Tanong ng mga Mambabasa
Dapat ba Akong Umanib sa Isang Relihiyon?
▪ Nag-aalangan ka bang umanib sa isang relihiyon dahil sa nakikita mong di-pagkakasundo at pakitang-taong pagsamba ng mga nagsisimba pati na ng kanilang mga klero? Kung gayon, malamang na sumang-ayon ka sa kasabihang Pranses, “Siyang malapit sa simbahan ay karaniwang malayo sa Diyos.”
Marahil ay iginagalang mo ang Bibliya at naniniwala kang dapat igalang ng pamahalaan at ng mga tao ang karapatan ng isa na pumili ng relihiyon. Pero baka maitanong mo, ‘Dapat ba talagang umanib sa isang organisadong relihiyon para tanggapin ng Diyos ang aking pagsamba?’
Ang sagot ay oo. Paano tayo nakatitiyak? At puwede bang kahit anong relihiyon na lamang?
Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Kabilang ba siya sa isang organisadong relihiyon? Noong bata pa si Jesus, sumasama siya sa kaniyang pamilyang Judio at sa iba pa na regular na pumupunta sa templo sa Jerusalem para sumamba. (Lucas 2:41-43) At nang malaki na siya, sumasama si Jesus sa kaniyang mga kapuwa Judio sa pagsamba sa Diyos sa mga sinagoga. (Lucas 4:14-16) Nang makipag-usap siya sa isang babaing iba ang relihiyon, sinabi ni Jesus: “Sinasamba namin ang aming nakikilala.” (Juan 4:22) Maliwanag na ipinakikita rito ni Jesus na miyembro siya ng relihiyon ng mga Judio.
Nang maglaon, sinabi ni Jesus na dahil itinakwil siya ng mga Judio bilang isang bansa, itatakwil ng Diyos ang kanilang maruming anyo ng pagsamba. (Mateo 23:33–24:2) Pero para sa mga gustong sumamba sa Diyos, ipinahiwatig ni Jesus na kailangan pa rin nilang maging bahagi ng isang organisadong grupo para sang-ayunan sila ng Diyos. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang isang alagad ni Kristo ay kailangang makisama sa kaniyang mga kapananampalataya para makapagpakita ng pag-ibig. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na may dalawang uri lamang ng relihiyon. Ang isa ay inilarawan niya bilang isang “malapad at maluwang” na daan na umaakay “sa pagkapuksa.” Ang isa naman ay ‘makipot na pintuang-daan at masikip na daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.’—Mateo 7:13, 14.
Kaya hindi puwedeng kahit anong relihiyon na lamang. Nagbababala ang Bibliya laban sa pagsama sa mga taong “magkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa buhay nila ang kapangyarihan nito.” Idinagdag pa ng Salita ng Diyos: “Iwasan mo ang mga ganitong tao.” (2 Timoteo 3:5, Magandang Balita Biblia) Pero makikinabang tayo nang husto kung hahanapin natin ang mga lumalakad sa daan na umaakay patungo sa buhay at makikisama sa kanila. Makatatanggap tayo ngayon ng suporta at pampatibay-loob, at magkakaroon tayo ng napakagandang pag-asa sa hinaharap.—Hebreo 10:24, 25.
Paano mo malalaman kung aling relihiyon ang nasa makipot na daan? Bakit hindi suriin ang sagot ng Bibliya na nasa kabanata 15 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? * Matutulungan ka nito na maging matalino sa pagpili ng relihiyon.
[Talababa]
^ par. 9 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.