Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inihula ba ng Bibliya ang Pagtatatag ng Estado ng Israel?

Inihula ba ng Bibliya ang Pagtatatag ng Estado ng Israel?

Inihula ba ng Bibliya ang Pagtatatag ng Estado ng Israel?

TINUTUTUKAN ng marami sa ngayon ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan. Madalas dito ang pagpapakawala ng mga missile, sagupaan ng nasasandatahang mga milisya, at pambobomba ng mga terorista. Idagdag pa riyan ang posibilidad na gamitin ang mga sandatang nuklear. Hindi nga kataka-takang manginig sa takot ang mga tao!

Noong Mayo 1948, ganiyang takot din ang naramdaman ng daigdig para sa Gitnang Silangan. Nang panahong iyon, mga 62 taon na ang nakalilipas, magtatapos na ang pamumuno ng Britanya sa tinatawag noon na Palestina, at may nagbabantang digmaan. Isang taon bago nito, pinahintulutan ng United Nations ang pagtatatag ng malayang Estado ng mga Judio sa isang bahagi ng Palestina. Pero sumumpa ang nakapaligid na mga bansang Arabe na gagawin nila ang lahat para hadlangan ito. Nagbabala ang Arab League na dadanak ang dugo kapag ipinatupad ito.

Biyernes noon, Mayo 14, 1948, 4:00 n.h. Ilang oras na lamang at matatapos na ang pamumuno ng Britanya. Sa Tel Aviv Museum, nagtipon ang 350 katao na lihim na inanyayahan para sa pinakahihintay na proklamasyon​—ang pormal na deklarasyon ng pagiging estado ng bansang Israel. Hinigpitan ang seguridad sakaling sumalakay ang mga kaaway.

Binasa ni David Ben-Gurion, lider ng National Council ng Israel, ang The Declaration of the Establishment of the State of Israel. Sinasabi rito: “Kami, ang mga miyembro ng People’s Council, mga kinatawan ng Pamayanang Judio ng Eretz-Israel . . . sa bisa ng aming karapatan bilang Judio at karapatan ayon sa kasaysayan ng aming bansa at sa kapangyarihan ng Resolusyon ng United Nations General Assembly, ay nagdedeklara ng pagtatatag ng Estadong Judio ng Eretz-Israel, na tatawaging Estado ng Israel.”

Katuparan ng Hula sa Bibliya?

Naniniwala ang ilang Protestanteng Evangelical na ang Estado ng Israel sa ngayon ay katuparan ng isang hula sa Bibliya. Halimbawa, sinabi ng pastor na si John Hagee sa aklat na Jerusalem Countdown: “Ang napakahalagang kaganapang ito ay inihula ng propetang si Isaias na nagsabi, ‘Isang bansa ang ipanganganak sa isang araw.’ (Tingnan ang Isaias 66:8.) . . . Ito ang pinakamalaking katuparan ng hula sa ikadalawampung siglo. Ito ay malinaw na katibayan para sa lahat ng tao na buháy ang Diyos ng Israel.”

Totoo ba iyan? Talaga bang inihula ng Isaias 66:8 ang pagtatatag ng Estado ng Israel? Nangyari nga ba noong Mayo 14, 1948 ang “pinakamalaking katuparan ng hula sa ikadalawampung siglo”? Kung ang Estado ng Israel pa rin ang piniling bansa ng Diyos, at kung ginagamit niya ito upang tuparin ang mga hula sa Bibliya, tiyak na magiging interesado rito ang lahat ng nag-aaral ng Bibliya.

Binabanggit ng hula ni Isaias: “Sino ang nakarinig ng ganitong bagay? Sino ang nakakita ng ganitong mga bagay? Ang isang lupain ba ay iluluwal na may mga kirot ng pagdaramdam sa isang araw? O ang isang bansa ba ay ipanganganak sa isang pagkakataon? Sapagkat ang Sion ay nagkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam at nagsilang din ng kaniyang mga anak.” (Isaias 66:8) Maliwanag na inihuhula ng talatang ito ang biglaang pagsilang ng isang buong bansa, na para bang sa loob lamang ng isang araw. Pero sino ang magpapangyari nito? Sinasagot ito ng sumunod na talata: “‘Kung tungkol sa akin, pangyayarihin ko bang bumukas ang bahay-bata at hindi pangyayarihing maipanganak?’ ang sabi ni Jehova. ‘O pinangyayari ko bang maipanganak at pinagsasara ko naman?’ ang sabi ng iyong Diyos.” Nilinaw ng Diyos na Jehova na siya ang dahilan ng biglaang pagsilang ng bansang iyon.

Ang Israel sa ngayon ay may demokratikong pamahalaan na hindi umaasa sa Diyos ng Bibliya. Kinilala ba ng mga Israeli noong 1948 na ang Diyos na Jehova ang dahilan ng deklarasyon ng kanilang pagiging estado? Hindi, ni hindi nga nabanggit ang pangalan ng Diyos o maging ang salitang “Diyos” sa orihinal na dokumento ng proklamasyon. Ganito ang sinabi ng aklat na Great Moments in Jewish History tungkol sa pinal na dokumento nito: “Kahit 1:00 N.H. na, nang magtipon ang National Council, hindi pa rin magkasundo ang mga miyembro nito tungkol sa gagamiting pananalita sa proklamasyon. . . . Gusto ng debotong mga Judio na banggitin ‘ang Diyos ng Israel.’ Umalma naman ang iba. Kaya nagpasiya si Ben-Gurion na gamitin ang salitang ‘Bato’ sa halip na ‘Diyos.’”

Sinasabi ng Estado ng Israel sa ngayon na utang nila ang kanilang pagiging estado sa isang resolusyon ng UN at sa sinasabi nilang karapatan nila bilang Judio. Makatuwiran bang asahan na pangyayarihin ng Diyos ng Bibliya ang pinakamalaking katuparan ng hula sa ika-20 siglo para sa bayan na hindi naman kumikilala sa kaniya?

Ang Pagkakaiba ng Israel Noon at Ngayon

Ibang-iba ang Israel sa ngayon kumpara sa kalagayan nito noong 537 B.C.E. Noon, ang bansang Israel ay talagang ‘muling isinilang’ na waring sa loob lamang ng isang araw, pagkatapos mawasak at mabihag ng mga Babilonyo 70 taon bago nito. Nang panahong iyon, kitang-kita ang katuparan ng Isaias 66:8 nang ipag-utos ng mananakop ng Babilonya, si Cirong Dakila ng Persia, ang pagbabalik ng mga Judio sa kanilang sariling lupain.​—Ezra 1:2.

Kinilala ni Haring Ciro ng Persia na si Jehova ang nasa likod ng mga pangyayari noong 537 B.C.E. Layunin naman ng mga Judio na nagbalik sa Jerusalem na isauli ang pagsamba sa Diyos na Jehova at muling itayo ang kaniyang templo. Pero walang gayong intensiyon ang Estado ng Israel sa ngayon.

Piniling Bansa Pa Rin ng Diyos?

Noong 33 C.E., hindi na ang likas na Israel ang piniling bansa ng Diyos dahil itinakwil nila ang Mesiyas, ang Anak ni Jehova. Ganito ang sinabi ng Mesiyas: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya . . . Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:37, 38) Nagkatotoo ang sinabi ni Jesus noong 70 C.E. nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo pati na ang kaayusan nito sa pagkasaserdote. Pero paano na ang layunin ng Diyos na magkaroon ng isang “pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, . . . isang kaharian ng mga saserdote . . . at isang banal na bansa”?​—Exodo 19:5, 6.

Sinagot ni apostol Pedro, isang likas na Judio, ang tanong na iyan sa isang liham niya sa mga Kristiyano​—kapuwa mga Gentil at mga Judio. Isinulat niya: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari,’ . . . sapagkat dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos; kayo yaong mga hindi pinagpakitaan ng awa, ngunit ngayon ay yaong mga pinagpakitaan na ng awa.”​—1 Pedro 2:7-10.

Kaya ang mga Kristiyano na pinili sa pamamagitan ng banal na espiritu ay kabilang sa isang espirituwal na bansa, at hindi sila naging miyembro nito dahil sa kanilang pinagmulang bansa. Ganito ito inilarawan ni apostol Pablo: “Walang anuman ang pagtutuli ni ang di-pagtutuli, kundi ang bagong paglalang. At sa lahat niyaong mga lalakad nang maayos ayon sa alituntuning ito ng paggawi, sumakanila nawa ang kapayapaan at awa, maging sa Israel ng Diyos.”​—Galacia 6:15, 16.

Sa bansang Israel ngayon, ang pagkamamamayan ay ipinagkakaloob sa sinumang isinilang o nakumberteng Judio, samantalang sa tinatawag ng Bibliya na “Israel ng Diyos,” ang pagkamamamayan ay ibinibigay lamang sa mga ‘masunurin at nawisikan ng dugo ni Jesu-Kristo.’ (1 Pedro 1:1, 2) Tungkol sa mga miyembrong ito ng Israel ng Diyos, o espirituwal na mga Judio, isinulat ni Pablo: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nakasulat na kodigo. Ang papuri ng isang iyon ay nanggagaling, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.”​—Roma 2:28, 29.

Tinutulungan tayo ng tekstong iyan na maunawaan ang sinabi ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Ipinaliwanag niya rito kung paanong ang di-sumasampalatayang likas na mga Judio ay gaya ng mga sanga ng makasagisag na punong olibo na pinutol upang maihugpong ang “ligáw” na “mga sanga,” ang mga Gentil. (Roma 11:17-21) Sa pagtatapos ng ilustrasyong ito, sinabi niya: “Isang pamamanhid ng pandamdam sa isang bahagi ang nangyari sa Israel hanggang sa makapasok ang hustong bilang ng mga tao ng mga bansa, at sa ganitong paraan ay maliligtas ang buong Israel.” (Roma 11:25, 26) Inihula ba ni Pablo na darating ang panahon na ang lahat ng Judio ay makukumberte sa Kristiyanismo? Maliwanag, walang nangyaring gayon.

Sa pananalitang “buong Israel,” tinutukoy ni Pablo ang buong espirituwal na Israel​—mga Kristiyanong pinili ng banal na espiritu. Sinasabi niya na kahit na tinanggihan ng likas na mga Judio ang Mesiyas, hindi mabibigo ang layunin ng Diyos na magkaroon ng isang espirituwal na ‘punong olibo’ na punô ng mabubungang sanga. Kaayon ito ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili bilang ang punong ubas kung saan ang mga sangang hindi namumunga ay puputulin. Sinabi ni Jesus: “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka. Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis niya, at ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya, upang mamunga iyon nang higit pa.”​—Juan 15:1, 2.

Hindi inihula ng Bibliya ang pagtatatag ng Estado ng Israel sa ngayon, pero inihula nito ang pagtatatag ng bansa ng espirituwal na Israel. Kung hahanapin mo ngayon ang espirituwal na bansang iyan at makikisama ka sa kanila, aani ka ng walang-hanggang mga pagpapala.​—Genesis 22:15-18; Galacia 3:8, 9.

[Larawan sa pahina 27]

David Ben-Gurion, Mayo 14, 1948

[Credit Line]

Israel Government Press Office, Photographer: Kluger Zoltan

[Larawan sa pahina 29]

[Blurb sa pahina 29]

Ano ang ibig sabihin ng ilustrasyon ni Pablo tungkol sa punong olibo?

[Picture Credit Line sa pahina 27]

Todd Bolen/Bible Places.com