Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang nagpakilos sa isang dating rebeldeng sundalo at magnanakaw na baguhin ang kaniyang buhay? Bakit binago ng isang dating kampeon sa tae kwon do ang kaniyang mga tunguhin? Bakit naging sulit ang pagtitiwala ng isang ama na magbabago pa ang kaniyang anak? Para malaman ang mga sagot, basahin ang kanilang kuwento.

“Maligaya Ako Ngayon sa Kabila ng Aking Madilim na Kahapon.”​—GARRY P. AMBROCIO

EDAD: 47

BANSANG PINAGMULAN: PILIPINAS

DATING REBELDENG SUNDALO

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa maliit na nayon ng Vintar, isang kapatagang libis na napaliligiran ng luntiang kabundukan at malinis na mga ilog. Sariwa rin ang hangin doon. Sa kabila ng ganitong kalagayan, mahirap ang buhay. Ninanakaw ng mga tao ang mga alagang hayop namin at nilolooban ang aming bahay.

Noong ako’y tin-edyer, naninigarilyo ako at madalas makipag-inuman sa mga kabarkada ko. Nagnanakaw ako para tustusan ang mga bisyo ko. Ninakawan ko pa nga ng alahas ang lola ko. Nagsuspetsa ang militar na kabilang ako sa pangkat ng mga rebeldeng NPA (New People’s Army), kaya madalas nila akong bugbugin. Dahil dito, sumama na ako sa mga rebelde. Namundok ako kasama ng mga NPA sa loob ng limang taon. Mahirap ang buhay kasi palipat-lipat kami para hindi matunton ng militar. Sa kalaunan, napagod na ako sa katatago sa kabundukan, kaya sumuko ako sa gobernador ng Ilocos Norte. Naging mabait siya sa akin at tinulungan pa niya akong makahanap ng disenteng trabaho. Pero nagnanakaw pa rin ako at nananakot ng mga tao.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Ang katrabaho kong si Loida ay isang Saksi ni Jehova. Ipinakilala niya sa akin si Jovencio na nagturo sa akin ng Bibliya. Pero nahirapan akong magbago. Naninigarilyo ako bago dumating si Jovencio para sa pag-aaral ng Bibliya, at sangkot pa rin ako sa ilegal na gawain. Sa wakas, nahuli ako ng pulis, at 11 buwan akong nakulong. Nang panahong iyon, nanalangin ako kay Jehova na tulungan niya ako at patawarin. Humingi ako ng kaniyang banal na espiritu para patnubayan ako at patibayin.

Nang maglaon, dinalaw ako sa bilangguan ng isang Saksi ni Jehova at dinalhan ako ng Bibliya. Binasa ko ito at natutuhan kong si Jehova ay maawain, maibigin, at nagpapatawad ng mga kasalanan. Binigyan niya ako ng pagkakataong makilala siya. Humingi ako sa kaniya ng lakas para mapagtagumpayan ang mga bisyo ko. Malaki ang naging epekto sa akin ng nabasa ko sa Kawikaan 27:11. Parang kinakausap ako mismo ni Jehova, na sinasabi: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”

Pagkalaya ko, muli akong nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, nakisama sa kanilang mga pagpupulong, at namuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Nang maglaon, sa tulong ng Diyos na Jehova, naalis ko rin ang aking mga bisyo at inialay ang aking buhay sa kaniya.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Maligaya ako ngayon sa kabila ng aking madilim na kahapon. Bagaman naging alipin ako ng mga bisyo, nagawa kong magbago. (Colosas 3:9, 10) Isang karangalan para sa akin na makasama sa malinis na bayan ng Diyos at matulungan ang iba na matuto tungkol sa ating Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova.

“Gusto Kong Katawanin ang Brazil.”​—JULIANA APARECIDA SANTANA ESCUDEIRO

EDAD: 31

BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL

DATING KAMPEON SA TAE KWON DO

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Londrina. Bagaman mahirap ang karamihan sa lugar namin, malinis at payapa naman dito. Nang ako’y sampung taóng gulang, niyaya ako ni Kuya na mag-aral ng tae kwon do, na nangangahulugang “ang kilos ng mga kamay at paa.” Ayaw sana ni Tatay pero wala siyang nagawa.

Nagsanay akong mabuti at maraming beses akong naging kampeon sa estado ng Parana. Ilang beses din akong naging pambansang kampeon, at noong 1993, itinanghal akong kampeon ng tae kwon do sa buong Brazil. Gusto kong sumali sa internasyonal na mga kompetisyon. Pero mahirap lang kami at wala akong pamasahe papunta sa ibang bansa.

Umasa ako na sana’y masali sa Olympics ang tae kwon do, at nangyari nga ito. Gusto kong katawanin ang Brazil sa Olympics, kaya nagsanay ako nang puspusan. May nag-isponsor sa akin para makasali ako sa mga kompetisyon sa Pransiya, Vietnam, Timog Korea, at Japan, at sa South American Games. Naging tunguhin ko rin na makasali sa Pan American Games. At dahil sa ipinakita kong galing, napili ako na maging isa sa tatlo na lalahok sa paligsahang iyon sa Santo Domingo, Dominican Republic, noong 2003.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong 2001, nakilala namin ng boyfriend ko ang mga Saksi ni Jehova, at tinuruan nila kami ng Bibliya. Wala akong interes noong una. Hindi ako makapagtuon ng pansin dahil sa pagod at nakakatulog ako habang nag-aaral. Pero ang natututuhan ko ay tumagos sa aking puso, at nakita ito sa aking sumunod na malaking laban.

Dahil kabilang ako sa team para sa Pan American Games, inilaban muna ako ng mga master sa tae kwon do sa isang preliminary tournament. Nang ako na ang lalaban, tumayo lang ako at hindi kumilos​—nawalan na ako ng gana. Bigla kong naisip na hindi dapat nakikipag-away ang isang Kristiyano​—kahit pa sa isports! Sumagi sa isip ko ang utos ng Bibliya na ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Mateo 19:19) Hindi ako nagdalawang-isip at iniwan ko ang laban. Hindi makapaniwala ang mga tao sa ginawa ko.

Pagdating sa bahay, pinag-isipan ko kung ano ang gagawin ko sa aking buhay. Kinuha ko ang isang brosyur na inilathala ng mga Saksi na tumatalakay sa mga kahilingan ng Diyos sa atin. Nabasa ko rito ang Awit 11:5, na nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” Iyan ang nagpakilos sa akin na tuluyan nang iwan ang tae kwon do.

Hindi natuwa ang mga master ko sa tae kwon do. Sinikap nilang baguhin ang pasiya ko. Sinabi nilang ako ang pinakamagaling sa bansa at maaabot ko na ang pangarap kong lumaban sa Olympics. Pero buo na ang pasiya ko.

Nang panahong iyon, kasal na kami ng boyfriend ko. Nangangaral na rin siyang kasama ng mga Saksi. Umuuwi siyang masayang-masaya at ikinukuwento niya sa akin ang lahat ng nakausap niya. Alam ko na kung nais ko ring makibahagi sa gawaing iyon, kailangan kong magbago. Iniwan ko ang dati kong relihiyon at nang dakong huli ay nabautismuhan bilang Saksi.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Maligayang-maligaya at nagkakasundo kaming mag-asawa dahil sinisikap naming sundin ang mga simulain sa Bibliya. Nasisiyahan akong suportahan siya habang tumutulong siya sa kongregasyong dinadaluhan namin. Puwede sana akong manalo ng medalyang ginto sa Olympics at maging tanyag. Pero alam kong walang maiaalok ang daigdig na ito na makatutumbas sa pribilehiyong makapaglingkod sa Diyos na Jehova.

“Hindi Sumuko si Tatay sa Akin.”​—INGO ZIMMERMANN

EDAD: 44

BANSANG PINAGMULAN: ALEMANYA

DATING BOUNCER SA DISCO

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa bayan ng Gelsenkirchen, na minahan ng karbon. Mayroon akong isang kuya at dalawang ate. Saksi ni Jehova si Tatay, pero si Nanay ay hindi. Kaya ayaw niyang palakihin kami ni Tatay bilang Saksi. Nagmamaneho si Tatay ng trak nang sampung oras o higit pa sa isang araw. Kadalasan, nagsisimula na siyang magtrabaho nang alas dos o alas tres ng umaga. Pero hindi niya napabayaan ang espirituwalidad namin. Kaya lang, hindi ko pinahalagahan ang kaniyang mga pagsisikap.

Nang 15 anyos na ako, naiinip na ako sa relihiyosong mga pagpupulong na pinadadaluhan sa akin ni Tatay, at nagrebelde ako. Pagkaraan ng isang taon, sumali ako sa isang samahan ng mga boksingero. Sa sumunod na dalawang taon, pumuti ang buhok ni Tatay sa konsumisyon sa akin. Umalis ako ng bahay pagtuntong ko ng 18.

Mahilig ako sa isports at nagsasanay ako nang anim na beses sa isang linggo​—una ay sa boksing at pagkatapos ay sa pagbabarbel. Kapag Sabado’t Linggo, madalas kami ng mga kabarkada ko sa disco. Minsan, napaaway ako sa isang sigang kostumer pero madali ko siyang napabagsak. Nakita ito ng may-ari ng disco at agad akong inalok ng trabaho bilang bouncer. Malaki ang suweldo, kaya tinanggap ko ito.

Tuwing Sabado’t Linggo, nagbabantay ako sa pasukan ng disco at ako ang nagsasabi kung sino ang puwede at hindi puwedeng makapasok. Siksikan ang hanggang 1,000 katao sa disco, kaya hindi ako nauubusan ng gagawin. Karaniwan na ang mga away, at natututukan din ako ng baril at basag na bote. Inaabangan ako ng ilan sa mga hindi ko pinapasok ng disco o ng mga pinalabas ko. Beinte anyos ako noon at wala akong kinatatakutan. Agresibo ako, mayabang, ambisyoso, at matigas ang ulo.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Hindi sumuko si Tatay sa akin. Lagi niya akong pinadadalhan ng mga magasing Bantayan at Gumising! * pero natatambak lang ito sa kuwarto nang hindi ko nababasa. Minsan, naisipan kong tingnan ang ilan sa mga ito. Nang mabasa ko na magwawakas ang kasalukuyang sistema ng pulitika, relihiyon, at ekonomiya, tinawagan ko si Ate. Silang mag-asawa ay mga Saksi ni Jehova. Inalok nila ako ng pag-aaral sa Bibliya, at tinanggap ko ito.

Nakatulong sa akin ang simulain sa Galacia 6:7 na baguhin ang aking buhay. Mula sa karanasan, alam ko na anuman ang aking gagawin, sasabihin, o magiging pasiya sa ngayon ay makaaapekto sa aking buhay sa hinaharap. Napatibay rin ako ng paanyaya sa Isaias 1:18, na nagsasabi: “‘Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe.’” Ang tekstong iyan ay nakatulong sa akin sa simula pa lang ng pag-aaral para huwag isiping hindi ako karapat-dapat at hindi na ako puwedeng manumbalik kay Jehova.

Sa loob ng anim na buwan, malaki ang ginawa kong pagbabago sa buhay ko, pero hindi ito naging madali. Kailangan kong iwan ang masamang kapaligiran at ang aking mga kabarkada. Ikinuwento ko sa kanila na nag-aaral na ako ng Bibliya at ibinahagi ko sa kanila ang mga natutuhan ko. Iniwasan nila ako at tinawag na pari. Sa tulong ni Ate, nakahanap ako ng mas maayos na trabaho.

Dumalo rin ako sa mga pulong sa Kingdom Hall na dinadaluhan ng ate ko at ng asawa niya, kahit na 30 kilometro ang layo nito. May Kingdom Hall na malapit sa bahay ko, pero nininerbiyos akong makita ang mga tao na nakakakilala sa akin mula pagkabata. Natatakot din akong mangaral sa aming lugar. Paano kung may makausap ako na pinalabas ko noon sa disco, o nabentahan ko ng droga? Pero ginamit ko ang natutuhan ko sa aking pagsasanay noon​—ang pinakamahirap na mga ehersisyo ay ang pinakamahalaga. Kaya nang maging kuwalipikado akong mangaral, ginawa ko ito sa abot ng aking makakaya.

May isa pa akong problema​—hindi ako mahilig magbasa at mag-aral. Pero alam ko na kung gusto kong magkaroon ng matibay na pananampalataya, kailangan kong disiplinahin ang sarili ko na saliksikin ang mga katotohanan sa Bibliya. Natuklasan ko na gaya ng pagbabarbel, kailangan ang pagsisikap para maging malakas.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Buháy ako! Totoo, kailangan ko pa ring mag-ingat na huwag madaig ng aking mga kahinaan. Pero masaya ako ngayon sa piling ng aking asawa na may magandang Kristiyanong personalidad. Sa mga Saksi ni Jehova, may mga tunay akong kaibigan na lubos kong mapagkakatiwalaan. Namatay ang tatay ko limang taon na ang nakalilipas, pero bago siya namatay, masaya siya dahil nakita niyang nanumbalik ang kaniyang anak.

[Talababa]

^ par. 34 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.