Mga Kristiyano Noong Unang Siglo
Paglalakbay Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa
“Nang sumunod na araw ay umalis siyang kasama ni Bernabe patungong Derbe. At pagkatapos na maipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at makagawa ng maraming alagad, bumalik sila sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia.”—GAWA 14:20, 21.
PAGLANGHAP ng manlalakbay sa malamig na simoy ng hangin sa umaga, isinuot niya ang kaniyang pudpod na sandalyas. Simula na naman ng maghapong lakaran.
Kasisikat pa lamang ng araw, naglalakad na siya sa maalikabok na daan at sa matatarik na dalisdis ng buról. Dumaraan din siya sa mga ubasan at taniman ng olibo. May nakakasalubong siya na iba pang manlalakbay—mga magsasakang papunta sa kanilang mga bukid, mga negosyanteng may kasamang mga hayop na may kargang paninda, at mga debotong papunta sa Jerusalem. Kinakausap ng manlalakbay at ng mga kasama niya ang lahat ng makasalubong nila. Bakit? Sinusunod kasi nila ang utos sa kanila ni Jesus na maging mga saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Ganiyan noon si apostol Pablo o si Bernabe o ang sinuman sa masisipag na misyonero noong unang siglo. (Gawa 14:19-26; 15:22) Matatag sila at determinado. Mahirap ang paglalakbay. Ganito inilarawan ni apostol Pablo ang mga pagsubok niya sa dagat: “Tatlong ulit akong nakaranas ng pagkawasak ng barko, isang gabi at isang araw ang ginugol ko sa kalaliman.” Hindi rin madaling maglakbay sa lupa. Sinabi ni Pablo na madalas siyang mapaharap sa “mga panganib sa mga ilog” at sa “mga panganib sa mga tulisan.”—2 Corinto 11:25-27.
Ano kaya ang pakiramdam na maglakbay kasama ng mga misyonerong iyon? Gaano kaya kalayo ang iyong lalakbayin sa isang araw? Ano ang kailangan mong dalhin, at saan ka tutuloy?
Paglalakbay sa Lupa Noong unang siglo, nakagawa na ang mga Romano ng mahahabang kalsada na nagdurugtong sa pangunahing mga sentro ng kanilang imperyo. Maganda at matibay ang pagkakagawa sa mga kalsadang ito. Karamihan sa mga ito ay 4.5 metro ang lapad, nilatagan ng bato pati na ang gilid nito, at may mga milyahe. Sa ganitong mga kalsada, kayang maglakad ng isang misyonerong gaya ni Pablo nang mga 32 kilometro sa isang araw.
Pero sa Palestina, maputik at delikado ang mga daan—walang harang sa mga bangin at bukid. Ang isang manlalakbay ay baka may makasalubong din na mababangis na hayop o mga magnanakaw; kaya may mga kalsadang hindi puwedeng daanan.
Ano ang dala ng isang manlalakbay? Isang baston na pananggalang (1), mahihigan (2), supot ng pera (3), ekstrang sandalyas (4), supot ng pagkain (5), damit na pamalit (6), de-tiklop na panalok ng tubig sa balon na yari sa balat (7), sisidlan ng tubig (8), at malaking bag na balat para sa personal na mga gamit (9).
Siguradong ang mga misyonero ay may makakasalubong na mga naglalakbay na negosyante, na nagbabagsak ng mga paninda sa mga pamilihan. Ang mga negosyanteng iyon ay umaasa sa matatag na mga buriko na sanay sa matatarik at mabatong mga daan. Kapag punô ng kargada, sinasabing kayang maglakbay ng isang malakas na buriko nang hanggang 80 kilometro bawat araw. Mas mabagal ang mga kariton na hila-hila ng baka na nakapaglalakbay lamang ng 8 hanggang 20 kilometro. Pero kayang magdala ng mga ito ng mas mabibigat na karga at tamang-tama para sa maiikling paglalakbay. Baka may makasalubong ang mga manlalakbay na pangkat ng mga kamelyo o buriko na punung-puno ng paninda
mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Maaaring madaanan din sila ng isang mensahero na sakay ng kabayo na maghahatid ng mga sulat at utos mula sa palasyo sa isang himpilan ng imperyo.Pagsapit ng gabi, ang mga manlalakbay ay natutulog sa mga kampamento sa tabi ng daan o kaya’y sa mga bahay-tuluyan ng mga manlalakbay. Pero marumi sa ganitong mga tuluyan at hindi rin masyadong ligtas sa mga magnanakaw o sa masamang lagay ng panahon. Kaya kung posible, tumutuloy ang mga misyonero sa kanilang kapamilya o kapananampalataya.—Gawa 17:7; Roma 12:13.
Paglalakbay sa Dagat Maliliit na bangka ang ginagamit para maghatid ng mga paninda at mga tao sa kalapít na mga baybayin at sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. (Juan 6:1, 2, 16, 17, 22-24) Malalaking barko naman ang ginagamit patawid sa Mediteraneo para maghatid ng mga kargamento sa malalayong daungan. Ang mga barkong ito ang nagdadala ng pagkain sa Roma at naghahatid sa mga opisyal ng gobyerno. Nagsisilbi rin itong tagapaghatid ng mensahe sa mga daungan.
Ang mga manlalayag ay umaasa sa nakikita nila—mga palatandaan sa umaga, mga bituin naman sa gabi. Kaya ligtas lamang na maglakbay sa dagat mula Mayo hanggang kalagitnaan ng Setyembre habang wala pang bagyo. Madalas noon ang pagkawasak ng barko.—Gawa 27:39-44; 2 Corinto 11:25.
Mas komportableng maglakbay sa lupa kaysa sa dagat sakay ng isang barkong pangkargamento—ang pangunahing sasakyang pandagat noon. Ang mga pasahero ay sa kubyerta lamang natutulog, umulan man o umaraw. Ang ibabang bahagi ng barko ay para sa mahahalagang paninda. Kailangang magbaon ang mga pasahero para may makain sila. Tubig lamang ang ibinibigay. Kung minsan, pabagu-bago ang lagay ng panahon. Nakakahilong magbiyahe kapag mabagyo o maalon sa dagat. Karaniwang tumatagal nang ilang araw ang pagkahilo.
Kahit mahirap ang paglalakbay sa lupa at sa dagat, lubusang ipinalaganap ng mga misyonerong gaya ni Pablo ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa daigdig na kilala nila noon. (Mateo 24:14) Pagkaraan lamang ng 30 taon matapos sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na magpatotoo tungkol sa kaniya, naisulat ni Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”—Colosas 1:23.