Huwag Ihambing ang Sarili sa Iba
Sekreto 2
Huwag Ihambing ang Sarili sa Iba
ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Suriin ng bawat isa ang kanyang sarili. Kung mabuti ang kanyang ginagawa, magalak siya, at huwag nang ihambing iyon sa ginawa ng iba.”—Galacia 6:4, Magandang Balita Biblia.
ANG HAMON: Baka lagi nating inihahambing ang ating sarili sa iba—kung minsan sa mga iniisip nating mas mababa sa atin, pero madalas sa mga mas malakas, mas mayaman, o mas magaling kaysa sa atin. Alinman dito, hindi maganda ang magiging epekto. Baka akalain nating ang halaga ng isang tao ay nasusukat sa tinataglay niya o sa kaya niyang gawin. Baka maging dahilan din ito ng pag-iinggitan at kompetisyon.—Eclesiastes 4:4.
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Tingnan ang iyong sarili gaya ng pagtingin sa iyo ng Diyos. Matutulungan ka nito na pahalagahan ang iyong sarili. “Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, * tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sinusukat ni Jehova ang iyong halaga, hindi sa pamamagitan ng paghahambing sa iyo sa iba, kundi sa pamamagitan ng pag-alam sa laman ng iyong puso—sinusuri niya ang iyong kaisipan, damdamin, at mga intensiyon. (Hebreo 4:12, 13) Inuunawa ni Jehova ang iyong mga limitasyon at gusto niyang tanggapin mo ang mga ito. Kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, puwede kang maging mayabang o di-kontento. Kaya maging mahinhin, o mapagpakumbaba, at tanggapin na hindi ka magiging angat sa lahat ng bagay.—Kawikaan 11:2.
Ano ang dapat mong gawin upang maging mahalaga sa Diyos? Ipinasulat ni Jehova kay propeta Mikas: “Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8) Kung susundin mo ang payong iyan, mamahalin ka ng Diyos. (1 Pedro 5:6, 7) Mayroon pa bang hihigit na dahilan para maging kontento?
[Talababa]
^ par. 5 Ang pangalan ng Diyos gaya ng mababasa sa Bibliya.
[Larawan sa pahina 5]
Sinusukat ni Jehova ang ating halaga sa nakikita niya sa ating puso