Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Nila Itinakwil ang Mesiyas?

Bakit Nila Itinakwil ang Mesiyas?

Bakit Nila Itinakwil ang Mesiyas?

NANG narito si Jesus sa lupa, ang mga tao ay humanga sa kaniyang mga turo at himala. Kaya marami ang “nanampalataya sa kaniya” at tinanggap nila siya bilang ang inihulang Mesiyas, o Kristo. Sinabi nila: “Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng higit pang mga tanda kaysa sa ginawa ng taong ito, hindi ba?”​—Juan 7:31.

Pero sa kabila ng napakaraming ebidensiya na si Jesus nga ang Mesiyas, ang karamihan sa mga nakakita at nakarinig kay Jesus ay hindi naging mánanampalatayá. Kahit ang ilan na naniwala noong una ay tumalikod din sa kaniya. Bakit? Tingnan natin ang mga dahilan, at tanungin ang sarili, ‘Posible kayang nagagawa ko rin ang gayong pagkakamali?’

Mga Inaasahang Hindi Natupad

Nang isilang si Jesus, inaabangan ng maraming Judio ang paglitaw ng Mesiyas. Nang dalhin sa templo ang sanggol na si Jesus, sinalubong siya ng mga “naghihintay sa katubusan ng Jerusalem” sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas. (Lucas 2:38) Sa kalaunan, marami sa mga nakakita sa mga gawa ni Juan na Tagapagbautismo ang nagtanong: “Siya kaya ang Kristo?” (Lucas 3:15) Ano kaya ang inaasahan ng mga Judio noong unang siglo na gagawin ng Mesiyas?

Iniisip ng mga Judio noon na darating ang Mesiyas at palalayain sila mula sa malupit na pamamahala ng Roma at isasauli ang kaharian sa Israel. Bago simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, maraming lider ang bumangon at nanghikayat sa mga tao na lumaban sa Roma. Malamang na dahil sa kanila, inasahan ng mga tao na gayundin ang gagawin ng Mesiyas.

Pero ibang-iba si Jesus sa mga huwad na Mesiyas na iyon. Hindi siya nagturo ng karahasan kundi itinuro niya sa mga tao na ibigin ang kanilang mga kaaway at magpasakop sa awtoridad. (Mateo 5:41-44) Tinanggihan niya ang pagsisikap ng mga tao na gawin siyang hari. Sa halip, itinuro niya na ang kaniyang kaharian ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 6:15; 18:36) Pero mas nanghawakan ang mga tao sa sarili nilang palagay tungkol sa Mesiyas.

Nakita at narinig mismo ni Juan na Tagapagbautismo ang mga himalang nagpapatunay na si Jesus nga ang Anak ng Diyos. Pero nang makulong si Juan, isinugo niya ang kaniyang mga alagad upang tanungin si Jesus: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o may iba pa ba kaming aasahan?” (Mateo 11:3) Marahil iniisip ni Juan kung si Jesus nga ba ang ipinangakong Tagapagligtas na tutupad sa inaasahan ng mga Judio.

Hindi maintindihan ng mga apostol ni Jesus kung bakit siya papatayin at pagkatapos ay bubuhaying muli. Minsan, nang sabihin ni Jesus na ang Mesiyas ay kailangang magdusa at mamatay, “dinala siya ni Pedro sa tabi at pinasimulan siyang sawayin.” (Marcos 8:31, 32) Hindi pa maunawaan ni Pedro kung ano ang kaugnayan ng kamatayan ni Jesus sa papel nito bilang Mesiyas.

Pagpasok sa Jerusalem bago ang Paskuwa ng 33 C.E., sinalubong si Jesus ng pulutong na nagbubunyi sa kaniya bilang Hari. (Juan 12:12, 13) Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin! Nang linggo ring iyon, si Jesus ay inaresto at pinatay. Dalawa sa kaniyang mga alagad ang nanangis: “Inaasahan namin na ang taong ito ang siyang itinalagang magligtas sa Israel.” (Lucas 24:21) Kahit nang magpakita ang binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad, iniisip pa rin nila na maghahari ang Mesiyas sa Israel. Nagtanong sila: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Maliwanag, ang maling mga inaasahan tungkol sa Mesiyas ay malalim nang nakaugat sa puso’t isip ng mga tagapakinig ni Jesus.​—Gawa 1:6.

Nang umakyat sa langit si Jesus at pagkatapos ibuhos ang banal na espiritu, naunawaan na ng kaniyang mga alagad na ang Mesiyas ay sa langit mamamahala bilang Hari. (Gawa 2:1-4, 32-36) Buong-tapang na ipinangaral nina apostol Pedro at Juan ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, at dahil sa mga himalang naisasagawa nila, napatunayan nila na sinusuportahan sila ng Diyos. (Gawa 3:1-9, 13-15) Libu-libo sa Jerusalem ang tumugon at naging mánanampalatayá. Pero hindi ito nagustuhan ng mga Judiong lider ng relihiyon. Kung paanong sinalansang nila si Jesus, sinalansang din nila ang kaniyang mga apostol at alagad. Bakit itinakwil ng mga Judiong lider ng relihiyon si Jesus?

Itinakwil ng mga Lider ng Relihiyon

Nang pumarito si Jesus sa lupa, ang kaisipan at mga kaugalian ng mga Judio ay malayung-malayo na sa itinuturo ng Kasulatan. Ang mga lider ng relihiyon noon​—ang mga Saduceo, Pariseo, at mga eskriba​—ay nanghawakan sa mga tradisyon ng tao sa halip na sa nasusulat na Salita ng Diyos. Paulit-ulit nilang pinaratangan si Jesus ng paglabag sa Kautusan dahil makahimala siyang nagpapagaling kung Sabbath. Matatag na pinasinungalingan ni Jesus ang kanilang mga turo na wala sa Kasulatan​—hinamon niya ang kanilang awtoridad at pag-aangkin na sinasang-ayunan sila ng Diyos. Si Jesus ay nagmula sa isang mahirap na pamilya at hindi nakapag-aral sa relihiyosong mga paaralan. Hindi nga kataka-taka na nahirapan ang mapagmataas na mga lalaking iyon na kilalanin si Jesus bilang Mesiyas! Galit na galit sila dahil napatutunayan ni Jesus na mali sila. Kaya sila ay “nagsanggunian laban [kay Jesus] upang mapatay nila siya.”​—Mateo 12:1-8, 14; 15:1-9.

Pero paano maipaliliwanag ng mga lider ng relihiyon ang mga himalang ginawa ni Jesus? Hindi nila ito maikaila. Kaya sinikap nilang pahinain ang pananampalataya ng mga tao kay Jesus sa pagsasabing ang kaniyang kapangyarihan ay galing kay Satanas. Sinabi nila: “Hindi pinalalayas ng taong ito ang mga demonyo malibang sa pamamagitan ni Beelzebub, ang tagapamahala ng mga demonyo.”​—Mateo 12:24.

May iba pang dahilan kung bakit ayaw nilang kilalanin si Jesus bilang Mesiyas. Pagkatapos buhaying muli ni Jesus si Lazaro, nag-usap-usap ang mga lider ng iba’t ibang relihiyon at nagsabi: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.” Sa takot na mawala ang kanilang kapangyarihan at posisyon, ang mga lider ng relihiyon ay nagsabuwatan na patayin si Jesus at si Lazaro!​—Juan 11:45-53; 12:9-11.

Pagtatangi at Pag-uusig ng mga Kababayan

Dahil sa mga Judiong lider ng relihiyon, naging masama ang tingin ng mga tao noong unang siglo sa sinumang tumatanggap kay Jesus bilang Mesiyas. Palibhasa’y ipinagmamalaki nila ang kanilang prominenteng posisyon, minamaliit nila ang sinumang nananampalataya kay Jesus, na sinasabi: “Walang isa man sa mga tagapamahala o sa mga Pariseo ang nanampalataya sa kaniya, hindi ba?” (Juan 7:13, 48) Ang ilang Judiong lider, gaya nina Nicodemo at Jose ng Arimatea, ay naging mga alagad ni Jesus, pero inilihim nila ito dahil sa takot. (Juan 3:1, 2; 12:42; 19:38, 39) Iniutos ng mga Judiong lider na ‘kung ipapahayag ng sinuman si Jesus bilang Kristo, dapat itong itiwalag mula sa sinagoga.’ (Juan 9:22) Ang taong ito ay hahamakin at itatakwil ng lipunan.

Ang pagsalansang sa mga apostol at alagad ni Jesus ay nauwi sa marahas na pag-uusig. Dahil sa kanilang buong-tapang na pangangaral, ang mga apostol ay nagdusa sa kamay ng Sanedrin, ang mataas na hukumang Judio. (Gawa 5:40) Ang alagad na si Esteban ay pinaratangan ng pamumusong. Hinatulan siya ng Sanedrin at binato hanggang sa mamatay. Pagkatapos, “bumangon ang malaking pag-uusig laban sa kongregasyon na nasa Jerusalem; ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria.” (Gawa 6:8-14; 7:54–8:1) Si Saul, na naging si apostol Pablo, ay nakibahagi sa isang kampanya ng pag-uusig na suportado ng mataas na saserdote at ng “kapulungan ng matatandang lalaki.”​—Gawa 9:1, 2; 22:4, 5.

Kahit sa ilalim ng gayong mahihirap na kalagayan, mabilis na lumaganap ang Kristiyanismo pagkamatay ni Jesus. Pero bagaman libu-libo ang naging mánanampalatayá, kaunti pa rin ang mga Kristiyano kung ikukumpara sa populasyon ng Palestina noong unang siglo. Kung ang isa ay magpapakilalang Kristiyano, maaari siyang itakwil at saktan pa nga.

Matuto Mula sa mga Nagtakwil kay Jesus

Gaya ng nakita natin, marami noon ang hindi nanampalataya kay Jesus dahil sa maling mga ideya, panggigipit ng lipunan, at pag-uusig. Sa ngayon, ang maling mga ideya tungkol kay Jesus at sa kaniyang mga turo ay may gayunding epekto. Halimbawa, marami ang naturuan na ang Kaharian ng Diyos ay nasa kanilang puso o na maitatatag ito sa pagsisikap ng tao. Ang iba ay nahikayat na umasa sa siyensiya o teknolohiya para sa solusyon sa mga problema ng sangkatauhan. Sinasabi naman ng maraming kritiko ngayon na ang mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus na nakaulat sa Bibliya ay hindi totoo. Ang lahat ng ito ay nagpapahina sa pananampalataya ng mga tao kay Jesus bilang Mesiyas.

Dahil sa gayong mga ideya at teoriya, marami ang nalilito tungkol sa papel ng Mesiyas o ayaw na itong pag-isipan. Pero sa mga gustong magsuri, mas maraming katibayan ngayon kaysa noong unang siglo na si Jesus nga ang Mesiyas. Nariyan ang Hebreong Kasulatan na naglalaman ng maraming hula tungkol sa gagawin ng Mesiyas at ang ulat ng apat na Ebanghelyo sa Bibliya tungkol sa mga ginawa ni Jesus bilang katuparan ng mga hulang iyon. *

Maraming ebidensiya na makatutulong sa iyo na makapagpasiya tungkol sa bagay na ito. At kailangan mo nang magpasiya ngayon. Bakit? Sapagkat sinasabi ng Bibliya na malapit nang kumilos si Jesus, ang Mesiyanikong Hari ng Kaharian ng Diyos, upang alisin ang lahat ng nagpapahamak sa lupa. Sa ilalim ng kaniyang matuwid na pamamahala, ang lahat ng masunuring tao ay mabubuhay magpakailanman sa paraisong lupa. (Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15, 18; 21:3-5) Maaari mong tamasahin ang magandang kinabukasang ito kung magsisikap ka na matuto tungkol kay Jesus at mananampalataya ka sa kaniya. Isapuso ang sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:16.

[Talababa]

^ par. 22 Tingnan ang tsart na “Mga Hula May Kaugnayan sa Mesiyas” sa pahina 200 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 20]

Kikilalanin mo kaya ang Mesiyas kung nabuhay ka noong panahon ni Jesus?

[Larawan sa pahina 21]

Huwag mong hayaang hadlangan ka ng sariling mga palagay tungkol kay Jesus na alamin ang katotohanan hinggil sa kaniya