Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus
Tungkol sa Pagtulong sa Atin ng mga Anghel
Nabuhay na si Jesus sa langit kasama ng kaniyang Ama “bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Kaya alam na alam niya ang sagot sa sumusunod na mga tanong.
Interesado ba sa atin ang mga anghel?
▪ Oo, lubha silang interesado sa mga tao. Sinabi ni Jesus: “Nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”—Lucas 15:10.
Isiniwalat ni Jesus na ang mga anghel ay may pananagutang tulungan ang mga lingkod ng Diyos na magkaroon ng matibay na kaugnayan sa Kaniya. Nang magbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad laban sa pagtisod sa iba, sinabi niya: “Tiyakin na hindi ninyo hinahamak ang isa sa maliliit na ito; sapagkat sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 18:10) Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na ang bawat tagasunod niya ay may anghel de la guwardiya. Ipinakikita lamang niya na ang tapat na mga anghel ay interesado sa mga tunay na Kristiyano.
Paano tayo maaaring pinsalain ng Diyablo?
▪ Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod na hinahadlangan ni Satanas ang mga tao na matuto ng katotohanan tungkol sa Diyos. “Kung saan naririnig ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi nakukuha ang diwa nito,” ang sabi ni Jesus, “ang isa na balakyot ay dumarating at inaagaw ang naihasik na sa kaniyang puso.”—Mateo 13:19.
Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa tao na naghasik ng binhi ng trigo, ibinunyag niya kung paano dinadaya ni Satanas ang mga tao. Ang tao sa ilustrasyon ay si Jesus, at ang trigo ay ang mga tunay na Kristiyano na mamamahalang kasama niya sa langit. Pero sinabi ni Jesus na isang kaaway ang “naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo.” Ang panirang-damo ay ang mga huwad na Kristiyano. “Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo.” (Mateo 13:25, 39) Gaya ng panirang-damo na hawig ng tumutubong trigo, ang mga nag-aangking Kristiyano ay maaaring magtinging mga tunay na mananamba. Ginagamit ni Satanas ang mga relihiyong nagtuturo ng maling doktrina para dayain ang mga tao at pasuwayin sila sa Diyos nang sa gayo’y mawala ang pagsang-ayon Niya.
Ano ang puwede nating gawin para hindi tayo mapinsala ni Satanas?
▪ Tinawag ni Jesus si Satanas na “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Nang ipanalangin ni Jesus ang kaniyang mga alagad, ipinakita niya kung paano tayo mapoprotektahan mula kay Satanas. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama sa langit: “Bantayan [mo] sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:15-17) Mapoprotektahan tayo ng kaalaman sa Salita ng Diyos mula sa impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas.
Paano tayo tinutulungan ng mga anghel sa ngayon?
▪ “Sa katapusan ng sistema ng mga bagay,” ang sabi ni Jesus, “lalabas ang mga anghel at ibubukod ang mga balakyot mula sa mga matuwid.” (Mateo 13:49) Nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at milyun-milyon ang tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:3, 14.
Pero hindi lahat ng nag-aaral ng Bibliya ay sinasang-ayunan ng Diyos. Pinapatnubayan ng mga anghel ang gawain ng mga lingkod ni Jehova, at ang mga tunay na umiibig sa Diyos ay inihihiwalay sa mga ayaw kumilos ayon sa kanilang natututuhan. Inilarawan ni Jesus ang mga sinasang-ayunan ng Diyos: “Ito yaong mga pagkarinig sa salita taglay ang mainam at mabuting puso ay nagpapanatili nito at nagbubunga nang may pagbabata.”—Lucas 8:15.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 16]
Tinutulungan ng mga anghel ang taimtim na mga taong naghahanap ng katotohanan