Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?

Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?

Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?

GAANO ka man katagal tumitig sa langit, wala kang makikitang espiritu. Wala ka ring maririnig na nagsasalita. Pero naniniwala kang umiiral sila. Napakatalino nila at makapangyarihan. Mayroon silang kani-kaniyang pangalan at katangian. Tinutulungan tayo ng ilan; gusto naman tayong saktan ng iba. Ang lahat ay interesado sa atin.

Ang tunay na Diyos mismo ay isang Espiritu. (Juan 4:24) Siya ay naiiba sa maraming huwad na diyos dahil sa kaniyang natatanging pangalan​—Jehova. (Awit 83:18) Isinulat ng salmista: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin. Siya ay kakila-kilabot nang higit sa lahat ng iba pang diyos. Sapagkat ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos; ngunit kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang mismong langit. Ang dangal at ang karilagan ay nasa harap niya; ang lakas at ang kagandahan ay nasa kaniyang santuwaryo.”​—Awit 96:4-6.

Mga Pangitain Tungkol sa Tunay na Diyos

“Walang taong nakakita sa Diyos kailanman,” ang sabi ng Bibliya. (Juan 1:18) Gaya ng isang ipinanganak na bulag na hindi nakauunawa sa pagkakaiba-iba ng kulay, hindi rin kayang abutin ng isip ng tao ang hitsura at karilagan ng Diyos. Pero kung paanong ipinaliliwanag ng isang mahusay na guro sa mga estudyante ang mahihirap na bagay sa tulong ng mga bagay na nauunawaan nila, inilalarawan ng Diyos sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang mga bagay na di-nakikita gamit ang mga bagay na nakikita. Sa pamamagitan ng mga pangitaing ibinigay niya sa kaniyang tapat na mga lingkod noon, tinutulungan tayo ni Jehova na mailarawan sa isip ang langit at maunawaan ang kaugnayan natin sa mga naninirahan doon.

Halimbawa, sa isang pangitaing ibinigay kay propeta Ezekiel, ang kaluwalhatian ni Jehova ay iniuugnay sa apoy, kaningningan, batong safiro, at bahaghari. Sa isa pang pangitain, nakita ni apostol Juan si Jehova na nakaupo sa trono. Sinabi niyang ang Diyos, “sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.” Ipinakikita ng gayong mga paglalarawan na ang presensiya ni Jehova ay natatangi at nagniningning sa kagandahan at katiwasayan.​—Apocalipsis 4:2, 3; Ezekiel 1:26-28.

Sa pangitain naman ni propeta Daniel tungkol kay Jehova, nakita niya ang “sampung libong tigsasampung libo [na mga anghel] na patuloy na nakatayo sa mismong harap [ni Jehova].” (Daniel 7:10) Kahanga-hangang tanawin nga iyon! Isang anghel pa lamang ang makita mo, kahit sa pangitain, ay kasindak-sindak na, ano pa kaya ang makita ang milyun-milyong sakdal na mga anghel!

Halos 400 beses binanggit sa Bibliya ang mga anghel, at sila ay may mga ranggo, gaya ng serapin at kerubin. Ang salitang Griego at Hebreo na isinalin sa Bibliya na “anghel” ay parehong nangangahulugang “mensahero.” Kaya ang mga anghel ay nakikipag-usap sa isa’t isa at nakipag-usap din noon sa mga tao. Hindi sila mga dating tao na nabuhay sa lupa. Matagal na silang nilalang ni Jehova bago pa ang mga tao.​—Job 38:4-7.

Sa pangitain ni Daniel, nakita niyang nagtipun-tipon ang napakaraming anghel para saksihan ang isang napakahalagang pangyayari. “Isang gaya ng anak ng tao” ang lumapit sa trono ni Jehova para tanggapin ang “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Ang “anak ng tao,” isa na may mahalagang papel sa langit, ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Ipinagkaloob sa kaniya ang pamamahala sa buong lupa. Papalitan ng kaniyang pamamahala ang lahat ng gobyerno ng tao at wawakasan ang sakit, kalungkutan, paniniil, kahirapan, at maging ang kamatayan.​—Daniel 2:44.

Tiyak na masayang-masaya ang tapat na mga anghel nang mailuklok si Jesus sa trono. Hangad nila ang pinakamabuti para sa mga tao. Pero hindi natuwa ang lahat.

Mga Kaaway ng Diyos at ng Tao

Sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao, isang anghel ang naghimagsik kay Jehova dahil sa paghahangad na siya ay sambahin. Ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Si Satanas ang pinakamasamang espiritu, at kinakalaban niya si Jehova, ang pinakamaibiging persona. Sumama ang iba pang anghel sa pagrerebelde ni Satanas. Tinatawag sila ng Bibliya na mga demonyo. Gaya ni Satanas, ang mga demonyo ay naging mahigpit na kaaway ng mga tao. Kagagawan nila ang karamihan sa nakikita nating pagdurusa, kawalang-katarungan, sakit, paghihirap, at digmaan.

Bagaman hindi na gaanong pinag-uusapan sa maraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang tungkol kay Satanas, ipinakikita ng Bibliya sa aklat ng Job kung anong klaseng anghel siya at kung ano ang kaniyang mga motibo. Sinasabi nito: “At dumating ang araw na ang mga anak ng tunay na Diyos ay pumasok upang tumayo sa harap ni Jehova, at maging si Satanas ay pumasok na kasama nila.” Sa kanilang pag-uusap, walang-pakundangang sinabi ni Satanas na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil sa natatanggap nitong pagpapala. Sinikap ni Satanas na patunayan ang kaniyang akusasyon. Kaya pinahirapan niya si Job. Pinatay niya ang mga alagang hayop ni Job pati na ang lahat ng sampung anak nito. Pagkatapos, pinangyari niyang magkaroon si Job ng malulubhang bukol sa buong katawan. Pero nabigo si Satanas.​—Job 1:6-19; 2:7.

May mabubuting dahilan kung bakit hindi agad pinuksa ni Jehova si Satanas, pero malapit na niya itong gawin. Sa katunayan, may ginawa nang hakbang para maisakatuparan ito. Bagaman hindi natin ito nakita, malinaw na inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang mahalagang pangyayaring ito sa daigdig ng espiritu. Mababasa natin: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [ang binuhay-muling si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:7-9.

Pansinin na si Satanas ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Ginagamit niya ang maling relihiyosong mga turo upang iligaw at italikod ang mga tao kay Jehova at sa kaniyang Salita. Isa na rito ang turo na may espiritung patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang tao. May iba’t ibang bersiyon ang paniniwalang ito. Halimbawa, sa Aprika at Asia, naniniwala ang marami na ang mga namatay ay nagtutungo sa daigdig ng mga espiritu na kinaroroonan ng kanilang mga ninuno. Ang mga turo tungkol sa purgatoryo at impiyerno ay batay rin sa ideya na ang isang tao ay patuloy na nabubuhay pagkamatay niya.

Kabilang-Buhay sa Langit?

Kumusta naman ang paniniwala ng milyun-milyon sa buong daigdig, na ang lahat ng mabubuting tao ay aakyat sa langit? Totoo na may ilang mabubuting tao na pupunta sa langit, pero kaunti lamang sila kumpara sa bilyun-bilyong namatay na. Ipinakikita ng Bibliya na 144,000 ang ‘bibilhin mula sa lupa’ at maglilingkod bilang “mga saserdote” at “mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3) Kasama ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, sila ang bubuo sa makalangit na pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos. Pupuksain ng pamahalaang iyan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at gagawin nitong paraiso ang lupa. Karamihan sa mga namatay na ay bubuhaying muli sa hinaharap at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong iyon sa lupa.​—Lucas 23:43.

Sa maikli, marami ang nasa daigdig ng espiritu. Ang Kataas-taasan sa kanila ay ang Diyos na Jehova, ang Maylalang ng lahat ng buhay. Tapat na naglilingkod sa kaniya ang milyun-milyong anghel. Ang ibang anghel, sa pangunguna ni Satanas, ay nagrebelde kay Jehova at nagliligaw sa mga tao. Naroon din ang maliit na grupo ng mga tao na “binili,” o pinili, mula sa lupa upang tumanggap ng pantanging posisyon sa langit. Ngayong alam na natin ito, tingnan naman natin kung sino ang puwede nating makausap sa daigdig ng espiritu at kung paano natin ito gagawin.