Piliing Mabuti ang Iyong mga Kaibigan
Sekreto 4
Piliing Mabuti ang Iyong mga Kaibigan
ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—Kawikaan 13:20.
ANG HAMON: Ang ating mga kaibigan ay puwedeng makaimpluwensiya sa atin na maging kontento o di-kontento. Nakaaapekto sa atin ang kanilang mga pananaw at sinasabi.—1 Corinto 15:33.
Halimbawa, tingnan natin ang ulat ng Bibliya tungkol sa 12 espiya na nagbalik mula sa Canaan. Ang karamihan sa kanila ay ‘patuloy na nagdadala sa mga anak ni Israel ng masamang ulat tungkol sa lupain na kanilang tiniktikan.’ Gayunman, positibo pa rin ang dalawang espiya. Tinawag nila ang Canaan na “pagkabuti-buting lupain.” Pero nahawa ang bayan sa negatibong saloobin ng sampung espiya. “Inilakas ng buong kapulungan ang kanilang tinig,” ang sabi ng ulat, “at ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan.”—Bilang 13:30–14:9.
Marami rin sa ngayon ang “mga mapagbulong, mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay.” (Judas 16) Mahirap maging kontento kung ang kasa-kasama mo ay hindi marunong makontento.
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Suriin ang mga pinag-uusapan ninyong magkakaibigan. Lagi bang ipinagyayabang ng mga kaibigan mo ang mga pag-aari nila? Lagi ba silang nagrereklamo sa mga bagay na wala sila? At anong klaseng kaibigan ka naman sa kanila? Iniinggit mo ba sila, o pinasisigla mong maging kontento sa kung ano ang mayroon sila?
Tingnan ang halimbawa nina David at Jonatan. Si David ang magiging susunod na hari at si Jonatan naman ang anak ni Haring Saul. Si David ay namumuhay noon bilang isang takas sa ilang. Iniisip ni Haring Saul na banta sa kaniyang pagkahari si David, kaya gusto niya itong mamatay. Bagaman maaari sanang si Jonatan ang maging susunod na hari, naging matalik siyang kaibigan ni David. Alam ni Jonatan na hinirang ng Diyos si David para maging hari at kontento na siyang suportahan ang kaniyang kaibigan.—1 Samuel 19:1, 2; 20:30-33; 23:14-18.
Kailangan mo ang gayong mga kaibigan, na nagsisikap maging kontento at laging iniisip ang pinakamabuti para sa iyo. (Kawikaan 17:17) Siyempre, upang magkaroon ng gayong mga kaibigan, dapat na gayon ka rin.—Filipos 2:3, 4.
[Larawan sa pahina 7]
Naiimpluwensiyahan ka ba ng mga kaibigan mo na maging kontento o di-kontento?