang aksidente. Ganito ang naalaala ng mga magulang niyang sina Scott at Lydia: “Kailangan namin ang suporta ng pamilya at mga kaibigan. Dumating sila kahit hatinggabi na at dumeretso sa ospital.” Ano ang sinabi ng mga dumalaw? “Nang sandaling iyon, hindi nila kailangang magsalita. Sapat na sa amin na nandiyan sila. Damang-dama naming nagmamalasakit sila.”
Sinasabi ng Bibliya na nang makita ni Jesus ang mga tao na umiiyak sa pagkamatay ni Lazaro, siya ay “nabagabag” at “lumuha.” (Juan 11:33-35, 38) Hindi inisip ni Jesus na nakahihiya para sa isang lalaki na umiyak sa harap ng iba. Nadama niya ang kirot na kanilang nadarama. Ano ang aral para sa atin? Kapag dumadalaw sa mga namatayan, huwag mahiyang umiyak kasama ng mga umiiyak. (Roma 12:15) Pero huwag namang piliting umiyak ang mga namatayan. Mas gustong umiyak ng iba kapag nag-iisa.
Huwag Magsawa sa Pakikinig
Maaaring may naiisip na si Jesus na pampatibay-loob para kina Marta at Maria, pero hinayaan muna niya silang magsalita. (Juan 11:20, 21, 32) Nang kausapin niya si Marta, nagtanong siya at saka nakinig.—Juan 11:25-27.
Para maaliw ang mga namatayan at maipakitang tunay tayong nagmamalasakit sa kanila, makinig na mabuti. Magagawa natin ito kung tatanungin natin sila at hahayaang magkuwento. Gayunman, huwag silang piliting magsalita kung gusto nilang manahimik. Baka pagod sila at kailangang magpahinga.
Baka wala sa sarili ang mga namatayan at paulit-ulit nilang ginagawa ang isang bagay. Inilalabas naman ng iba ang kanilang nadarama. Parehong sinabi nina Maria at Marta kay Jesus: “Panginoon, kung narito ka lamang noon, hindi sana namatay ang aking kapatid.” (Juan 11:21, 32) Ano ang ginawa ni Jesus? Matiyaga siyang nakinig at hindi niya sinabi sa kanila kung ano ang dapat sana nilang madama. Tiyak na naunawaan niya kung gaano kahirap at kasakit na mamatayan. Hindi nagsawa si Jesus sa pakikinig.
Kung hindi mo alam ang sasabihin kapag dumadalaw sa isang namatayan, maaari mong itanong, “Gusto mo bang pag-usapan natin ito?” Pagkatapos ay makinig na mabuti sa kaniyang sagot. Tingnan siya at sikaping unawain ang kaniyang nadarama.
Hindi madaling unawain ang damdamin ng namatayan. “Iba na ang kailangan namin ngayon,” ang sabi ni Lydia, na nabanggit kanina. “Kung minsan, hindi namin mapigil na umiyak sa harap ng mga bisita kaya makakatulong sa amin kung positibo sila. Sinikap naman ng mga kaibigan namin na unawain kami.”
Ganiyan ang ginawa ni Jesus. Alam niya na ang bawat isa ay may ‘sariling salot at sariling kirot.’ (2 Cronica 6:29) Magkaiba ang naging pagtugon ni Jesus kina Marta at Maria. Patuloy sa pagsasalita si Marta, kaya nakipag-usap sa kaniya si Jesus. Dahil umiiyak si Maria, hindi masyadong nagsalita si Jesus. (Juan 11:20-28, 32-35) Ano ang matututuhan natin dito? Makabubuting hayaan ang namatayan kung gusto nilang magkuwento o hindi. Ang pagiging handa mong makinig habang ipinahahayag nila ang kanilang pamimighati ay malaking kaaliwan na sa kanila.
Mga Salitang Nakaaaliw
Hindi minasama ni Jesus nang sabihin sa kaniya nina Maria at Marta: “Kung narito ka lamang noon.” Sa halip, tiniyak niya kay Marta: “Ang iyong kapatid ay babangon.” (Juan 11:23) Sa mga salitang iyon, natulungan siya ni Jesus na maging positibo at naipaalaala sa kaniya na mayroon pang pag-asa.
Kapag kausap ang mga namatayan, maging taimtim at positibo. Malaking tulong ito kahit kaunti lamang ang sasabihin mo. Puwede mo rin itong daanin sa sulat. Ang mga sulat at kard ay maaaring paulit-ulit na basahin kaya makapagdudulot ito ng kaaliwan sa mahabang panahon. Siyam na buwan pagkamatay ng kaniyang asawang si Bob, binasa ulit ni Kath ang lahat ng kard na natanggap niya. “Lalo itong nakatulong sa akin nang panahong iyon,” ang sabi niya. “Noon ako nakadama ng kaaliwan.”
Ano ang maaari mong isulat? Puwede mong sabihin ang naaalaala mong magagandang katangian ng namatay o kaya ay isang karanasan ninyo. Sinabi ni Kath: “Nangingiti ako at naiiyak sa magagandang sinabi nila tungkol kay Bob. Natatawa ako sa masasayang kuwento tungkol sa kaniya at naaalaala ko ang masasayang panahon namin. Napahahalagahan ko ngayon ang maraming kard na may mga teksto sa Bibliya.”
Maglaan ng Praktikal na Tulong
Para tulungan ang pamilya ni Lazaro, binuhay-muli ni Jesus ang kaniyang kaibigan. (Juan 11:43, 44) Hindi natin iyon magagawa, pero may iba tayong puwedeng gawin. Puwede tayong magluto, mag-alok ng matutuluyan sa mga bisita, maglaba at mamalantsa, mag-alaga sa mga bata, maglaan ng transportasyon, o mag-asikaso sa iba pa nilang pangangailangan. Tiyak na pahahalagahan ng mga namatayan ang ipinakita mong tunay na pag-ibig, kahit sa maliit na paraan.
Sabihin pa, baka kailanganin ng mga namatayan na mapag-isa. Pero kumustahin pa rin sila sa pana-panahon. “Hindi mo alam kung hanggang kailan ka magdadalamhati o kung kailan bubuti ang pakiramdam mo,” ang sabi ng isang naulilang ina. Sinisikap ng ilan na alalahanin ang mga namatayan sa mga okasyong gaya ng anibersaryo ng kanilang kasal o sa araw ng kamatayan ng kanilang mahal sa buhay. Kung masasamahan mo sila sa mga panahong iyon, pahahalagahan nila ito.—Kawikaan 17:17.
Ang pag-asang ibinigay ni Jesus sa magkapatid ay ibinahagi rin niya sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay. Tinanong ni Jesus si Marta: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon.”—Juan 11:24-27.
Naniniwala ka bang bubuhaying muli ni Jesus ang mga patay? Kung gayon, sabihin mo sa mga namatayan ang mahalagang pag-asang ito. Maglaan sa kanila ng praktikal na tulong. Ang iyong sinasabi at ginagawa ay magdudulot sa kanila ng kaaliwan.—1 Juan 3:18.
[Mapa sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PEREA
Ilog Jordan
Jerico
Betania
Dagat Asin
Jerusalem
SAMARIA