Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Alam Niya ang Laman ng “Puso ng mga Anak ng Sangkatauhan”

Alam Niya ang Laman ng “Puso ng mga Anak ng Sangkatauhan”

2 CRONICA 6:29, 30

SINO sa atin ang walang problema? Kung minsan, parang walang nakaiintindi sa hirap at kirot na pinagdaraanan natin. Pero may isa na lubos na nakauunawa sa atin​—ang Diyos na Jehova. Maaaliw tayo sa pananalita ni Solomon sa 2 Cronica 6:29, 30.

Nanalangin si Solomon sa inagurasyon ng templo sa Jerusalem noong 1026 B.C.E. Sa kaniyang panalangin na marahil ay tumagal nang sampung minuto, pinuri ni Solomon si Jehova bilang ang Diyos na matapat, Tagatupad ng mga pangako, at Dumirinig ng panalangin.​—1 Hari 8:23-53; 2 Cronica 6:14-42.

Hiniling ni Solomon sa Diyos na dinggin ang panalangin ng kaniyang mga mananamba. (Talata 29) Bagaman maraming problema na binanggit si Solomon (talata 28), sinabi niya na ang bawat mananamba ay may “sariling salot” at “sariling kirot.” Oo, iba-iba ang pasanin ng bawat isa.

Anuman ang problema ng mga may-takot sa Diyos, hindi nila ito kailangang sarilinin. Sa panalangin ni Solomon, nasa isip niya ang isang mananamba na ‘nag-uunat ng kaniyang mga palad’ kay Jehova habang marubdob na nananalangin. * Marahil ay naalaala ni Solomon ang sinabi ng kaniyang amang si David nang ito ay lubhang nababalisa: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova.”​—Awit 55:4, 22.

Paano tumutugon si Jehova sa mga taimtim na humihingi ng tulong? Nagsumamo si Solomon kay Jehova: “Makinig ka nawa mula sa langit, ang iyong dakong tinatahanan, at magpatawad ka at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad.” (Talata 30) Alam ni Solomon na ang “Dumirinig ng panalangin” ay nagmamalasakit sa kaniyang mga mananamba hindi lamang bilang isang grupo kundi bilang indibiduwal din naman. (Awit 65:2) Ibinibigay ni Jehova ang kinakailangang tulong, pati na ang kapatawaran sa nagkasalang nanunumbalik sa Diyos nang buong puso.​—2 Cronica 6:36-39.

Bakit nakatitiyak si Solomon na sasagutin ni Jehova ang mga pagsusumamo ng nagsisising mananamba? Sa kaniyang panalangin, sinabi ni Solomon: “Sapagkat nalalaman mo [Jehova] ang kaniyang puso (sapagkat ikaw lamang ang lubos na nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan).” Alam ni Jehova ang salot o kirot na nadarama ng bawat tapat na mananamba niya at binibigyang-pansin niya ito.​—Awit 37:4.

Makasusumpong tayo ng kaaliwan sa panalangin ni Solomon. Maaaring hindi lubusang maunawaan ng ating kapuwa ang nadarama natin​—ang ating “sariling salot” at “sariling kirot.” (Kawikaan 14:10) Pero alam ito ni Jehova, at talagang nagmamalasakit siya sa atin. Kung ibubuhos natin ang laman ng ating puso sa panalangin, gagaan ang ating pasanin. “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

[Talababa]

^ par. 4 Noong panahon ng Bibliya, ang ‘pag-uunat ng mga palad,’ o kamay, tungo sa langit ay isang tanda ng pananalangin.​—2 Cronica 6:13.