Maging Malapít sa Diyos
“Hahayaan Niyang Masumpungan Mo Siya”
KILALA mo ba ang Diyos? Parang napakadaling sagutin nito. Pero para masabing talagang kilala natin ang Diyos, dapat na maging pamilyar tayo sa kaniyang kalooban at mga katangian. Sa gayon, magiging malapít tayo sa kaniya at malaki ang epekto nito sa ating pamumuhay. Talaga bang posibleng mapalapít sa Diyos? Kung oo, paano? Ang sagot ay nasa payo ni Haring David sa anak niyang si Solomon, na nasa 1 Cronica 28:9.
Pag-isipan ang tagpong ito. Halos 40 taon nang namamahala si David sa Israel, at masagana ang bansa sa ilalim ng kaniyang paghahari. Si Solomon, na malapit nang humalili sa kaniya, ay napakabata pa. (1 Cronica 29:1) Ano kaya ang ipapayo ni David sa kaniyang anak?
Sinabi ni David: “Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama.” Tiyak na higit pa sa basta pagkilala sa Diyos ang ibig sabihin ni David. Si Solomon ay mananamba na ng Diyos ni David, si Jehova. Halos sangkatlo ng Hebreong Kasulatan ay tapós na, at tiyak na alam ni Solomon ang sinasabi ng sagradong mga akdang ito tungkol sa Diyos. Ayon sa isang iskolar, ang salitang Hebreo na isinaling “kilalanin” ay maaaring tumukoy sa ‘pinakamatalik na pagkilala.’ Oo, gusto ni David na ang kaniyang anak ay magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos—isang bagay na lubos niyang pinahahalagahan.
Ang pagiging malapít sa Diyos ay dapat na lubhang makaapekto sa saloobin at pamumuhay ni Solomon. Sinabi ni David sa kaniyang anak: “Maglingkod ka sa kaniya [sa Diyos] nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa.” * Pansinin na ang utos na maglingkod sa Diyos ay kasunod ng payo na kilalanin siya. Kaya ang pagkilala sa Diyos ang mag-uudyok sa isa na maglingkod sa kaniya. Pero hindi ito dapat gawin nang may pag-aalinlangan o nang pakitang-tao lamang. (Awit 12:2; 119:113) Hinimok ni David ang kaniyang anak na paglingkuran ang Diyos nang buong puso at may pagkukusa.
Bakit hinimok ni David ang kaniyang anak na sumamba nang may tamang motibo at kaisipan? Sinabi ni David: “Sapagkat ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” Hindi dapat maglingkod si Solomon sa Diyos para lamang palugdan ang kaniyang ama. Hinahanap ng Diyos ang mga taimtim na gustong maglingkod sa Kaniya.
Tutularan kaya ni Solomon ang kaniyang ama at magiging malapít kay Jehova? Depende iyan kay Solomon. Sinabi ni David sa kaniyang anak: “Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya; ngunit kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman.” Para maging malapít sa Diyos, dapat pagsikapan ni Solomon na makilala si Jehova. *
Tinitiyak sa atin ng payo ni David bilang isang ama na gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya. Pero para magawa iyan, kailangan nating ‘hanapin siya’ sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Kasulatan upang makilala siya nang lubusan. Ang pagkakilala sa Diyos ay dapat na magpakilos sa atin na paglingkuran siya nang buong puso at may pagkukusa. Gusto ni Jehova na paglingkuran siya sa ganitong paraan—at karapat-dapat siya sa gayong pagsamba.—Mateo 22:37.
[Mga talababa]
^ par. 4 Ganito ang binabanggit sa ibang salin: “Paglingkuran mo siya nang buong puso at katapatan ng pag-iisip.”
^ par. 6 Nakalulungkot, bagaman sa pasimula ay naglingkod si Solomon nang may sakdal na puso, hindi siya nanatiling tapat.—1 Hari 11:4.