Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Sino ang mga Mago na dumalaw sa batang si Jesus?

Ayon sa ulat ng Ebanghelyo ni Mateo tungkol sa pagsilang kay Jesus, may mga dumalaw mula sa “mga silanganing bahagi” na nakakita sa bituin ng bagong hari at nagbigay ng mga kaloob sa batang si Jesus. Sa Ebanghelyo sa wikang Griego, ang mga dumalaw ay tinatawag na maʹgoi, o mago. (Mateo 2:1) Sino sila?

Ang pinakaunang mapagkukunan ng maaasahang impormasyon tungkol sa mga Mago ay ang Griegong istoryador na si Herodotus, na nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E. Iniulat niya na ang mga Mago ay mga saserdote ng Persia na dalubhasa sa astrolohiya, pangkukulam, at pagpapakahulugan sa mga panaginip. Noong panahon ni Herodotus, ang relihiyon ng Persia ay Zoroastrianismo. Kaya ang mga Mago na tinutukoy niya ay malamang na mga saserdoteng Zoroastriano. Sinasabi sa The International Standard Bible Encyclopedia: “Sa mga Griego, ang isang mágos ay may kahima-himalang kaalaman at kakayahan at kung minsan ay nagsasagawa ng mahika.”

Ang mga Mago na dumalaw kay Jesus ay inilarawan bilang mga astrologo ng diumano’y Kristiyanong mga komentarista noon, gaya nina Justin Martyr, Origen, at Tertullian. Halimbawa, isinulat ni Tertullian sa kaniyang aklat na On Idolatry: “Batid natin na magkaugnay ang mahika at astrolohiya. Kaya naman ang mga tagapagbigay-kahulugan sa mga bituin ang unang . . . naghandog sa Kaniya [kay Jesus] ng ‘mga kaloob.’” Kaayon nito, ang maʹgoi ay isinalin sa maraming Bibliya bilang “mga astrologo.”

Bakit sinabi ni Mateo na mula kay propeta Jeremias ang bahaging sinipi niya sa aklat ng Zacarias?

Ang bahaging tinutukoy rito ay ang nasa Mateo 27:9, 10, kung saan binanggit ni Mateo ang salaping ibinayad kay Hudas Iscariote upang ipagkanulo si Jesus. Sinasabi rito: “Nang magkagayon ay natupad ang sinalita sa pamamagitan ni Jeremias na propeta, na nagsasabi: ‘At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga ng tao na hinalagahan, . . . at ibinigay nila ang mga iyon para sa parang ng magpapalayok.’” Ang humula tungkol sa 30 pirasong pilak ay si Zacarias, hindi si Jeremias.​—Zacarias 11:12, 13.

Lumilitaw na kung minsan, ang aklat ng Jeremias, sa halip na ang Isaias, ang una sa koleksiyon ng mga aklat na tinatawag na “mga Propeta.” (Mateo 22:40) Kaya nang banggitin ni Mateo ang “Jeremias,” tinutukoy niya ang isang buong seksiyon ng Kasulatan na tinatawag sa pangalan ng unang aklat nito. Kasali sa seksiyong iyon ang Zacarias.

Sa katulad na paraan, tinawag ni Jesus na “Mga Awit” ang ilang aklat ng Bibliya na kilala rin bilang Mga Akda. Kaya nang sabihin niyang kailangang matupad ang lahat ng bagay na isinulat tungkol sa kaniya “sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit,” tinutukoy niya ang mga hula sa buong Hebreong Kasulatan.​—Lucas 24:44.