Susi sa Maligayang Pamilya
Ipakipag-usap sa Iyong mga Anak ang Tungkol sa Sex
Sabi ni Alicia, * isang tin-edyer: “Kung minsan, may gusto akong itanong sa mga magulang ko tungkol sa sex, pero baka isipin nilang may ginagawa akong masama kaya ako nagtatanong.”
Sabi ni Inez, nanay ni Alicia: “Gusto ko sanang pag-usapan namin ng anak ko ang tungkol sa sex, pero lagi siyang maraming ginagawa. Hindi ko siya matiyempuhan.”
SA NGAYON, kahit saan ka tumingin, makakakita ka ng mga larawan at impormasyon tungkol sa sex—sa TV, mga pelikula, at mga poster at billboard. Waring ang tanging lugar na hindi pa rin ito pinag-uusapan ay sa tahanan. “Sana alam ng mga magulang na nakakanerbiyos at nakakahiyang ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa sex,” ang sabi ni Michael, isang tin-edyer sa Canada. “Mas madali itong ipakipag-usap sa isang kaibigan.”
Kadalasan, nahihiya rin ang mga magulang na pag-usapan ang paksang ito. Ganito ang sinabi ng guro sa kalusugan na si Debra W. Haffner sa kaniyang aklat na Beyond the Big Talk: “Sinabi sa akin ng maraming magulang na binilhan nila ang kanilang anak ng aklat tungkol sa seksuwalidad o sa pagbibinata at pagdadalaga. Inilagay nila ito sa silid ng anak at hindi na ito pinag-usapang muli.” Sinabi ni Haffner na para nilang sinasabi sa kanilang anak: “Gusto naming malaman mo ang tungkol sa iyong katawan at sa sex; ayaw lang naming ipakipag-usap ito sa iyo.”
Kung isa kang magulang, hindi dapat ganiyan ang saloobin mo. Oo, napakahalaga na ikaw mismo ang makipag-usap sa iyong mga anak tungkol sa sex. Tingnan natin ang tatlong dahilan:
-
Nagbago na ang kahulugan ng sex. “Hindi na lang pagtatalik ng mag-asawa ang ibig sabihin ng sex,” ang sabi ng 20-anyos na si James. “Ngayon, nariyan na ang oral sex, anal sex, cybersex—mayroon pa ngang ‘sexting’ sa cellphone.”
-
Malamang na sa murang gulang ay makarinig na ng maling impormasyon tungkol sa sex ang iyong mga anak. “Makaririnig sila ng tungkol sa sex pagpasok na pagpasok nila sa paaralan,” ang sabi ng inang si Sheila, “at hindi nila makukuha ang tamang pananaw na gusto mo para sa kanila.”
-
May gustong malaman ang iyong mga anak tungkol sa sex pero malamang na hindi sila lalapit sa iyo para magtanong. “Sa totoo
lang, hindi ko alam kung paano ipakikipag-usap sa mga magulang ko ang tungkol sa sex,” ang sabi ng 15-anyos na si Ana mula sa Brazil.
Ang pakikipag-usap sa iyong mga anak tungkol dito ay bahagi ng iyong bigay-Diyos na pananagutan bilang isang magulang. (Efeso 6:4) Maaaring nakakaasiwa ito para sa iyo at sa kanila. Gayunman, maraming kabataan ang sang-ayon sa sinabi ng 14-anyos na si Danielle, “Gusto naming matutuhan ang tungkol sa sex mula sa aming mga magulang—hindi mula sa isang guro o programa sa TV.” Kaya paano mo kakausapin ang iyong mga anak tungkol sa mahalaga ngunit nakakaasiwang paksang ito? *
Isaalang-alang ang Kanilang Edad
Tiyak na ang iyong mga anak ay makaririnig ng tungkol sa sex kahit sa murang edad. Mas nakababahala pa, ang masasama ay magpapatuloy “mula sa masama tungo sa lalong masama” sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1, 13) Nakalulungkot, maraming bata ang seksuwal na inaabuso ng mga adulto.
Kaya mahalagang turuan ang iyong mga anak habang bata pa sila. “Kung hihintayin mo pang maging tin-edyer sila,” sabi ng ina sa Alemanya na si Renate, “baka mahiya na silang pag-usapan ito dahil nagbibinata o nagdadalaga na sila.” Kung gayon, dapat magbigay ng impormasyong angkop sa edad ng mga anak.
Para sa mga hindi pa nag-aaral:
Ituro ang tamang tawag sa kanilang ari, at sabihing huwag na huwag itong ipahihipo kaninuman. “Sinimulan kong turuan ang anak kong lalaki nang siya ay tatlong taóng gulang,” ang sabi ni Julia na taga-Mexico. “Talagang nag-aalala ako dahil puwede siyang abusuhin ng mga guro, yaya, o ng mga batang mas matanda sa kaniya. Kailangan niyang malaman kung paano poprotektahan ang kaniyang sarili.”
SUBUKIN ITO: Sanayin ang iyong anak na sawayin ang sinumang hihipo sa kaniyang ari. Halimbawa, turuan siyang sabihin: “Huwag po! Isusumbong ko kayo!” Tiyakin sa iyong anak na laging tama na magsumbong—kahit na takutin pa siya o pangakuang bibigyan ng regalo. *
Para sa mga nag-aaral sa elementarya:
Unti-unting dagdagan ang nalalaman ng iyong anak. Sinabi ng amang si Peter: “Bago kausapin ang mga bata, alamin kung ano na ang alam nila at gusto pang malaman. Huwag ipilit ang pag-uusap. Darating ang panahon na mapag-uusapan n’yo rin ito kung lagi kang nakikipag-usap sa iyong mga anak.”
SUBUKIN ITO: Makipag-usap nang madalas kahit sandali lamang sa halip na sabihin sa kanila ang lahat ng dapat nilang malaman sa isang upuan lang. (Deuteronomio 6:6-9) Sa gayon, hindi mabibigla ang iyong mga anak. Isa pa, habang lumalaki sila, makakakuha sila ng impormasyong kailangan nila ayon sa kanilang edad.
Para sa mga tin-edyer:
Ito na ang panahon para tiyaking may sapat na kaalaman na ang iyong anak sa pisikal, emosyonal, at moral na aspekto ng sex. “Ang mga kabataan sa eskuwelahan namin ay nakikipag-sex na kung kani-kanino,” sabi ng 15-anyos na si Ana na sinipi kanina. “Bilang isang Kristiyano, iniisip kong kailangan ko ng sapat na kaalaman tungkol sa paksang ito, nakakahiya man itong pag-usapan.” *
Babala: Baka hindi magtanong ang mga tin-edyer dahil natatakot silang mapagsuspetsahan ng kanilang mga magulang. Iyan ang natuklasan ng amang si Steven. “Nag-aalangan ang anak naming lalaki na magtanong tungkol sa sex,” ang sabi niya. “Pero nang maglaon, nalaman naming iniisip niya
palang pinagsususpetsahan namin siya. Ipinaliwanag namin sa kaniya na hindi namin pinag-uusapan ito dahil pinagsususpetsahan namin siya; gusto lang naming malaman kung kaya na niyang labanan ang masasamang impluwensiya sa paligid niya.”SUBUKIN ITO: Sa halip na tanungin ang pananaw ng iyong anak na tin-edyer tungkol sa sex, tanungin kung ano ang pananaw rito ng kaniyang mga kaklase. Halimbawa, maaari mong sabihin: “Iniisip ng marami ngayon na hindi naman talaga pakikipagtalik ang oral sex. Ganiyan din ba ang palagay ng mga kaklase mo?” Mas malamang na magsalita siya at sabihin ang kaniyang pananaw sa bagay na ito.
Huwag Maasiwa
Sabihin pa, ang pakikipag-usap sa iyong mga anak tungkol sa sex ay baka isa sa pinakanakakaasiwang atas mo bilang magulang. Pero sulit ang iyong pagsisikap. Ganito ang sinabi ni Diane na isang ina: “Sa paglipas ng panahon, hindi na nakakaasiwang ipakipag-usap sa iyong anak ang tungkol sa sex at makatutulong pa ito upang maging malapít kayo sa isa’t isa.” Sang-ayon dito si Steven na nabanggit kanina. “Mas madali nang ipakipag-usap ang nakakaasiwang paksa na gaya ng sex kung nakasanayan na ng inyong pamilya na pag-usapan ang anumang paksa,” ang sabi niya. “Hindi naman lubusang naaalis ang pagkaasiwa, pero napakahalaga ng pag-uusap sa isang maligayang pamilyang Kristiyano.”
^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
^ par. 11 Tatalakayin sa artikulong ito ang pangangailangang ipakipag-usap sa iyong mga anak ang tungkol sa sex. Tatalakayin naman sa isang artikulo sa hinaharap kung paano magtuturo ng mga pamantayang moral sa gayong mga pag-uusap.
^ par. 16 Hinango sa pahina 171 ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 19 Sa pakikipag-usap sa iyong tin-edyer na anak tungkol sa sex, gamitin ang kabanata 1-5, 28, 29, at 33 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAANO MO SASAGUTIN?
Basahin ang mga sinabi ng mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, at saka pag-isipan kung paano mo sasagutin ang kalakip na mga tanong.
“Sinabihan ako ng mga magulang ko na magbasa ng mga artikulo na nagtuturo tungkol sa sex at magsabi lang ako kung may tanong ako. Pero gusto ko sana na sila ang magturo nito sa akin.”—Ana, Brazil.
Sa palagay mo, bakit mahalaga na hindi lamang basta bigyan ng babasahíng nagtuturo tungkol sa sex ang iyong anak?
“Marami akong naririnig na kalaswaang ginagawa ng mga tao, at sa palagay ko, walang kaalam-alam dito ang tatay ko. Masa-shock siya kapag tinanong ko siya tungkol dito.”—Ken, Canada.
Bakit kaya natatakot ang iyong anak na ipakipag-usap sa iyo ang mga ikinababahala niya?
“Nang magkaroon ako ng lakas ng loob na magtanong sa mga magulang ko tungkol sa sex, parang inakusahan nila ako. Sabi nila, ‘Bakit mo naitanong ’yan? May nangyari na ba?’”—Masami, Japan.
Kapag nagtanong tungkol sa sex ang iyong anak, ano ang reaksiyon mo? Nagiging dahilan ba ito para hindi na siya muling makipag-usap sa iyo tungkol dito?
“Makatutulong sa akin kung sasabihin ng mga magulang ko na noong kasing-edad ko sila, naitanong din nila ang mga tanong ko at normal lang ito.”—Lisette, Pransiya.
Paano mo matutulungan ang iyong anak na huwag mahiyang ipakipag-usap sa iyo ang tungkol sa sex?
“Malumanay si Nanay kapag tinatanong ako tungkol sa sex. Tingin ko mahalaga iyon, para hindi maisip ng anak na pinag-iisipan siya nang masama.”—Gerald, Pransiya.
Ano ang tono ng boses mo kapag nakikipag-usap sa iyong anak tungkol sa sex? Kailangan mo ba itong baguhin?