Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Diyos ay ‘Gumagawa ng mga Dakilang Bagay’—Kung Paano Ko Ito Nalaman

Ang Diyos ay ‘Gumagawa ng mga Dakilang Bagay’—Kung Paano Ko Ito Nalaman

Ang Diyos ay ‘Gumagawa ng mga Dakilang Bagay’​—Kung Paano Ko Ito Nalaman

Ayon sa salaysay ni Maurice Raj

Ang aking pamilya, kasama ang libu-libo pang dayuhan, ay lumikas para matakasan ang isa sa pinakamalupit na pagsalakay noong Digmaang Pandaigdig II. Ilang araw kaming naglakbay sa masukal na kagubatan ng Burma at natulog sa ilalim ng mga puno kung gabi. Siyam na taon ako noon. Pasan ko ang isang maliit na balutan na naglalaman ng lahat ng gamit ko. Pero simula pa lamang ito.

TAÓNG 1942 noon. Nagdidigmaan ang buong daigdig, at tumatakas kami sa paparating na hukbong Hapones. Sinalakay na nito ang Burma, Myanmar ngayon, at nasakop na ang mga minahan ng langis ng Yenangyaung. Bago pa namin marating ang hangganan ng India, naabutan kami ng mga sundalong Hapones at sapilitang pinabalik.

Noong bata pa ako, nakatira kami sa Yenangyaung, kung saan nagtrabaho si Tatay para sa Burmah Oil Company. Nang masakop ng mga Hapones ang Burma, ang mga minahan ng langis ng Yenangyaung ang naging target ng pambobomba ng mga eroplanong pandigma ng Britanya. Minsan, tatlong araw na nagtago ang pamilya namin sa isang trinsera habang binobomba ang paligid. Sa wakas, nakatakas kami sakay ng bangka patungong Sale, isang maliit na bayan sa may Ilog Ayeyarwady, o Irrawaddy. Nagpapasalamat kami at buháy kami. Doon na kami nanirahan hanggang sa matapos ang digmaan.

Trahedyang Umakay sa Katotohanan

Isinilang ang nakababata kong kapatid na lalaki noong 1945 nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II. Tuwang-tuwa si Tatay na magkaroon ng anak sa kaniyang katandaan. Pero makalipas lang ang tatlong buwan, namatay ang kapatid ko. Di-nagtagal, namatay rin si Tatay dahil sa matinding pagdadalamhati.

Gusto ng mga kaibigan namin na aliwin kami kaya sinabi nilang kinuha ng Diyos si Tatay at ang kapatid ko para makasama Niya sa langit. Gusto ko silang makasama! Katoliko ang pamilya namin at itinuro sa akin na ang mga pari at madre ay deretso sa langit pagkamatay nila. Pero ang iba ay pupunta muna sa purgatoryo, kung saan pansamantala silang pahihirapan para maalis ang kanilang kasalanan. Dahil gusto kong makasamang muli si Tatay at ang kapatid ko, naisip kong pumasok sa seminaryong Katoliko sa Maymyo, ngayo’y Pyin Oo Lwin, mga 210 kilometro mula sa aming tirahan.

Kailangang nakapagtapos ka ng pag-aaral para makapasok sa seminaryo. Nang mandayuhan kami, dalawang taon pa lang akong nakapag-aral. At noong panahon ng digmaan, lahat ng paaralan ay sarado. Bagaman binuksang muli ang mga paaralan, hikahos naman ang pamilya namin. Bukod sa aming tatlong magkakapatid na lalaki, inalagaan din ni Nanay ang tatlong anak ng namatay niyang kapatid na babae. Kaya hindi na niya kami kayang pag-aralin.

Nagtrabaho na si Kuya, pero dahil 13 anyos lang ako, hindi pa ako makatulong. Ang kapatid ni Tatay, si Manuel Nathan, ay nakatira sa Chauk, isang bayang malapit sa Sale. Naisip ko, ‘Kung aalis ako ng bahay, mababawasan ang pakakainin nila.’ Kaya nagpunta ako sa Chauk at nakitira kay Tiyo.

Hindi ko alam na nakausap pala ng mga Saksi ni Jehova si Tiyo at sabik siyang ibahagi ang bagong kaalaman niya sa Bibliya. Unti-unti niya itong ibinahagi sa akin. Una niyang ipinaliwanag ang kahulugan ng panalanging Ama Namin, gaya ng tawag dito ng mga Katoliko. Ganito iyon: “Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo.”​—Mateo 6:9, 10, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

“Kaya may pangalan ang Diyos,” ang sabi ni Tiyo. “At ang pangalan niya ay Jehova.” Saka niya ipinakita sa akin ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Gusto kong matuto nang higit pa. Pero hiráp akong magbasa kahit sa sarili kong wika na Tamil. Tapos, Ingles pa ang Bibliya at mga literatura sa Bibliya ni Tiyo kaya hindi ko ito gaanong maintindihan. Pero kahit hindi ako nakapagtapos, unti-unti kong naunawaan ang mga turo sa Bibliya. (Mateo 11:25, 26) Nakita ko na marami sa mga doktrinang itinuro sa akin ay wala sa Bibliya. Nasabi ko sa wakas, “Tiyo, ito ang katotohanan!”

Noong 16 anyos ako, ibinahagi ko na sa iba ang aking natutuhan. Nang panahong iyon, 77 lang ang mga Saksi ni Jehova sa Myanmar. Di-nagtagal, si Tiyo ay dinalaw ni Robert Kirk, isang misyonerong Saksi sa kabiserang lunsod na Rangoon, ngayo’y Yangon. Sinabi ko kay Robert na inialay ko na ang buhay ko kay Jehova. Kaya noong Disyembre 24, 1949, nabautismuhan ako sa Ilog Ayeyarwady bilang sagisag ng pag-aalay ko sa Diyos.

Pagharap sa mga Hamon

Di-nagtagal, lumipat ako sa Mandalay para humanap ng trabaho. Tunguhin kong maging payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Isang araw habang nanonood ako ng soccer, bigla akong natumba at nangisay. Nagkaroon pala ako ng epilepsi, kaya umuwi ako sa aking pamilya para maalagaan ako.

Walong taon ding pasumpung-sumpong ang epilepsi ko. Nang bumuti na ang aking kalusugan, nakapagtrabaho ako. Ayaw ni Nanay na magpayunir ako dahil sa aking kalagayan. Pero isang araw, sinabi ko sa kaniya: “Hindi na po ako makapaghintay. Gusto ko nang magpayunir. Hindi ako pababayaan ni Jehova!”

Noong 1957, lumipat ako sa Yangon at nagpayunir. Nakapagtataka, 50 taon akong hindi sinumpong ng epilepsi. Bumalik lang ito noong 2007, pero nakokontrol na ito ng gamot. Noong 1958, naatasan akong maging special pioneer, na gumugugol ng 150 oras kada buwan sa pangangaral.

Una akong naatasan sa nayon ng Kyonsha, mga 110 kilometro sa hilagang-kanluran ng Yangon. May maliit na grupo roon na nakapagbasa ng aming mga literatura sa Bibliya at gustong makaalam nang higit pa. Pagdating namin ni Robert, nagtipon ang maraming tao. Sinagot namin ang mga tanong nila sa Bibliya at ipinakita kung paano idaraos ang mga pagpupulong tungkol sa Bibliya. Ang ilan sa kanila ay sumama sa amin sa pangangaral. Inatasan ako na manatili sa nayong iyon. Pagkalipas lang ng ilang buwan, ang maliit na grupo ay naging isang masulong na kongregasyon. Ngayon, mahigit nang 150 ang Saksi roon.

Nang maglaon, naatasan akong maglingkod bilang naglalakbay na ministro na dumadalaw sa mga kongregasyon at sa mga grupo sa liblib na lugar sa buong Myanmar. Naglakbay ako nang maraming kilometro sa maalikabok na mga daan habang nakasakay sa ibabaw ng mga trak na punô ng karga, naglakad sa mga kagubatan at kabundukan, at naglayag sa mga ilog. Bagaman mahina ang katawan ko, damang-dama ko na pinalalakas ako ni Jehova para makapagpatuloy.​—Filipos 4:13.

“Tutulungan Ka ni Jehova”

Noong 1962, nalipat ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Yangon, kung saan ako sinanay ni Robert. Di-nagtagal, pinaalis ng gobyerno ang mga banyagang misyonero sa Myanmar, at ilang linggo lang ang lumipas, wala na sila. Kaya sa akin iniatas ang pangangasiwa sa tanggapang pansangay. Hindi ako makapaniwala!

‘Paano ko ito magagawa?’ ang naitanong ko. ‘Wala akong tinapos at wala akong karanasan.’ Napansin ng ilang matatanda ang pagkabalisa ko kaya sinabi nila sa akin: “Huwag kang mag-alala, Maurice. Tutulungan ka ni Jehova, at susuportahan ka namin.” Napatibay ako sa mga sinabi nila! Pagkalipas ng ilang buwan, kailangan kong gawin ang taunang ulat ng aming pangangaral sa Myanmar para sa 1967 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, at ginawa ko ito sa sumunod na 38 taon. Sa paglipas ng panahon, naging maliwanag sa akin na si Jehova talaga ang pumapatnubay sa ating gawain.

Halimbawa, nang mag-aplay ako noon para maging mamamayan ng Myanmar, kulang ako ng 450 kyat * para ipambayad dito, kaya ipinagpaliban ko muna ito. Isang araw, nang madaan ako sa pinagtatrabahuhan ko noon, nakita ako ng dati kong boss. Sumigaw siya: “Raj, halika at kunin mo ang pera mo. Nakalimutan mo itong kunin nang mag-resign ka.” Ito ay nagkakahalaga ng 450 kyat.

Pag-alis ko ng opisina, inisip ko kung saan ko puwedeng gastusin ang 450 kyat. Pero dahil ito ang eksaktong halaga na kailangan ko para ipambayad sa pagiging mamamayan ng Myanmar, naisip ko na kalooban ni Jehova na dito ko ito gamitin. At malaki ang naging pakinabang nito. Bilang isang mamamayan, puwede akong manatili sa bansa, maglakbay, mag-angkat ng literatura, at magsagawa ng iba pang mga tungkuling mahalaga sa aming pangangaral sa Myanmar.

Isang Kombensiyon sa Hilaga

Noong 1969, mabilis ang pagsulong ng gawain sa bayan ng Myitkyina sa hilagang Myanmar, kaya nagpasiya kaming magdaos doon ng kombensiyon. Pero ang pinakamalaking problema namin ay ang transportasyon para sa lahat ng Saksi na manggagaling sa timog. Nanalangin kami at saka nagpareserba ng anim na kotse ng tren sa Myanmar Railways. Nagulat kami nang aprubahan ang aming aplikasyon.

Handa na kami para sa aming kombensiyon. Noong araw na darating ang mga delegado, pumunta kami sa istasyon ng tren bandang tanghali dahil inaasahan naming darating ang tren nang 2:30 n.h. Habang naghihintay, inabót sa amin ng namamahala sa istasyon ng tren ang isang telegrama na kababasahan ng ganito: “Hindi namin idinugtong ang anim na kotse ng tren para sa Watch Tower Society.” Sinabi niya na hindi kayang hilahin ng tren ang karagdagang mga kotse paahon.

Ano ang gagawin namin? Naisip namin na baguhin ang iskedyul ng kombensiyon. Pero nangangahulugan iyon ng muling pag-aaplay ng permit, na aabutin nang ilang linggo. Habang marubdob kaming nananalangin kay Jehova, siya namang dating ng tren! Hindi kami makapaniwala​—anim na kotse ng tren na punô ng mga Saksi! Lahat sila ay nakangiti at kumakaway. Nang itanong namin kung ano ang nangyari, sinabi ng isa sa kanila, “Anim na kotse nga ng tren ang hindi nila idinugtong, pero hindi ang sa amin!”

Mula 1967 hanggang 1971, dumoble ang bilang ng mga Saksi sa Myanmar​—naging 600. Noong 1978, inilipat ang tanggapang pansangay sa isang bahay na dalawang palapag. Pagkalipas ng 20 taon, mahigit 2,500 na ang mga Saksi. Pinalawak pa ang mga pasilidad ng sangay, at noong Enero 22, 2000, dumating mula sa Estados Unidos si John E. Barr, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, para magbigay ng pahayag sa pag-aalay ng bagong tatlong-palapag na gusaling nagsisilbing opisina at tirahan namin sa ngayon.

Pagbabalik-Tanaw sa mga Pagpapala

Sa ngayon, may 52 boluntaryo na nakatira at nagtatrabaho sa sangay sa Yangon, at may mga 3,500 Saksi na naglilingkod sa 74 na kongregasyon at mga grupo sa buong bansa. Natutuwa rin akong sabihin na noong 1969, bago namatay ang mahal kong nanay, naging isa rin siyang Saksi ni Jehova.

Si Doris Ba Aye, isang payunir, ay naging tagapagsalin sa aming tanggapang pansangay noong kalagitnaan ng dekada ng 1960. Noong 1959, nag-aral siya sa ika-32 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, isang paaralan na nagsasanay sa mga Saksi ni Jehova para maging misyonero. Nabihag ako ng kaniyang angking kagandahan, pagiging masayahin, at espirituwalidad. Nagpakasal kami noong 1970. Hanggang sa ngayon, nananatili kaming tapat kay Jehova at sa isa’t isa.

Sa mahigit anim na dekada na ngayon, nakita ko ang patnubay ng Diyos sa pangangaral na isinasagawa sa lupaing ito. Talaga ngang siya ay dakila at karapat-dapat purihin. Siya ay ‘gumagawa ng mga dakilang bagay,’ gaya ng napatunayan ko sa aking buong buhay.​—Awit 106:21.

[Talababa]

^ par. 23 Ang katumbas nito nang panahong iyon ay mga $95 (U.S.), malaki-laking halaga rin.

[Larawan sa pahina 27]

Habang nangangaral sa Rangoon, Burma, bandang 1957

[Larawan sa pahina 28]

Papunta sa isang kombensiyon sa Kalemyo, Burma, noong mga huling taon ng dekada ng 1970

[Larawan sa pahina 29]

Ang maganda at bago naming pasilidad ng sangay na pinalawak noong 2000

[Larawan sa pahina 29]

Kasama si Doris ngayon

[Larawan sa pahina 29]

Habang magkasama kami sa pangangaral